Survivor Wattpad - Round 2 Entry
__________
MAY PAG-ASA PA
Sabi nila wala nang pag-asa, pero sabi ko meron pa. Naniniwala akong hangga't may buhay ay may pag-asa. Naniniwala akong lahat ng problema may solusyon. Hindi pwedeng wala.
Hindi maalis ang titig ko sa mga taong sapilitang ibinababa ng mga kalalakihang binayaran ng gobyerno mula sa isang barkong sinasakyan ng mga ito. Karamihan sa kanila ay umiiyak habang nagpupumiglas sa paghila ng mga lalaki sa kanila pababa dito sa isla. Sa islang ginawang tambakan ng mga taong tulad nila.
Mga taong sa unang tingin pa lang ay masasabi mo nang, “Wala ng pag-asa 'to.” At mapapailing. Mga taong halos wala ng dugo sa sobrang kaputlaan at halos wala ng laman sa kapayatan.
Hindi ko maiwasang 'di malungkot. Parami nang parami ang itinatapon dito sa isla. Parami nang parami ang natatamaan ng epidemia. Parami nang parami ang mga taong nabibilang na lamang ang oras sa mundo.
Kung pagmamasdan mula sa malayo ang islang pinaroroonan namin, makikita ang mapunong bahagi nito sa gitna, at tambak ng mga tao sa gilid. Sa isang gilid ay mga buhay habang sa kabila naman ay mga patay. Ang mga mapuputing buhangin ay natakpan na halos ng mga banig ng mga taong nasa isla.
Nakita ko ang pag-alis ng barko matapos nitong ibaba ang mga taong bago pa lamang na natamaan ng epidemia. May pag-asa pa kayang makaalis kami sa islang ito? Hindi naman siguro kami mamatay dito sa isang isla kung saan malayo sa kabihasnan 'di ba?
Napayuko ako at nakita ang kapatid kong si Jacob na natutulog habang nakapatong ang ulo sa hita ko. Matirik ang araw ngunit malakas ang hangin dala ng mga punong katabi namin, kaya nililipad pa ang mga buhok nito. Limang taong gulang pa lang si Jacob. Napakabata pa niya para malagyan ng taning ang kanyang buhay. Napakabata pa niya para pagdaanan ang lahat ng ito.
Hindi ko na napigilan ang pagbagsak ng mga luha ko habang hinahaplos ang buhok ni Jacob. Sobrang bigat na ng dibdib ko. Iniisip ko pa lang na mawawala ang kaisa-isa kong pamilya, hindi ko na kaya. Si Jacob na lang ang tanging iniwan sa'kin nina Mama at Papa nang magpaalam sila sa mundong ito dahil sa malubhang sakit, hindi ko matatanggap kung pati si Jacob ay kukunin sa'kin. Hindi ko kakayanin.
Hindi ako nagdoktor para panuorin ang pagkamatay ng pamilya ko isa-isa. Hindi ako nagdoktor para iyakan lang ang lahat ng pangyayari. Nagdoktor ako para magkaroon ako ng kakayahang isalba ang mga taong mahal ko mula sa kamatayan, para iligtas sila mula sa pagdurusa. Nabigo ako kay Mama at Papa dahil nahuli ako, pero ngayon hindi na ako makapapayag na mabigong muli. Isasalba ko ang buhay ni Jacob. May pag-asa pa. Alam kong may pag-asa pa.
“'Wag ka munang bibitaw Jacob ha? Makakahanap din ng solusyon si Ate,” sabi ko sa natutulog na Jacob. Mahina lamang ang pagkakasabi ko, pero nagising ko 'ata siya.
“Ate Gail, umiiyak ka po ba?” tanong ni Jacob sa'kin bago siya bumangon at naupo sa harapan ko. Inabot ng maiiksing kamay niya ang mukha ko at pinunasan ang mga luhang patuloy ang pagbagsak sa pisngi ko. Kinuha ko ang dalawang kamay niya at hinalikan ito.
“Jacob, napuwing lang si Ate. Nagising ba kita? Halika matulog ka ulit dito,” sabi ko sa kanya at tinapik ang hita ko. Napakunot ang noo ko nang isang iling ang isinagot ni Jacob sa'kin.
BINABASA MO ANG
Contest Entries
RandomWriting contest entries from different Wattpad writing contests. Some are successful, most are failed.