Kabanata 4

25 7 1
                                    

Araw ng linggo

Magkasama sina Rafaelita at Julianna sa simbahan upang dumalo sa misa. Maingay ang paligid ngunit tumahimik rin ito ng pumasok na ang Kura-paruko. Parehong abala ang isipan ng dalawang dalaga dahilan upang hindi nila maunawaan ng maayos ang liturhiya. Hindi parin maalis ni Rafaelita sa kaniyang isipan ang misteryosong lalaki na nakabangga niya kahapon sa daan. Si Juli naman ay panay ang lingon sa paligid. Hinahanap niya si Francesco sapagkat wala ang binata sa misa. Ibang sakristan ang nagsisilbi sa altar. Kapag bakasyon at walang pasok hindi nakakaligtaan ni Francesco ang magsilbi sa simbahan. Labis na nagalala si Juli. Isa lamang ang dahilan na tumatakbo sa kaniyang isipan. Maaaring nagkasakit ang binata. Sinigurado niya kung wala nga ba si Francesco sa loob ng simbahan. Laking gulat niya ng magkatagpo ang kanilang mga mata ni Mikhail na katabi ng kaniyang mga kaibigan. Nakangiti ito sa kaniya ngunit ang mga ngiti na iyon ay may dalang pang aasar. Napairap na lamang si Julianna at muling humarap sa altar kung saan siya nararapat na nakatingin.

Hindi makapaniwala ang dalaga na nakapasok sa simbahan si Mikhail ng buhay. Ang buong pagaakala niya ay nasusunog ang mga masasamang espiritu sa tuwing itatapak nila ang kanilang mga paa sa entrada pa lamang ng simbahan. Mukhang nagkamali yata siya. May mga masasamang espiritu na hindi tinatablan ng kapangyarihan ng simbahan.

Nang matapos ang misa sabay na lumabas ng simbahan si Juli at Rafaelita. "Juli, may napansin ka bang misteryosong lalaki dito sa San Diego?" Tanong ni Rafaelita.

Napaisip si Juli. Lahat naman siguro ng hindi niya kilala ay misteryoso para sa kaniya. "Marami pong misteryosong lalaki sa San Diego Binibini, anong klaseng misteryoso po ba ang tinutukoy ninyo?" Tanong ni Juli.

Nagdadalawang isip si Rafaelita kung makabubuti ba kung sasabihin niya kay Juli ang kaniyang nakita. Kamukhang kamukha ni Joaquin ang lalaking nakatagpo niya kahapon. Siguradong magkadugo silang dalawa. "Hindi kaya itinatagong anak ni Don Joaquin ang lalaking iyon?" Tanong ni Rafaelita sa kaniyang sarili. Mukhang imposible namang mangyari iyon sapagkat sa kaniyang pagkakaalam mahal na mahal ni Don Joaquin si Luna at walang sino man ang kayang pumalit sa dalaga.

"Huwag mo ng alalahanin ang aking katanungan, Juli." Wika ni Rafaelita at napangiti.

Napangiti nalang rin si Juli ngunit sa kaniyang isipan nagaalala na siya para kay Rafaelita. Mukhang mayroong pinagkakaabalahang bagay ang Binibini nitong mga nakaraang araw. Palaging malalim ang kaniyang iniisip. Noong una inakala niyang nagsusulat lamang ng storya ang Binibini ngunit nang tanungin niya ito tungkol sa libro, ang sabi ng binibini ay baka hindi na muna niya matatapos ang kaniyang nasimulang storya. Ibig sabihin mayroon siyang ibang bagay na inaatupag. Sana hindi iyon magdala sa kaniya sa kapahamakan.

Sabay silang naglalakad ng bigla silang harangin ni Mikhail. Nasa likuran nito ang kaniyang mga pilyong kaibigan. Tunay nga talagang ang mga ibon na magkakapareho ng pakpak ay nagliliparan ng magkakasama. Si Sergio ay matangkad at matipuno ang pangangatawan. Palibhasa ay laging napapasali sa mga kaguluhan. Madalas itong may pasa sa mukha mula sa pakikipagsuntukan sa sabungan o di kaya ay para lang sa katuwaan. Kayumanggi ang kulay ng kaniyang balat at itim naman ang kulay ng kaniyang buhok. Para kay Juli may itsura sana ang binata ngunit barumbado lamang. Katabi naman ni Sergio si Flabio.

Mayaman rin ang kanilang pamilya kagaya ni Mikhail. Sa kanilang tatlo si Flabio na yata ang pinaka matino ngunit pilyo parin. Hindi kagaya ni Mikhail, matataas ang mga marka ni Flabio sa medisina. Hindi lang iyon, marami din siyang lengguwaheng nalalaman. Ngunit sa kabila ng magandang reputasyon ng binata mayroong usap usapan sa kanilang bayan na nakabuntis daw ito ng isang babaeng bayaran ngunit gumawa ng paraan ang kaniyang ama upang patahimikin at magpakalayo layo ang babae. Hindi alam ni Juli kung totoo man ang usapin na iyon at wala rin siyang pakialam sa kanilang mga buhay. Ang nagiisang hiling lang niya ay ang lubayan na siya ng tatlo. Lalong lalo na ni Mikhail.

The Red Moonflower  (Estrella Muerta Trilogy #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon