Ikaw Na Naman?

13 0 0
                                    

Pluma: A Short Story Writing Battle - Audition Entry

__________



IKAW NA NAMAN?


TAHIMIK sa loob ng opisina kung saan nagtratrabaho si Edgar. Lumalalim na kasi ang gabi kaya naman nagsiuwian na ang kaniyang mga katrabaho. Kundi lang dahil sa karagdagang trabahong ibinigay sa kaniya ng tamad niyang boss ay malamang nakauwi na rin siya sa mga oras na iyon.


Tutok na tutok ang kaniyang mga mata at atensyon sa kompyuter nang biglang may taong bumulaga sa harap ng kaniyang mesa. "Tapos ka na ba r'yan?" ang tanong nito sa kaniya.


Kahit hindi na niya ito lungunin, alam niyang ito ang boss niya base sa boses nito, ngunit nagkamali siya. Nang tingnan niya kung sino ang taong nasa harap niya, nakita niya ang mukha ng lalaking matagal na siyang ginugulo.


Lalaking nakikita niya kahit saan siya magpunta. Sa bahay, sa trabaho, at sa iba pang lugar na minsan niya nang pinasyalan. Lalaking dahilan kung bakit siya nalulumbay at nag-iisa. Ang siyang sumira ng kaniyang pamilya. Ang lalaking pumatay sa kaniyang mag-ina.


Dali-dali niyang kinuha ang matalim na gunting sa mesa at sinugod ang lalaki. Sinakmal niya ito at itinulak hanggang mauntog ito sa pader.


"Papatayin kita. Tulad ng pagpatay mo sa mag-ina ko," bulong niya rito na may halong pait at pighati. Muli na naman kasing bumalik sa alaala niya ang karumaldumal na nangyari sa kaniyang asawa't anak.


Kababakasan ng pagkagulat at pagkatakot ang mga mata nito. Nanginginig din ang buo nitong katawan at nanlambot dahilan kung kaya't hindi ito makalaban.


"Edgar, 'wag! Parang awa mo na, hindi ako ang pumatay sa mag-ina mo. Mali ang iniisip mo. Nagdedeliryo ka lang," pagmamakaawa nito habang nakadaop ang mga palad.


Itinaas na niya ang hawak na gunting. Buo na ang desisyon niyang pagpatay sa lalaking nasa harap niya at hindi siya magpapapigil sa pagmamakaawa nito.


"Sawang sawa na ako sa linya mong 'yan. Ilang ulit mo na ba 'yang nasabi sa 'kin? Ha? At katulad ng dati, hinding hindi ako madadala sa pagmamakaawa mo." Parang demonyo siyang tumawa matapos niyang sabihin 'yon at walang sabi-sabi niyang ibinaon ang matalim na gunting sa ulo ng lalaki.


Umagos ang dugo sa buong ulo nito at sa pati na rin sa kamay niyang pilit pang ibinabaon ang gunting sa ulo ng walang buhay na lalaki. Sinigurado niyang patay na ito bago niya binitawan ang gunting, ayaw na kasi niyang gambalain pa siya nitong muli.


Tinalikuran niya ang patay na katawan at nakita ang sariling imahe sa nakatapat na salamin. Ang imahe ng demonyong kumitil sa buhay ng taksil niyang asawa at sa sanggol na nasa sinapupunan nito.


"Ikaw na naman?"

Contest EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon