Chapter 8: Pagtatagpo sa Nimpalang

1.2K 55 16
                                    

Chapter 8

PAGTATAGPO SA NIMPALANG

 

 

Hindi man niya amini'y batid ni Alab ang malaking tulong ng kapitan sa kanilang paglalakbay lalo na nang makarating na sila sa bayan ng Nimpalang.  Naging masigasig sa pagtatanong ang bihag sa bawat masalubong nila sa daan.

"Kailangan nating mag-ingat ng husto sa kanila," balita ni Amihan sa mga Pugot.  "Ayon sa mga nakausap ko, hindi basta-bastang nagpapapasok sa kanilang nasasakupan ang mga Olawon lalo na't sa mga dayuhang katulad natin."

"Tulong ang kailangan natin sa kanila.  Wala tayong masamang balak."  May pagkainip ang boses ng Alamid.  "Kung totoong mananambal ang mga kasapi ng Agapai, hindi nila tayo ipagtatabuyan sa oras na malaman nila ang ating pakay."

"Ganoon din ang paniniwala ko, Alab.  Ngunit walang masama kung mag-iingat tayo sa kanila."

"Alam mong hindi ako titigil hangga't hindi nabibigyang lunas ang kapatid ko."

"Alab, tumigil muna tayong saglit para kumain," sabat ni Kuntan sabay hagod sa kanyang tiyan.

Tahimik nilang kinakain ang kanilang nahuling isda sa lilim ng punong malapit sa pampang ng ilog.

"Hindi ka yata nangingiming tulungan kami?"  Tanong ni Kuntan sa Tangian.  Nag-angat ng mukha si Amihan.

"Nakasalalay ang buhay ng aking tribu sa kasunduang ito, mga ginoo.  May mga mahal sa buhay kaming naghihintay sa aming paglaya,"  seryosong  wika ng kapitan.

"Si Lin-aw ba ang tinutukoy mo?"  Urirat pa rin ng tagpagmana.  Napahugot ng malalim na hininga si Amihan bago tumango.

"Noong una pa ma'y tutol na akong sumama siya sa digmaan ngunit talagang matigas ang kanyang ulo.  Eto ngayon at kailangan ko pang mag-alala sa kalagayan niya samantalang kung nagpaiwan na lamang siya sa Kalamigo'y hindi na ako mababahala."  Sinulyapan ni Amihan ang Alamid ngunit nananatiling matigas ang anyo ni Alab nang gantihan siya nito ng tingin.

"Hindi kami nananakit ng babae, Amihan."  Si Kuntan ang nagpaalala sa bihag. 

"Kababaihan ang mandirigma ng Mamamana, Lakan.  Dati-rati'y nag-ubusan kayo ng lahi, di ba?"

"Sila'y hindi babae o lalaki sa gitna ng laban,"  si Alab ang sumagot.  "Insulto para sa kanilang ituring namin silang babae at pagbigyan upang manalo sa labanan.  Ang totoo'y mahirap silang talunin at sakupin."

"Bakit kayo nakianib sa Gamo-gamo, Amihan?"  Tanong ng lakan.  Napailing ang huli bago sumagot.

"Tinukso ni Sumandig ang aming datu.  Kasunduan kapalit ng mga minang ginto sa inyong nasasakupan.  Kahit sabihin ko pang labis akong tumutol sa kasundua'y wala akong nagawa bilang tagasunod lamang."

"Sa tingin mo ba'y nagtanda na si Datu Lapinig?"

"Sana nga." 

Matapos ang pananghalia'y niligpit ng kalalakihan ang kanilang pinagkainan at binaybay ang pampang ng ilog.  May nakapagsabi sa kanilang dapat nilang sundan ang daloy ng ilog kung nais nilang matunton ang kinaroroonan ng mga Agapai.  Tahimik ang kanilang paglalakbay, alerto sa anumang panganib na maaaring sumalubong sa kanila.  Biglang humudyat si Alab sa kanyang mga kasama nang may mamataan siya sa di-kalayuan.

"Hinto,"  anang Alamid.  "May paparating."  Paanas na wika ng mandirigma sabay turo sa batuhang nakausli sa gitna ng ilog.  Sabay-sabay nilang hinugot ang kanilang mga sandata at dahan-dahang nilapitan ang nag-iisang lalaking nakaupo sa batuhan.  Nakaharap ito sa kanila ngunit nakapikit ang mga mata.  May katandaan na ang lalaki bagama't makisig pa ang pangangatawan nito.  Malaabo ang kulay ng nakapungos nitong buhok at ganundin ang mahabang balbas.  Suot ng lalaki ang tradisyonal na baro ng isang mandirigma maliban na lamang sa mahabang salawal na abot talampakan.  Wala itong sandata at napapalibutan ng samo't saring kwintas ang kanyang leeg.

ALABTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon