Chapter 4: Ang Tagapagmana

879 61 1
                                    

CHAPTER 4

ANG TAGAPAGMANA

 

Kanina pa pinagmamasdan ni Kuntan ang nakaratay na ama habang tahimik lamang sa isang sulok ng silid ang mag-ina.

"Bakit hinayaan niyang mangyari ito sa kanya, Inang?"  Tanong ng binata.  Napakunot-noo si Alisa, batid niyang masakit para kay Kuntan ang sinapit ni Molavi.  Saktong pumanhik si Amila sa silid at narinig ang tanong ng binata.

"Nagkakamali rin ang magigiting na mandirigma, Lakan."  Nilinga siya ng binata.  Sa limang taong pamamalagi ni Amila sa Makiyas ay hindi pa rin nababawasan ang ere sa tikas ng Mamamana-u kahit hindi maganda ang pakikitungo sa kanya ng mga Pugot.

"Kagaya mo, Babaylan?"  Bahagyang napangiti si Amila sa pasaring.

"Tama ka.  Ngunit sa bawat pagkakamali'y may tama ring katumbas.  Ang pagkakamali ko'y nagbunga ng kasunduang pangkapayapaan, hindi ba?"

"Sa tingin mo ba'y magdudulot rin ng magandang resulta ang pagkakamali ni Ama?"

"Hindi ako manghuhula, Kuntan.  Narito ka na't pansamantalang papalit sa pamumuno ng buong Makiyas.  Ikaw ang tanging makakasagot sa tanong mo."  Mapaghamon ang tingin ng dating pinuno sa binata.  Napabuntunghininga si Kuntan.

"Kinakabahan ako."

"Kaya mo ito, Kuntan."  Si Aristan ang naglubag-loob sa nararamdaman ng kapatid. Lumapit si Amila sa binata at pinagmasdan ang anyo nito.

"Bago ka pa naging kasapi ng Alamid ay isa ka nang Lilay-an.  Kayo ang namumuno sa Makiyas.  Nakapagsanay ka na sa Sinagbato at ilang pagsasanay pa'y hihirangin ka nang ganap na kasapi ng angkan.  Bakit nakikita ko ang takot sa iyong mga mata?"  Lihim na nagulat ang Mamamana-u nang hindi man lang ito ipagkaila ng lakan.  Tumayo si Kuntan at lumapit sa kanya, bagay na bihirang gawin ng isang dugong-bughaw sa isang dating kaaway.

"Hindi ko ito kakayaning mag-isa, Babaylan."  Buong-tapang ang ginawang pag-amin ng binata, sa harap pa man din ng kababaihang naroon sa loob ng silid.

"ba..kit...mo ito...nasabi, anak?"   Mahina lamang ang boses ngunit lahat sila'y nagulat at dali-daling lumapit sa papag na hinihigan ng nagkamalay nang datu. 

"Salamat po, Mahabaging Bathala!"  Napausal sa galak si Alisa samantalang pasubsob namang yumapos si Aristan sa dibdib ng ama, ingat na hindi matamaan ang sugat nito.  Si Kuntan nama'y napako sa kanyang kinatatayuan habang nakadungaw sa ama.

"Mabuhay kang muli, Molavi."  Ani Amila.  Marahang tumango ang datu ngunit kaagad din ibinaling ang tingin sa panganay na anak.

"Magpaliwanag ka."

"Ama, natutuwa ako't nakawala ka na sa kuko ng panganib.  Ang mga narinig mo ngayo'y totoo.  Alam mong nagsanay akong maging Alamid dahil sa dalawang taong hinahangaan ko, maliban sa inyo.  Sina Damongligao at Alab ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob sumapi sa Alamid at tahakin ang landas ng isang mandirigma.  Hindi ko kakayaning mag-isa ang susunod na Panimalus."

"Wala ka bang tiwala sa sarili mo, Kuntan?  Balang araw, iikot ang Makiyas sa iyong mga kamay bilang pinuno."

"Hindi ko nakakalimutan ang aking tungkulin bilang tagapagmana, Ama.  Ngunit sa nangyari sa inyo'y nag-aalangan po ako.  Unang sabak ko ito sa digmaan at hindi ko kabisado ang galaw ng kalaban.  Isa pa'y hindi pa ako handa."  May halong panlulumo ang boses ng anak.

"Isa kang Alamid..."

"Hindi pa.  Naudlot ang huli kong pagsasanay nang bumalik ako rito."

"Baka pagod ka lang, Kuntan."  Sumali na si Alisa sa mag-ama.  "Maiging magpahinga ka na muna at pag-isipan ang mga bagay-bagay."  Matagal bago tumango at sumang-ayon ang binata.

ALABTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon