Conquer or Die
HACIENDA VILLAHERMOSA
Hindi na gaanong maulan sa araw na iyon ngunit madilim parin ang paligid. Ang mga putik sa daan ay hindi parin natutuyo sapagkat ang araw ay nagkukubli parin sa likod ng mga ulap. Sa kabila nito, huminto na ang pagbuhos ng ulan kaninang madaling araw at humupa narin ang baha. Pansamantalang hindi madaanan ang iilang lugar sapagkat natabunan ng putik ang kalsada. Mabuti na lamang at naisipan ng mga taong-bayan na magtulungan. Kinuha nila ang kani kanilang mga pala at binungkal ang nagkapatong patong na kapal ng putik sa daan. Nag uunahan naman ang mga kutsero sa paghatid sa kanilang mga pasahero kung kaya't nagkaroon ng kaunting aberya. Natagalan tuloy sa pagdating sa kani kanilang mga destinasyon ang mga pasahero.
Nang matapos na ang aberya sa daan, agad na nagpahatid si Don Tiburcio sa kaniyang kutsero patungo sa Hacienda Villahermosa. Balak niyang bisitahin muna ang binata bago siya magtungo sa hukuman para sa isang pagpupulong. Pababa pa lamang ng kalesa si Don Tiburcio nang agad siyang salubungin ni Manang Delya sa entrada. Hindi mapakali ang matanda habang nanginginig ang kaniyang mga kamay. Malalim ang mga mata nito at maputla ang kaniyang pagmumukha. Senyales ng isang gabing walang pahinga.
"Magandang umaga, Don Tiburcio." Bati ni Manang Delya.
"Magandang umaga." Tugon naman ni Don Tiburcio na kabababa lamang sa kalesa.
"Hinihintay po kayo ni Ginoong Amil sa kaniyang opisina." Mayroong kakaiba sa kilos ni Manang Delya, bagay na hindi naman masuri at maunawaan ni Don Tiburcio kung kaya't nagtungo na lamang siya sa loob.
Nang makapasok sa sala si Don Tiburcio napansin niya ang mga bakas ng putik sa sahig. Mayroong mga bakas na patungo sa kusina, at ang iba ay paakyat sa hagdan. Nagkalat ang mga bakas na iyon sa iba't ibang direksyon. Dahilan upang mapaisip ang Don na nagkaroon ng kaguluhan sa loob ng tahanan.
Kakaiba rin ang katahimikang nakapalibot sa kaniya. Ngayon lamang napansin ng Don na walang niisang kasambahay sa loob ng tahanan sapagkat wala siyang marinig na ingay sa loob ng kusina. Ngayon lang rin niya napansin na wala rin sa hardin ang mga hardinero ng Hacienda Villahermosa. Si Manang Delya lamang ang naabutan niya roon ngunit nang lumingon si Don Tiburcio kung saan niya iniwan kani kanina lamang ang mayor doma, nagitla siya nang makitang wala na ito doon.
Nakabukas na ang pinto sa opisina nang makarating doon si Don Tiburcio na para bang hinihintay talaga ni Amil ang kaniyang pagbisita. Mayroon ring bakas ng putik sa loob ng opisina na dating pagmamay ari ni Don Joaquin. At dahil hindi na nga si Ginoong Amil ang gobernadorcillo, wala ng mga nakatambak na papel sa kaniyang mesa. Sa katunayanan, walang nakalapag doon kahit na isang plorera lamang. Bukod sa bakas ng putik na nagkalat sa sahig ng opisina, ang buong paligid ay nasa maayos na kalagayan. Halimbawa na lamang ay ang mga libro ni Don Joaquin na nakahilera ng maayos sa estante.
Bukas ang bintana sa opisina kahit na walang sinag ng araw na matatanaw mula sa labas. Tanging hangin lamang ang naglabas-pasok sa bintana patungo sa opisina. Kakaiba ang dala nitong halimuyak, tila ba pinaghalong putik at tubig ulan. Hindi napansin ni Don Tiburcio na kanina pa nakamasid sa kaniya ang binata sapagkat abala siya sa maliliit na detalye sa loob ng opisina. Isa pa, nakaupo sa isang silya sa madilim na sulok ang binata kung kaya't hindi siya kaagad namataan ng Don.
Dahan dahang tumayo si Amil mula sa kaniyang pagkakaupo. Saka lamang napansin ni Don Tiburcio ang presensya ng binata. Tuwid na nakatayo si Ginoong Amil habang hindi inaalis ang kaniyang mga mata sa direksyon ni Don Tiburcio. Salungat sa inaasahan ng Don, nasa maayos na kalagayan si Ginoong Amil. Maayos ang pagkakasuklay ng kaniyang mala-alon na buhok. Makintab ang kaniyang suot na sapatos ngunit mayroong kunting bahid ng putik. Payapa rin ang ekspresyon sa kaniyang mukha. Ang itim na kasuotan nito mula ulo hanggang paa lamang ang nag iisang senyales na nagdadalamhati ang binata.
![](https://img.wattpad.com/cover/272050771-288-k825395.jpg)
BINABASA MO ANG
The Red Moonflower (Estrella Muerta Trilogy #3)
Historical FictionIn a town shadowed by age-old secrets, the Villahermosa family's long-standing rivalry has plunged the community into darkness. As vengeance and pride ignite a chain of events, ancient grudges and hidden sins come to light, pushing the town to the b...