Sa Kabilang Mundo

31 0 0
                                    

Liriko 2 - Battle Round Entry 

__________

Sa Kabilang Mundo

NANGINGINIG ang kamay at buong katawan ko dahil sa matinding tensyong nararamdaman noong gabing iyon. Tila ba pinupukpok na tambol ang dibdib ko sa tindi ng kabog nito na mas malakas pa ang tunog kaysa sa mga nagsisigawan sa labas ng palasyong aking kinaroroonan.

Ilang pulgada lang ang layo ko mula sa nakabukas na bintana. Gusto kong makita ang mga nagaganap sa labas ngunit binabalot ako ng takot at kaba. Napakalaki ng kasalanan ko sa aking nasasakupan. Naging pabaya ako sa aking mga desisyon dahilan ng paghihirap nila kaya naman wala akong mukhang maihaharap sa kanila.

Nanlalambot man ang mga tuhod, inipon ko ang buong lakas ko upang makahakbang papalapit sa bintana. At nang makadungaw ay unti-unti nang nabasag ang puso ko. Ang lahat ay sumisigaw na siyang paraan nila para mailabas ang matinding galit. Bakas sa mukha nila na hindi nila ako kayang patawarin at na para bang... gusto nila akong patayin.

Nagulat ako nang biglang may tumamang bato sa noo ko. Ang isa ay naging dalawa, tatlo hanggang sa hindi ko na ito mabilang pa. Masakit, oo, pero mas masakit ang sugat na nasa puso ko. Napaatras ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Kailangan kong ayusin ang gulong nagawa ko ngunit paano? Gusto kong maibalik ang tiwala nila sa akin pero hindi ako sigurado kung posible pa nga ba 'yon.

Napailing na lang ako sa mga nasaksihang pangyayari at sa naisip. Wala na akong pag-asa. Isa akong walang kwentang pinuno. Pasakit ang dulot ko sa aking nasasakupan at hindi ginhawa. Hindi ako nararapat para maging isang prinsesa ng palasyo. Hindi dapat ako nabubuhay sa karangyaan gayong naghihirap ang aking bayan.

Tinanggal ko ang aking korona at itinapon ito sa kama. Pakiramdam ko ay hindi na ako makahinga sa loob ng aking silid kaya naman nagmadali akong tumakbo palabas. Sinubukan akong pigilan ng isa sa aking mga tagapaglingkod ngunit hindi siya nagtagumpay.

Hindi na ako nakakapag-isip nang matino sa mga oras na iyon. Gulong gulo na ako sa sitwasyon at gusto ko na lamang itong takbuhan. Gusto ko na lamang matulog at magpahinga at umasang magiging maayos ang lahat sa pag-gising ko pero hindi panaginip ang lahat. Alam kong hindi iyon panaginip dahil paulit-ulit akong sinasampal ng masakit na katotohanan.

Nakalabas na ako ng palasyo at nasaksihan ko nang malapitan ang gulong idinulot ko. Pinagmasdan ko lamang ang mga rebelde hanggang sa may nakapansin sa 'kin. Nagulat ako nang isigaw niya ang, “Naro'n si Prinsesa Zahara! Sugurin natin siya!” na nasundan kaagad ng mga sigawan. Sa isang iglap ay napunta sa akin ang kanilang atensyon at namalayan ko na lamang na tumatakbo na ako palayo sa isang batalyong rebelde na humahabol sa 'kin.

Hindi ko alam kung paano at saan ako nakakuha ng lakas at bilis para takbuhan silang lahat. Marahil napunan ng takot ang puso ko kaya't wala nang mapaglagyan ang pagod. Takbo lang ako nang takbo hanggang sa mapunta ako sa isang sagradong bahagi ng kagubatan kung saan naroroon ang lagusan patungo sa kabilang mundo.

Ang mundo raw sa kabilang bahagi ng lagusan ay ibang iba sa mundo namin. Mas malaki, mas maraming nilalang, mas magulo, mas malupit, at mas delikado. Ang mga iyon ay nasabi ng mga ninuno namin dahil sa wala pang ni-isang nakabalik sa mga nagtangkang tumawid dito.

Contest EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon