Makulimlim ang kalangitan at malamig rin ang simoy ng hangin. Marahang nagsasayawan ang mga sanga ng mga puno at ang mga tuyong dahon ay nangagsihulog sa lupa.
"Mama, may bagyo po bang paparating?" Tanong ng isang batang babae habang mahigpit na nakakapit sa braso ng kaniyang ina. Sa kabilang braso naman bitbit ng kaniyang ina ang isang bayong na may lamang mga gulay at isda.
"Mukhang mayroon nga anak, bilisan na natin ang paglalakad upang hindi tayo maabutan ng ulan." Tugon ng kaniyang ina.
Masyadong mausisa ang bata. Panay ang pagmamasid nito sa paligid at kinikilatis nito ang kasuotan ng bawat taong nakakasalubong nila. Maya maya pa nadaanan nila ang Hacienda Villahermosa. Pinapalibutan ito ng mga sundalo at mga guwardiya sibil, bawat sulok, bawat entrada.
Napansin ng bata na itim ang kulay ng mga kurtina sa bawat bintana ng Hacienda Villahermosa. Hindi na niya kailangan pang itanong kung bakit. Alam na ng buong bayan ang tungkol sa pagkasawi ni Don Joaquin Villahermosa. Halos tatlong linggo narin ang nakalilipas ngunit ang buong bayan ay nagdadalamhati parin hanggang ngayon, lalong lalo na ang Kapital.
Sa ikalawang palapag ng Hacienda namataan ng bata ang isang lalaking nakasuot ng kulay itim na abrigo. Nasa tapat ito ng bintana at nakatulala lamang sa kawalan. "Mama, kilala mo ba ang lalaking iyan?" Tanong ng mausisang bata.
Agad na tiningnan ng ina ang taong itinuturo ng kaniyang anak. Nang mapagtanto niya kung sino ito agad niyang sinuway ang bata na ibaba ang kaniyang hintuturo. "Huwag kang basta basta na lamang nanunuro ng mga tao. Lalo na kung hindi mo kilala kung sino ito." Pangaral ng ina.
"Pasensya na po." Wika ng bata.
Palihim na tinitigan ng ina ang lalaking nasa bintana. Siguradong hindi nito napansin ang kaniyang anak sapagkat nakatitig ito sa malayo.
"Ang lalaking iyan ay ang ating bagong Gobernadorcillo." Saad ng kaniyang ina.
Sinilip ng bata ang bagong Gobernadorcillo bago ito mawala sa kaniyang paningin. Bago ang lahat ng ito para sa kaniya. Simula ng mamulat ang kaniyang mga mata si Don Joaquin na ang Ama ng Bayan, ngayon lamang niya matutunghayan ang pag upo ng bagong Gobernadorcillo.
Habang naglalakad ang mag ina papalayo sa Hacienda Villahermosa nakasalubong nila ang isang kalesa na sinusundan ng sampu hanggang labinlimang sundalong sakay ng kani kanilang mga kabayo.
Sinundan ng tingin ng batang babae ang kalesang patungo sa Hacienda Villahermosa. Huminto ito sa mismong entrada ng Hacienda kung saan siya malugod na sinalubong ng mga kasambahay. Pinagmasdan ng mabuti ng bata ang kasuotan ng lalaking bumaba mula sa kalesa. Kasuotan ng mga sundalo ngunit mas marangya kung ikukumpara, isang Heneral.
Napansin ng ina na nakatitig parin ang kaniyang anak sa Hacienda Villahermosa kung saan huminto ang isang kalesa. "Bakit napakaraming sundalo sa tahanan ng Gobernadorcillo, Ina?" Tanong ulit ng bata.
"Ginagawa lamang nila ang kanilang tungkulin, anak. Iyon ay ang protektahan ang bagong Gobernadorcillo." Tugon ng Ina.
"Sapagkat hindi pa po nadadakip ang salarin?"
Napatango ang ina. "Oo, sapagkat hindi parin nadadakip ang salarin." Sa huling pagkakataon ay sinilip ng ina ang Hacienda Villahermosa. Iba ang laman ng mga usap usapan. Ang mismong salarin ay nasa loob ng Hacienda na iyon. Ang salarin ay ang bagong Gobernadorcillo.
Dahan dahang humakbang si Rafaelita upang hindi niya mabigla si Amil na nasa tapat ng bintana. Nakatalikod ito sa kaniya kung kaya't hindi niya malaman laman kung nagtatangis ba ito o hindi. Tatlong linggo na ang nakalilipas ngunit hindi parin niya nakakausap ang binata. Bukod sa kinakabahan siya at nauutal hindi rin nagpapapasok si Amil ng kahit na sino sa kaniyang silid. Dinadalhan lamang siya ng mga kasambahay ng pagkain doon. May mga araw na lumabas ito ng hindi nagpapaalam. Tinatakasan ang kaniyang mga bantay at naglalamyerda kung saan saan. Uuwi itong maputla at napakadumi ng kasuotan, ilang araw na walang tulog at walang kinakain.
BINABASA MO ANG
The Red Moonflower (Estrella Muerta Trilogy #3)
Fiction HistoriqueIn a town shadowed by age-old secrets, the Villahermosa family's long-standing rivalry has plunged the community into darkness. As vengeance and pride ignite a chain of events, ancient grudges and hidden sins come to light, pushing the town to the b...