Survivor Wattpad - Audition Entry
Liriko 1 - Audition Entry
__________
SI PANOT
Kakatapos lang ng aking ika pitompu't apat na kaarawan at nandito na naman ako sa pinaka-ayaw kong kama, nakahimlay. Ayaw ko man, wala naman akong magawa dahil hindi ko kayang kontrahin ang desisyon ng aking mga anak na ipagamot ako.
Pilit akong nakikipaglaban sa mga sakit kong hindi ko naman alam kung ano dahil ayaw sabihin sa'kin ng mga anak ko. “Stressed ka lang daw Ma,” ang lagi nilang sagot sa'kin sa tuwing magtatanong ako tungkol sa kalagayan ko, pero hindi naman ako tanga para paniwalaan sila. Alam ko sa sarili ko na may malubha akong sakit. Alam ko, na hindi na ako magtatagal pa sa mundo. Alam ko, dahil nararamdaman ko ito.
Napatingin ako sa paligid ng kwarto ko at nakita ko ang apat sa aking mga apo. Tiningnan ko si Tracey, ang bunso sa kanilang lahat na apat na taong gulang na, nakaupo ito sa sofa at naglalaro siya sa tinatawag na iPad. Hindi ko alam kung ano iyon, ang alam ko lang maaaring maglaro doon dahil iyon ang palaging nilalaro ni Tracey.
Sunod ko namang pinagmasdan ang nagbibinatang si Jeffrey. Nakapikit ito at nakasandal ang ulo sa sandalan ng sofa, may nakasaksak earphones sa magkabilang tenga nito habang hawak ang isang maliit na bagay na kung tawagin ay iPod. Natawa ako sa aking isipan. Naisip ko kasing halos pareho lang naman ang pangalan ng iPod at iPad ngunit magkaibang magkaiba naman ito.
Dumako naman ang tingin ko sa kambal kong apo na nakaupo sa kabilang sofa. Hindi naaalis ang tingin ni Janine sa cellphone niya at tila may nakakatawa itong binabasa dahil nakita kong bumungisngis ito. Samantalang si Bea naman ay walang tigil sa pagtitipa sa kanyang laptop. “Dalagang dalaga na sila,” sabi ko sa isip mo pagkatapos ay ngumiti nang bahagya.
Nalulungkot ako at nanghihinayang. Hindi ko kasi nagawang ilapit ang loob ng mga apo ko sa'kin noong mga panahong malakas pa ako. Pinili ko pa kasing magpaiwan sa probinsya kaysa sumama sa syudad kung saan naroon ang aking mga anak. Nangangamba kasi akong baka maisantabi lang nila ako dahil sa kanilang trabaho, asawa at bagong pamilya.
Matanda na ako. Naisip ko habang nakikipagtitigan sa kisame. “Ibang iba na ang panahon ngayon,” bulong ko sa sarili habang umiiling pa.
Unti-unting bumalik sa alaala ko ang mga pangyayari sa buhay ko noon at hindi ko maiwasang ikumpara iyon sa mga pangyayari sa buhay ko ngayon. Noon, masaya na ako basta't kumpleto ang pamilya. Kahit nga ang bunsong anak ko lang ang madalas kong makasama sa bahay ay kuntento na ako. Ngayon, araw-araw kong nakikita ang mga anak ko pagkagaling nila sa kani-kanilang mga trabaho ngunit hindi ako masaya. Pakiramdam ko ay may kulang pa rin.
Noon, kayang kaya kong makisabay sa agos ng buhay at lagi pang nakasunod sa uso. Samantalang ngayon ay nahihirapan na akong pag-aralan ang paggamit sa kahit anong teknolohiya. Simula nang magsipag-asawa ang mga anak ko ay nawalan na ako ng ganang ipagpatuloy ang buhay. Pakiramdam ko kasi mag-isa na lang ako. Wala na rin kasi si Panot.
Si Panot na aking esposo. Si Panot na sa kabila ng mabantot na pangalang ibinigay ko sa kanya ay mahal na mahal pa rin ako. Si Panot na lagi kong kasama mula pagkabata hanggang sa kami'y ikasal at hanggang sa siya'y mawala. Si Panot na walang ginawa kundi pasiyahin at alalahanin ako. Si Panot na maagang kinuha ng Diyos sa buhay ko.
BINABASA MO ANG
Contest Entries
RandomWriting contest entries from different Wattpad writing contests. Some are successful, most are failed.