[Warning: Explicit gore scene]Tirik na tirik ang araw sa bayan ng San Diego- tila ba pati ang haring araw ay nakikiusisa sa kaguluhan sa bayan. Sa likod ng simbahan nagkukumpulan ang mga tao habang nakatakip ang kanilang mga kamay sa kanilang mga ilong. Iniiwasan ang nakasusulasok na amoy ng bangkay na napapalibutan ng mga gustong makiusyuso. Pati ang mga bata ay sumisiksik narin sa kumpol upang matanaw ng malapitan ang kawawang sepulturero (gravedigger). Sa di kalayuan akay akay ng isang lalaki ang kaniyang nobya na hindi kinaya ang eksena kung kaya't napaduwal sa likod ng isang puno.
Basag ang bungo ng sepulturero at halos lumuwa na ang utak nito. Nilalanggam narin ang kaniyang buong pagmumukha. Ayon sa mga usap usapan maaaring pala daw ang ginamit ng salarin upang patayin ang kawawang sepulturero. Hindi magkamayaw ang mga nasa paligid sa karumal dumal na sinapit ng kawawang lalaki. Kilala ito bilang isang mabuting tao at masipag sa kaniyang mga gawain. Minsan pa nga kapag wala ng dumadalaw sa isang puntod siya na lamang ang naglilinis at naglalagay ng bulaklak doon, kusang loob niya itong ginagawa ng hindi naghihintay ng kabayaran.
Wala mang kamag anak ang sepulturero ngunit mayroon paring mga taong nagmamalasakit sa kaniya. Lalo na ang mga taong minsan na niyang natulungan doon. Matanda narin ito upang magka asawa at magka anak kung kaya't ibinuhos na lamang niya ang kaniyang lakas at panahon sa pag aalaga ng cementerio. Sa mga taong personal na nakakakilala sa sepulturero, isa itong pangyayari na labis na nakakawasak ng damdamin.
Isang walang kaluluwa lamang ang kayang gumawa ng ganoong krimen lalo na sa isang taong wala namang naidudulot na problema sa lipunan.
Dali daling nagsitabi ang mga tao nang marinig nila ang paparating na mga kabayo. Lulan nito ang Heneral at ang kaniyang apat na mga ayudante. Agad itong naglakad patungo sa nilalangaw na bangkay ng hindi man lang nag aalinlangan at nagtatakip sa kaniyang ilong. Tila ba hindi na ito ang unang pagkakataon na masilayan niya ang ganoong uri ng krimen. Noong nasa Europa pa si Heneral Cyrus, ilang beses na rin niyang nasaksihan ang resulta ng bawat giyera. Ang mga bangkay doon ay makikita mo lamang sa mga daan habang ikaw ay patungo sa pamilihan. Nilalangaw at nakalimutan na. Minsan pinagpipiyestahan ng mga daga at iba't ibang klase ng mga hayop, minsan naman, sa mga liblib at malalayong lugar, pinagpipiyestahan ng mga tao.
"Ito ba ang sepulturero na tinutukoy mo?" Tanong ng Heneral kay Koronel Trujillo.
Napatango naman ang Koronel habang nakatitig sa bangkay. Gaya ng Heneral, wala ding ekspresyon ang kaniyang pagmumukha.
Ang kawalan ng ekspresyon at kawalan ng emosyon ay mayroong napakalaking pagkakaiba. Hindi porket walang ekspresyon ang kanilang pagmumukha masasabi na nating wala silang nararamdamang awa para sa sepulturero. Ang mga kagaya nilang tagapagtanggol ng bayan ay nararapat na magmukhang matapang at walang puso, sa ganoong paraan masasabi ng mga mamamayan na ang mga awtoridad ay walang aatrasang panganib at handang humarap sa bungad ng kamatayan.
Unang kita pa lamang ng Heneral sa bangkay ng sepulturero alam na niya kung sino ang salarin. Hindi maaaring nagkataon lamang na nalaman nila ang pagkakakilanlan ng lalaking madalas mapadaan sa cementerio at isang araw lamang ang lumipas, natagpuang patay ang kawawang matanda.
Kung sino man ang nasa likod nito malakas ang kutob ng Heneral na mayroon ding kinalaman sa pagkamatay ni Joaquin. Hindi na sila nagtagal doon sapagkat gusto ng kausapin ng Heneral ang bihag sa Hacienda Villahermosa bago pa ito patahimikin ng kaniyang amo. Ipinagutos niya kay Trujillo at Vidad na asikasuhin ang bangkay ng sepulturero sapagkat nalaman nilang wala itong kamag anak sa bayan. Isinama naman niya sina Koronel Tuason at Hidalgo.
Hindi na pumasok sa Hacienda ang Heneral upang batiin ang Gobernadorcillo o di kaya ang tagapayo nito na si Don Tiburcio. Dumiretso ito sa dating silid ni Julianna malapit sa kwadra ng mga kabayo.
BINABASA MO ANG
The Red Moonflower (Estrella Muerta Trilogy #3)
Historical FictionIn a town shadowed by age-old secrets, the Villahermosa family's long-standing rivalry has plunged the community into darkness. As vengeance and pride ignite a chain of events, ancient grudges and hidden sins come to light, pushing the town to the b...