Royal Rumble 2 - Audition Entry_________
ANG MAALAMAT NA KASALAN
Mataas ang sikat ng araw at tirik na tirik ito na nagdudulot ng labis na kainitan sa paligid, ngunit basa ang kalsada dulot ng bahagyang pag-ulan. 'May kinakasal na tikbalang' ang sabi-sabi, subalit saan nga ba nagsimula ang kasabihang ito?
Isang araw, daang-daang taon na ang nakalilipas ay may matatagpuanng kumpol sa gitna ng isang kagubatan. Ang kumpol na ito'y binubuo ng mga kakaibang nilalang na kung tawagin ay tikbalang.
Kakaiba man ang panahon dahil tirik ang araw sa kabila ng pag-ulan ay maingay ang mga ito at tila nagkakasiyahan. Sa gitna ng mga ito ay may dalawang tikbalang na magkaharap. Kapansin-pansin ang mga iyon dahil sa mas maganda ang ayos nila kaysa sa iba. Nakangiti ang mga ito sa isa't isa, at mahigpit na magkahawak ang kanilang mga kamay.
“Crisanta, aking irog. Hindi mo alam kung gaano nag-uumapaw sa kasiyahan ang puso ko dahil sa wakas ay magpapakasal na tayo,” sambit ni Allan na may malapad na ngiti. Hinaplos niya ang kanang pisngi ni Crisanta at pinagmasdan ang kagandahan ng sinisinta. Hindi niya siguro kakayanin kung mawawala ito sa kaniya.
“Pangako kong alagaan ka, alalayan ka, samahan ka, protektahan ka at mahalin ka hanggang sa aking kamatayan. Alay ko ang aking buhay sa iyo mahal ko.” Nakatitig lang siya kay Crisanta habang sinasambit niya ang mga salitang 'yon. Puno ng sinseridad at pagmamahal ang mga mata niya at nakikita 'yon ni Crisanta. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nahulog ang loob niya rito. Tapat ito at tunay na mapagmahal.
Hindi makapagsalita sa galak si Crisanta kaya nama'y isiniil niya sa isang halik ang lahat ng mensaheng gusto niyang iparating kay Allan. Alam niyang pangkaraniwan lang ang kwento ng kanilang pagmamahalan ngunit alam niya sa sarili niya na ito'y tunay at panghabambuhay.
Ang lahat ay masaya at nagdiriwang ng mga sandaling 'yon kaya naman hindi nila napansin na sa may 'di kalayuan ng kanilang kinaroroonan ay may taong pinagmamasdan ang nagaganap sa gitna ng kagubatan.
Sa nakitang 'di pangkaraniwang nilalang at nararanasang 'di pangkaraniwang panahon ay ipinalagay nito na may kinalaman ang dalawang bagay sa isa't isa. Kumalat ang teoryang sa tuwing magiging ganoon ang lagay ng panahon ay may ikinakasal na tikbalang. Kumalat ito at nagpasalin-salin sa bibig ng mga tao.
Ngayo'y isa na itong sikat na kasabihan. Ngunit may hindi pa nalalaman ang mga tao, dahil hindi na ito nakita ng taong pinag-ugatan ng kwento. Noong naganap ang kasalan sa pagitan nina Crisanta at Allan, may isang tikbalang na nagngangalang Felix ang umiiyak sa kabilang panig ng kagubatan. Naghihinagpis ito dahil sa pagpapakasal ng babaeng tanging minahal niya sa iba.
Bata pa lamang sila ay pinangarap na ni Felix ang mapangasawa ni Crisanta, na masasabi niya rito ang lahat ng laman ng damdamin niya. Ngunit ni wala man lang siyang nagawa upang matupad ang mga 'yon. Ipinaubaya niya si Crisanta sa kapatid niyang si Allan at patuloy na lamang niya itong mamahalin ng palihim.
BINABASA MO ANG
Contest Entries
RandomWriting contest entries from different Wattpad writing contests. Some are successful, most are failed.