Kabanata 12

23 7 1
                                    

Nakahanda na ang mga gamit nina Sergio, at Flabio sa labas. Ang mga gamit naman nina Juli at Rafaelita ay ibinababa pa lamang ng mga kasambahay. Gusto sanang magpaalam ni Juli kay Andres at bawiin ang sinabi niya noon na nangangain siya ng makulit na bata ngunit mahimbing pa itong natutulog sa kaniyang silid.

Pinagmasdan ni Juli ng mabuti ang buong kabahayan. Ilang beses na niya iyong ginawa ngunit hanggang ngayon ay nabibighani parin siya sa Hacienda Hermano.

Sinubukan niyang bilangin ang mga istatwang kerubin doon ngunit masyadong marami. Bawat sulok, bawat pasilyo at sa laki ng Hacienda napakaimposibleng maikot ang buong kabahayan. 

Noong nakaraang araw tinanong niya si Mikhail kung naikot na ba nito ang buong Hacienda Hermano bagay na sinagot niya ng oo ngunit mayroon paring mga silid at palapag na hindi niya na napuntahan. Sa kabuuan mayroon itong apat na palapag. Ang silid nila Don Danilo, Donya Luningning, Mikhail, Rafaelita at Juli ay nasa ikalawang palapag pati narin ang silid aklatan. Sa ikatlong palapag naman ang kina Flabio at Sergio. Wala silang ibang kasama doon kung kaya't madalas nilang takutin ang isa't isa. Hindi pa naakyat ni Juli ang ikaapat at wala rin siyang balak na akyatin kahit kailan sapagkat maraming ikinukwento sa kaniya ang mga kasambahay tungkol sa ikaapat na palapag.

Sa katunayan mukhang hindi na talaga mapapasok ang huling palapag sapagkat mayroon na itong malaking harang. Hindi nila alam ang dahilan at ayaw namang itanong ni Juli kay Mikhail kung bakit. Baka isipin nito na nais niyang pasukin ang palapag.

Bukod sa ikaapat na palapag ipinagbabawal rin ang paglapit sa isang pasilyo sa ibaba malapit sa kusina. Walang ibang laman ang pasilyo na iyon maliban na lang sa isang malaking bukal (fountain) at isang larawan sa tapat nito. Narinig ni Juli mula parin sa mga kasambahay na pinaghihinalaan nilang iyon ang silid na naglalaman ng libo libong ginto. 

Napakaraming kamangha mangha sa Hacienda Hermano. Sayang at kailangan na nilang umuwi ngayon.

Kailangan pang magpaalam ni Rafaelita kay Don Joaquin sapagkat nais na rin niyang umuwi sa kanila. Nangako naman siya na babalik pa siya sa susunod na bakasyon upang bisitahin sila bagay na ikinaligaya ni Juli.

"Baka gusto mo pang ikutin ang silid aklatan sa huling pagkakataon?" Nakangiting tanong ni Rafaelita kay Juli na paikot ikot ang tingin sa buong Hacienda.

"Naku, wala na pong oras Binibini." Tugon niya.

Nasa ibaba na ang kanilang mga gamit at isa isa narin itong ikinakarga sa kanilang kalesa. Kausap nina Sergio at Flabio sina Don Danilo at Donya Luningning sa labas. Pansin ni Juli na malapit ang dalawa sa mga magulang ni Mikhail. Ganoon naman talaga sapagkat ang mga tunay na kaibigan ay para narin nating mga kapatid.

"Nakita mo ba si Mikhail? Kanina pa siya wala." Wika ni Rafaelita.

Napailing si Juli. Kanina pa nga niya hinahanap si Mikhail ngunit bigla na lamang itong naglaho ng parang bula. Ayaw naman niyang itanong kay Sergio at Flabio kung nasaan ang binata sapagkat siguradong aasarin lamang siya ng dalawa.

Nang maikarga na ang lahat ng kanilang mga gamit sumunod narin sila sa labas upang magpasalamat sa ama at ina ni Mikhail na siyang nagpatira at nagpakain sa kanila sa loob ng ilang araw.

Si Don Danilo ay palangiti at sanay na sanay makipag usap sa mga panauhin samantalang si Donya Luningning naman ay may pagkamahiyain ngunit ramdam naman ni Juli na mabait rin ang Donya.

"Maraming salamat po, Don Danilo." Wika ni Juli at nakipagkamay sa Don.

Tinanggap naman ito ni Don Danilo ng may ngiti.

Ganoon din ang ginawa ni Rafaelita.

Pagkatapos kay Don Danilo ay kay Donya Luningning naman sila nagpasalamat.

The Red Moonflower  (Estrella Muerta Trilogy #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon