UMAGA, SAN DIEGO
Nababalot ng makapal na usok ang paligid. Kung saan ito nanggagaling, hindi nila alam. Noong nakaraang araw binuksang muli ang Pamilihan. Halos dumugin ito ng mga taga Kapital. Hindi narin inabutan pa ng bukas ang mga paninda doon sapagkat sinimot na ito ng mga tao. Hindi na sila nagdalawang isip na ubusin ang kanilang mga salapi para sa pagkain sapagkat alam nila na habang patuloy parin ang gulo sa Barrio Milagrosa, hinding hindi parin maibabalik sa dati ang kanilang pamumuhay. Ang muling pagbukas ng Pamilihan ay panandalian lamang.
Hindi kagaya ng mga nakaraang araw, wala na masyadong guardia sibil sa paligid. Tuwing gabi na lamang sila nagpapatrolya sapagkat iyon ang oras kung kailan madalas mangyari ang mga krimen. Nagpataw rin ng bagong reglamento ang Gobernadorcillo. Hindi na gagawing sapilitan ang pagsasanay, kung sino lamang ang gustong magpatala ang siyang isasanib sa militar at hindi na kailangang lusubin ang pamamahay ng mga ayaw. Pansamantalang natahimik ang San Diego. Wala ng mga pagtangis at hiyaw sa mga daan. Isa lamang iyong kaunting kabayaran para sa mga pagdurusang natamo ng mga mamamayan.
Hindi man maamin ni Amil kay Don Tiburcio ang tunay na dahilan, alam niya sa kaniyang sarili na isa iyong kilos dala ng awa. Napagtanto ng Gobernadorcillo na labis na ang paghihirap na dinanas ng mga mamamayan ng San Diego sa nakalipas na mga pamahalaan. Sa kabila nito, buo parin ang kaniyang pasya na sa oras na makita niyang mayroon paring pag aalinlangan sa tibay ng kaniyang pamamahala, hindi siya magdadalawang isip na gumamit muli ng dahas.
"Sigurado akong sapat na iyon upang katakutan ka nila." Wika ni Don Tiburcio.
Madilim sa loob ng opisina ni Amil, nitong mga nakaraang araw hindi na niya binubuksan ang bintana sa kaniyang silid. Tila ba nakasanayan na niya ang mamuhay sa kadiliman. Nabanggit rin ni Don Tiburcio ang tungkol doon. 'Kailangan mong matamaan ng sinag ng araw, Amil' wika nito. Hindi raw makakabuti sa kalusugan ni Amil ang magmukmok sa kaniyang opisina. 'Kahit papaano'y lumabas ka naman upang magpahangin' 'Isama mo si Binibining Juli kung gusto mo' suhestiyon ng Don.
Bahagyang nakaramdam ng pagkadismaya si Don Tiburcio nang mapansing hindi siya pinapakinggan ng binata. Nakatitig lamang ito sa kaniyang paanan na tila ba mayroong nakamamanghang bagay doon.
"Hindi ko hangarin ang katakutan nila ako." Pabulong na wika ni Amil ngunit dahil maliit lamang ang kaniyang opisina, mabilis na umikot sa buong silid ang kaniyang mga tinuran.
Nakunot ang noo ni Don Tiburcio. Hindi na niya maalala ang huli niyang sinabi sapagkat hindi rin naman siya pinapakinggan ni Amil.
"Ah, tungkol ba sa aking komento kanina?" Tanong niya na hindi naman sinagot ng Gobernadorcillo. Nakayuko parin ito at mukhang walang katiting na balak na titigan sa mga mata ang kaniyang kausap.
"Nasabi ko lang naman iyon sapagkat-"
"Sa tingin mo ginagawa ko ito upang katakutan nila ako?" Tanong ni Amil. Kung mayroon lang ibang tao doon hindi mauunawaan ni Don Tiburcio kung para sa kaniya ba ang katanungan na iyon sapagkat hindi nakatitig sa kaniyang direksyon ang binata.
"Sa tingin ko kailangan nilang igalang ang Gobernadorcillo." Tugon ng Don.
"Magkaiba ang kinatatakutan sa iginagalang." Saad naman ni Amil sa tono na tila ba gusto niyang magsimula ng isang debate ukol sa paksa na iyon.
"Tama, tama, paumanhin." Wika ni Don Tiburcio.
Hindi mapigilan ni Amil na mainis sa Don. Hindi niya rin maunawaan kung bakit. Si Don Tiburcio na lamang ang mayroon siya ngayon ngunit pati ito ay nagiging dahilan narin ng kaniyang pagkayamot. Hindi niya nagugustuhan ang pagturing sa kaniya ng Don na para bang isa siyang bata na kailangang gabayan sa kaniyang bawat hakbang. Totoo naman na kailangan niya ng gabay, pero hindi sa ganoong paraan. Para bang lahat ng kaniyang galaw ay sinusukat ng Don, lahat ng kaniyang mga desisyon ay sinusuri nito ng mabuti. Bagaman nitong mga nakaraang araw ay hindi na siya humihingi ng gabay sa kaniyang mga pagpapasya, napapansin parin niya ang pagdadalawang isip ni Don Tiburcio sa kaniyang mga desisyon. Para bang ipinapamukha nito sa Gobernadorcillo na lahat ng kaniyang ginagawa ay maaaring ikasira ng buong bayan.
![](https://img.wattpad.com/cover/272050771-288-k825395.jpg)
BINABASA MO ANG
The Red Moonflower (Estrella Muerta Trilogy #3)
Historical FictionIn a town shadowed by age-old secrets, the Villahermosa family's long-standing rivalry has plunged the community into darkness. As vengeance and pride ignite a chain of events, ancient grudges and hidden sins come to light, pushing the town to the b...