Kabanata 34 Requiem Stellarum

18 3 1
                                    

Requiem of Stars

Hindi maintindihan ni Juli kung saan nanggaling ang nakakakilabot na ingay na sumakop sa buong nayon ilang oras lang ang nakalipas. Naramdaman niya ang malakas na pag agos ng tubig sa kanilang paligid ngunit isa itong palaisipan para sa kaniya sapagkat hindi naman umulan ng malakas kagabi. Doon na nagsimulang mapukaw ang mga diwa ng mga tauhan ni Don Tiburcio. Simula nang marinig nila ang agos ng tubig, hindi na tumahimik ang paligid. Nagkalat ang mga yapak at sigaw sa tuktok ng nayon. Rinig na rinig ni Juli mula sa mga tono ng kanilang pag sigaw na nasa kalagitnaan sila ng isang pag atake.

Wala man siyang makita sa labas, alam niyang naghahanda na sila sa pagsalakay ng hukbo ni Heneral Tuason sapagkat umalingawngaw sa kadiliman ng gabi ang mga utos ng lalaking may pilat. Hindi nagtagal at bumungad na nga sa kanilang harapan ang paglusob ng mga sundalo.

Hindi na magkamayaw ang damdamin ni Juli sa mga oras na iyon. Kung noong mga nakaraang araw ay malayo ang pinanggagalingan ng mga putok ng bala, ngayon naman ay ramdam na ramdam ng dalaga na ilang metro na lamang ang layo ng sagupaan mula sa kaniya. Tumakas ang mga luha mula sa kaniyang mga mata habang ipinagdarasal na sana ay maligtas na siya sa araw na iyon sapagkat alam niyang hindi na niya kayang indahin ang ganoong klase ng pang aabuso.

Napakaingay ng mga tao sa labas ng silid kung saan nakakulong si Juli. Rinig na rinig niya ang mga sigaw ni Don Tiburcio habang inuutusan nito ang kaniyang mga tauhan. Hindi alam ni Juli kung ano ang nangyayari sa labas ngunit nakasisiguro siya na agrabyado ang panig ng Don. Iminulat niya ng maayos ang kaniyang mga mata at pilit na sinilip ang maliliit na butas mula sa pader, hindi pa sumisikat ang araw.

Sa kabila ng malamig na simoy ng hangin, nabalot ng pawis ang buong katawan ng dalaga. Bawat segundong tumatakas mula sa kamay ng mga orasan ay katumbas ng pagbilis ng kaniyang pulso. Abot kamay na niya ang kalayaan. Kaunting pagtitiis nalang at makakawala narin siya sa mga gapos na iyon.

Maya maya pa at mayroong sumipa sa pinto ng maliit na silid. Hindi maaninag ni Juli kung sino ang taong iyon sapagkat napakadilim ng paligid. Lumapit ito sa kaniya at tinanggal ang mga kadena na nakaposas sa kaniyang kamay at paa. Pagkatapos ay marahas siya nitong pinatayo mula sa silya.

Nagtagpo ang paningin nina Juli at Severino. Sa mga oras na iyon ay wala na ang nakahihibang na mga ngiti ng lalaking may pilat. Napalitan ito ng isang nakaririmarim na poot. Hinawakan niya sa magkabilang balikat si Juli at niyugyog ng marahas.

"Kung sa tingin mo ay ligtas ka na, puwes, nagkakamali ka." Banta nito.

"Katapusan mo na ngayon, Juli." Dagdag niya at saka marahas na hinila palabas ang dalaga.

AMIL

Tatlong araw na ang nakalipas nang pasabugin nila ang saplad. Agad na nilusob ng hukbo ang pugad ni Don Tiburcio sa tuktok ng nayon ngunit hanggang ngayon ay hindi parin natitibag ang kanilang depensa.

Napapalibutan na ng mga sundalo ang kanilang buong paligid. Wala ng takas si Don Tiburcio at ang mga tauhan nito. Ngunit sa kabila ng nalalapit na tagumpay ng kanilang panig, tila ba hindi nakaramdam ng kahit katiting na kaluguran si Amil. Hindi mapapanatag ang kaniyang damdamin hanggang hindi niya nakikita na ligtas si Juli.

Lulan ng isang bangka si Amil patungo sa sagupaan. Gaya ng kanilang inaasahan, hindi parin humuhupa ang baha na dulot ng pagkagiba ng saplad. Ang dating payapang sentro ng nayon kung saan nakatukod ang buong sibilisasyon ng mga katutubo ay naging isang maputik na lawa.

Hindi makagalaw ang bangka na sinasakyan ni Amil at ng sampung mga sundalo. Kasama niya ang tinyente doon sapagkat nais ni Heneral Tuason na siguraduhing hindi ito aakyat sa tuktok. Ipinagbilin ng Heneral na kailangang manatili ni Ginoong Amil sa paanan ng tuktok hanggang hindi pa nila nasisigurong ligtas na ang lugar.

The Red Moonflower  (Estrella Muerta Trilogy #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon