Battle of Short Stories (BOSS) Season 2 - Final Round Entry__________
Hiram Na Sandali
MALALIM na ang gabi at tahimik na ang buong paligid kung saan mag-isa kang nakatira, pero gising na gising ka pa dahil kauuwi mo lang galing sa trabaho. Naisipan mo pang magluto ng instant noodles para sa hapunan, at para na rin makapag-celebrate ka sa katatanggap na promotion sa opisina.
Gusto mo pa ngang maghanda ng mas magarbo dahil sa sayang nararamdaman mo, ngunit natatakot ka. Ayaw mong mapunan ng sobra-sobrang kasiyahan ang iyong puso, naniniwala ka kasing ang kapalit nito'y kalungkutan at kasawian.
Isang malakas na katok ang gumimbal sa 'yo habang ika'y nakatitig sa noodles at hinihintay itong maluto. Palakas nang palakas ang mga ito habang palakas din nang palakas ang kabog ng dibdib mo dahil sa kaba. Hindi mo alam kung bakit pero bigla kang nakaramdam ng takot nang dahil sa katok na 'yon. Para bang bawat kalabog ay may kalakip na peligro.
Huminto ang mga katok sa iyong pinto at napalitan ito ng sigaw ng isang lalaki na nagsasabing, “Buksan mo ang pinto! Lumabas ka r'yan!” Narinig mo ang boses na kabisadong kabisado mo kung kanino galing. Walang iba kundi kay Eric. Ang lalaking tanging laman ng puso mo.
Dali-dali kang tumakbo sa pintuan upang pagbuksan si Eric at bumungad sa 'yo ang matapang na amoy ng alak na nanggagaling sa lalaki iyong kaharap. Napakunot ang noo mo't napasimangot pero pinatuloy mo pa rin siya sa loob. Gusto mo sanang magalit sa ginawa niyang paglalasing, pero wala namang magagawa iyon. Isa pa, ano ba'ng bago? Nilalapitan ka lang naman niya kapag siya'y may problema, at sa tuwing mayroon ay nilalango niya ang sarili sa alak.
Nagpakawala ka ng isang malalim na buntong-hininga bago sumunod sa loob. Tumakbo ka papunta sa kusina at sakto namang luto na ang instant noodles na niluto mo. Pinatay mo ang apoy sa kalan at inihain ang pagkain kay Eric na nakahiga sa iyong sofa.
“Eric, kumain ka muna. Baka uminom ka na naman nang hindi naghahapunan ha?” malambing mong sabi sa kaniya, inilapag mo muna sa center table ang hawak mong mangkok at inakay mo siya para makaayos ng upo. May kabigatan siya, pero hindi mo ininda, ang mahalaga'y maalagaan mo siya at maiparamdam sa kaniyang hindi siya nag-iisa. Na may tao siyang masasandalan sa oras ng problema.
Hinihipan mo ang sabaw na nakalagay sa kutsara at akmang isusubo na ito sa kaniya nang bigla niyang tabigin ang iyong kamay dahilan para matapon ang kutsarang may sabaw. “Ayaw ko n'yan! Ikaw ang gusto ko, Mara. Sorry na please? Bati na tayo,” parang batang sabi nito habang nakadaop ang mga palad.
Si Mara na naman. Si Mara na naman ang dahilan ng kalungkutan niya. Si Mara na wala nang ginawa kundi ang pasakitan siya. Nasa gitna siya ng kalungkutan na kagagawan nito ngunit ito pa rin ang bukambibig niya. Napababa ang mga balikat mo. 'Michelle ang pangalan ko, Eric. Kailan mo ba matututunang tawagin ang pangalan ko sa oras na may kailangan ka at ako naman ang nasa tabi mo?' ang sambit mo sa iyong isip. Umaasang maririnig niya ito.
Nagtama ang inyong mga paningin. Kitang kita mo sa mga mata niya ang repleksyon mo ngunit emosyon na para lamang kay Mara. Ang kaniyang malamlam na titig ay tila tumatagos sa iyong katawan at kaluluwa.
BINABASA MO ANG
Contest Entries
RandomWriting contest entries from different Wattpad writing contests. Some are successful, most are failed.