Kabanata 23

42 5 2
                                    

RAFAELITA

Mas bumubuti na ang kalagayan ni Juan Nikolas. Hindi na ito nagmumukmok sa kaniyang silid kagaya ng dati. Madalas na rin silang mag usap ni Rafaelita. Kahit papaano ay nagagawa narin niyang ngumiti kapag kasama niya ang kaniyang kapatid. Wala doon si Constantino sapagkat abala ito sa pag iimbestiga, ang kanila namang ama ay abala rin sa mga natatanggap nitong liham araw araw mula sa kanilang bayan. Kasalukuyang pinapamahalaan ng isang mapagkakatiwalaang kaibigan ang kanilang lugar. Mukhang matatagalan pa sila sa San Diego sapagkat wala silang ibang ebidensiya na pupwedeng magdiin sa may sala.

Ipinagkatiwala na ni Heneral Carpio sa kaniyang panganay na anak ang paghahanap sa lalaking may pilat, tumutulong rin ang panig nina Don Danilo at kasaluyan paring nakikipag komunikasyon sa mga awtoridad sa Las Nieves ngunit sadyang napakailap ng mga pruweba sa kanila. Habang abala ang mag ama sa kaso, sina Rafaelita at Juan Nikolas naman ay nililibang ang kanilang mga sarili upang makahanap ng kahit katiting na kaligayahan sa kanilang sitwasyon. Sa ganoong paraan lamang nila napapagaan ang damdamin ng isa't isa. Hindi nila kailanman binabanggit ang nangyari sa Las Nieves na tila ba tuluyan na nila itong ibinaon sa limot, syempre hindi maiiwasan na marinig ang tungkol sa krimen mula sa mga nakatatanda kung kaya't nagbibingi bingihan na lamang sila.

Nakabalik na mula sa Kapital si Mikhail sa mga oras na iyon. Galit na galit si Don Danilo ng dahil sa tigas ng ulo ng kaniyang anak. Ang Donya naman ay halos maluha na habang niyayakap ang binata. Hindi siya nakarinig ng pangaral mula sa kaniyang ama ngunit kitang kita naman sa mga mata nito ang kaniyang pagkadismaya. Sa hindi malamang dahilan bigla na lamang umiiwas sa lahat ang binata, kahit sa kaniyang ina. Tanging ang batang si Andres lamang ang pinapapasok nito sa kaniyang silid. Minsan naririnig nila ang pag uusap ng dalawa, itinuturo ni Mikhail ang mga termino ng medisina sa murang pag iisip ni Andres. Mukhang nasasabik naman ang bata sa mga bagong kaalaman na ibinabahagi sa kaniya ni Mikhail. Alam ni Rafaelita na isa lamang iyong pagpapanggap ng binata, mayroong bumabagabag sa isipan ni Mikhail na pilit nitong iniiwasan kung kaya't inaaliw na lamang nito ang kaniyang sarili. Kung ano man ang bagay na iyon, hindi na ito gustong alamin ni Rafaelita sapagkat sa kaloob looban ng dalaga mayroon na siyang ideya.

"Sa tingin mo ba makakabalik pa ako sa pag aaral?" Tanong ni Juan Nikolas sa kaniyang kapatid. Kasalukuyan silang nagkakape sa loob ng silid ng binata. Masyadong maaraw sa azotea kung kaya't pinili na lamang nilang manatili doon. Ibinaba ni Rafaelita ang kaniyang tasa matapos marinig ang katanungan ng kaniyang kapatid. Hindi niya ito inaasahan. Nitong mga nakaraang araw pilit nilang iniiwasan ang mga usaping tungkol doon, hindi pumasok sa isipan ni Rafaelita ang posibilidad na gusto paring tapusin ni Juan Nikolas ang kaniyang pag aaral.

"Sa tingin ko... oo." Wika ng dalaga.

"Pwede ka namang mag aral sa bahay. Sigurado akong magugustuhan rin iyon ni ama, hahanapan ka niya ng magaling na tagapagturo." Dagdag ni Rafaelita.

Narinig niya ang buntong hininga ni Juan Nikolas. Mukhang hindi ito kumbinsido. Tinitigan nito ang kape na kanina pa niya hindi ginagalaw.

"Gusto mo pa bang mag aral?" Tanong ni Rafaelita. Nakita ng dalaga ang isang malungkot na ngiti sa labi ng kaniyang kapatid.

"Para saan pa hindi ko rin naman ito mapapakinabangan." Wika ni Juan Nikolas.

"Hindi na ako makakalakad." Saad ng binata sa napakahinang boses na para bang natatakot siyang banggitin ang katotohanan.

"Ang sabi ng doktor mayroon paring posibilidad na makalakad ka, sadyang napakaliit lamang ngunit sapat na iyon." Giit naman ni Rafaelita.

"Ayaw ko ng panghawakan ang ganoon kaliit na awa, Rafaelita. Masakit umasa at mabigo ng iyong sariling ekspektasyon." Wika niya.

The Red Moonflower  (Estrella Muerta Trilogy #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon