Kabanata 26

40 6 2
                                    

HACIENDA VILLAHERMOSA

Pinagmasdan ng binata ang kaniyang paligid.  Madilim na  pula ang kulay ng kalangitan pati narin ang kaniyang inaapakan na para bang sinasalamin nila ang isa't isa. Hindi niya alam kung nasaan siya ngunit ramdam niya ang kakaibang kaginhawaan. Napakalawak ng paligid at kahit anong pilit niya ay wala siyang masilayang dulo. Tila ba wala itong hangganan.

Napakagaan ng kaniyang pakiramdam habang palakad lakad doon. Wala siyang nararamdamang sakit o lungkot. Sa kauna unahang pagkakataon ay naalis ang bigat na matagal na niyang pinapasan. Hindi pamilyar ang lugar ngunit para itong isang tahanan sa kaniya. Pakiramdam niya'y ligtas siya doon mula sa kahit na anong uri ng kapahamakan.

Sa kabila ng lahat ng iyon alam ni Amil na isa lamang itong malalim na panaginip. Sa oras na ibukas niya ang kaniyang mga mata ay hindi na siya muling makababalik doon. Isa itong klase ng panaginip na hindi mo na nais pang lisanin. Kung siya ang tatanungin pipiliin niyang manatili doon.

Sa gitna ng kawalan biglang nasilayan ni Amil ang isang kakaibang bulaklak. Kulay pula iyon ngunit hindi isang rosas. Nakabibighani ang ganda nito ngunit nang lapitan ni Amil ang bulaklak napansin niyang nakabaon ito sa nagaapoy na lupa. Namangha si Amil sapagkat tila ba walang epekto ang apoy na iyon sa karikitan ng bulaklak. Ni isang talulot ay hindi nagawang abuhin ng apoy. Sa gitna ng nagliliyab na pagkakayakap ng apoy nakatindig parin ng tuwid ang bulaklak. Isang simbolo ng katatagan at sigasig.

Nakarinig ng mga yapak mula sa kaniyang likuran si Amil kung kaya't agad siyang napalingon. Biglang nabalot ng lamig ang kaniyang buong katawan ng mapagtanto kung sino iyon. Hindi niya alam ang gagawin kung kaya't napayuko na lamang siya upang iwasan ang mga mata ng nakatatandang kapatid.

Isa lamang iyong panaginip ngunit ramdam niya ang magkahalong emosyon sa kaniyang dibdib.

"Nabigo kita." Nakayukong wika ni Amil.

"Hindi ako kailanman magiging kasing husay mo. Habang buhay akong mananatiling replika. Sinubukan ko, maniwala ka ngunit hindi ko kaya." Dagdag pa ng binata.

Habang nakayuko at humihikbi hindi namalayan ni Amil na nag iba na ang kanilang paligid. Maliwanag na ang kalangitan at ang kanilang paligid ay napupuno ng mga puting bulaklak. Nang imulat niya ang kaniyang mga mata naroroon parin si Joaquin at nakangiti sa kaniya. Halos hindi na makagalaw si Amil sapagkat puro bulaklak ang kaniyang matatapakan.

Maya maya pa at humakbang papalapit sa kaniya si Joaquin. Nawala ang lahat ng pangamba at pag aalinlangan ni Amil ng masilayan ang mukha ng kaniyang kapatid. Wala itong bahid ng kahit anong galit o pagkadismaya. Sa katunayan ay napakaliwanag nito.

Nilapitan ni Joaquin ang pulang bulaklak at napayuko upang maabot niya ito. Doon lamang napansin ni Amil na naroroon parin pala ang bulaklak. Lahat ng mga bulaklak sa kanilang paligid ay kulay puti, ang pulang bulaklak lamang ang naiiba. Nagmistulan tuloy itong nalulunod sa karagatan ng nga puting bulaklak. Pinitas ni Joaquin mula sa lupa ang pulang bulaklak at saka kinuha ang kanang kamay ni Amil.

Ibinuka naman ng binata ang kaniyang palad bilang pagtugon. Inilapag doon ni Joaquin ang pulang bulaklak at saka biglang naglaho. Naiwan si Amil na mag isa sa malaka na lupain na iyon. Napapalibutan ng mga puting bulaklak habang nasa kaniyang palad ang natatanging pulang bulaklak. Maiging kinilatis ng binata ang bulaklak sa kaniyang palad, napansin niyang kakaiba ang mga talulot nito. Hindi niya mawari kung nakita na niya noon pa ang bulaklak sapagkat nagdudulot ito ng kakaibang emosyon sa kaniya.

Kahit saan siya lumingon wala siyang ibang nakikitang pulang bulaklak. Tanging iyon lamang ang naiiba. Maya maya pa at napansin ni Amil na mayroong tumutulong dugo mula sa bulaklak. Pinagmasdan niyang mabuti kung sa mga talulot ba ito nanggagaling ngunit nagitla ang binata ng mapagtantong sa kaniyang sariling palad nagmumula ang pagdaloy ng dugo. Halos kasing kulay lamang nito ang bulaklak na kaniyang hawak hawak. Wala itong sugat ngunit patuloy parin ang pag agos ng mga dugo mula sa kaniyang palad. Mabilis itong kumalat sa buong paligid na parang apoy.

The Red Moonflower  (Estrella Muerta Trilogy #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon