Gabay

40 0 0
                                    

Pluma: A Short Story Writing Battle - Round 1 Entry

__________


Gabay


NAGNININGNING sa saya ang mga mata ko habang nakatingala noon sa kalangitan. Iginala ko ang paningin sa mga ulap at sa pagitan ng mga bituin, at napangiti ako nang makita ko ang hinahanap ko. Ang paborito kong kontelasyon, ang Orion. Isang grupo ng mga bituin na bumubuo ng hugis ng isang tao na may dala-dalang pana.


"Itay, para sa 'yo ito," mahina kong sambit at itinaas ko pa ang hawak kong gintong medalya at isang sertipiko na siyang nakuha ko sa sinalihang kumpetisyon. "Champion ako sa archery, 'Tay! Manang-mana talaga ako sa 'yo," masigla ko pang dugtong.


Mukha man akong tanga sa ginawa ko ay hindi ko na alintana, dahil sa ganoong paraan ko na lamang makakausap ang pinakamamahal kong ama. Tandang-tanda ko pa noon ang sagot niya sa akin nang tanungin ko siya kung ano ba ang mga bituin.


"Gabay natin ang mga bituin, anak. Naniniwala ako na ang mga bituin ay replika ng mga anghel na hindi nagsasawa sa pagsubaybay sa atin. Naniniwala rin akong nasa kalangitang iyan ang iyong ina at nakangiti habang pinagmamasdan tayo."


"Kung gano'n kapag pumanaw ang isang tao ay magiging bituin siya?" inosenteng tanong ng batang ako noon.


"Oo, maaari. Kapag ako ang pumanaw, anak, lagi mong tatandaan na titingnan mo ang konstelasyon ni Orion. Iyon ako at parati kitang makikita. Parati kitang gagabayan dahil mahal na mahal kita, anak."


Hindi ko mapigilan ang sarili ko sa pagluha dahil sa mga alaalang napanuod ko sa aking isipan. Hindi ko mapigilang hindi malumbay sa tuwing maiisip kong wala na ang aking ama at sumama na siya sa mga bituin sa langit.


Napatingala akong muli at pinagmasdan lang ang Orion. Ang paborito ring konstelasyon ni Itay. Palagi niyang ipinagmamalaki sa kahit na sino na isa siya sa kaapu-apuhan ni Orion at sasabayan pa niya ng tawa. Biru-biruan, pero alam kong para sa kaniya'y totoo 'yon. Totoo 'yon dahil 'yon ang gusto niyang paniwalaan.


Minsan ko lang itinanong sa kaniya kung bakit gustong-gusto niya ang konstelasyon na iyon, ngunit sinuklian niya ako ng paulit-ulit na kwento na halos makabisado ko na. Isang kwento na masaya rin akong ibinabahagi sa iba. Ang kwento ng pag-iibigan ng aking ama't ina na halos kapareho ng kwento ng pag-iibigan nina Orion at Artemis.


MALIWANAG ang buwan sa kabila ng kalaliman ng gabi kaya naman sinamantala ito ng aking ama upang maglaro sa kagubatan kasama ang kaniyang mga kaibigan. Dala ang kaniyang pana ay walang pagod siyang tumakbo nang tumakbo hanggang sa makakita siya ng hayop na maaari asintahin.


Isa ito sa pagkakapareho nila ni Orion. Sabi sa mitolohiya, isang magaling na mangangaso ang binata. Itinalaga ito ng isang hari para pangalagaan ang buong kapaligiran ng kaharian nito mula sa mga mababangis na hayop.


Ilang minuto lang ang nakalipas, isang malaking baboy-ramo ang kaniyang natagpuan na pagala-gala sa kagubatan. Ang mabilis niyang pagtakbo ay napalitan mabagal at maingat na paglakad upang hindi siya makagawa ng ingay na maaaring bumulabog sa mabangis na hayop na nasa kaniyang harapan.

Contest EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon