His Plans

58 0 0
                                    


Battle of Short Stories (BOSS) Season 1 - Round 2 Entry

__________

His Plans

Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ko pagkatapos kong magbihis. Kinuha ko ang balisong na nakapatong sa mesa at nilagay 'to sa bulsa ko. Tinanggal ko sa pagkakahanger ang jacket ko at isinuot ito. Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin, mukha na akong masamang tao pero wala akong pakialam, totoo naman.

Akmang lalabas na ako ng kwarto nang biglang bumukas ang pinto at pumasok si Helen, ang asawa ko. Suot niya ang hindi maipintang mukha at kunot na noo, alam kong masama ang loob niya sa ginagawa ko pero ito na lang ang naiisip kong paraan para mapagamot ang anak naming si Nicco.

Limang taon pa lang si Nicco, may sakit siya sa puso na namana niya kay Helen at malala na 'to ngayon. Iniisip ko pa lang na mawawala si Nicco sa amin hindi ko na kaya. Mahal na mahal ko ang anak ko at gagawin ko ang lahat para gumaling siya.

“Saan ka pupunta? Mambibiktima ka na naman?” sunud-sunod na tanong ni Helen sa 'kin gamit ang malamig niyang boses. Hindi ko na lang siya sinagot dahil ayoko nang pag-awayan namin 'to ulit.

“Alex, kailan ka ba titigil? Kapag nasa kulungan ka na?”

“E, ano bang gusto mong gawin ko? Wala na akong maisip na ibang paraan para mailabas na natin sa lintik na ospital na 'yon si Nicco. Mabuti sana kung may trabaho at pinag-aralan ako, pero wala!” Hindi na ako nakapagtimpi. Gusto ba niyang nakikitang nahihirapan ang anak namin dahil hindi namin kayang bayaran ang pampa-opera nito?

“Alex, nariyan pa naman ang Panginoon. Bakit hindi mo subukang humingi ng tulong sa kanya? Itigil mo na 'yang ginagawa mo, mali 'yan Alex,” mahinahong sabi ni Helen.

“Helen, kung nariyan lang ang Panginoon, sana hindi tayo nahihirapan. Sana hindi Niya ako hinayaang matanggal sa trabaho, sana hindi Niya hinayaang magkasakit ang anak natin, at sana hindi Niya hinayaang maging ganito kagulo ang pamilya natin.” Umiling lang si Helen sa mga sinabi ko, nakita kong may namumuong mga luha sa mga mata niya.

“Kung sana sinubukan mo man lang na humingi ng tulong sa Kanya, hindi tayo mahihirapan ng ganito.” Hindi ko na siya pinakinggan pa at umalis na lang ng bahay, nakakasawa na ang mga pangaral niya sa akin. Bakit pa kasi siya pumunta ng bahay? Hindi na lang niya binantayan si Nicco sa ospital.

Naglakad na ako papunta sa lugar na palagi kong tinatambayan para mag-abang ng mabibiktima at pagdating ko roon ay may kumpol ng mga tao akong nadatnan. Ano kayang meron? Lumapit ako para tingnan kung ano ang pinagkakaguluhan nila at nagulat ako sa nakita ko. Isang lalaking maraming tama ng bala sa iba't ibang parte ng katawan ang nakahandusay sa kalsada.

“Anong meron?”

“May shoot out daw kanina rito e.”

“Nabaril 'ata ng mga pulis.”

“Myembro raw ng akyat bahay 'yan e.”

Contest EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon