Hindi kailanman ibinuntong ni Rowena ang galit niya sa bata. Hindi niya itinuring na bunga ng kasalanan si Amil at minahal niya ito ng walang pagaalinlangan. Hindi ikiniwento ni Rowena ang tungkol sa tunay na ama ni Amil hanggang sa tumungtong ito sa pitong taong gulang. Mahirap ipaliwanag lalo na't hindi na kayang makapagsalita ni Rowena. Gamit ang papel at pluma isinaysay ni Rowena ang mga pangyayari. Alam niyang may karapatan ang bata na malaman ang katotohanan.
Simula ng araw na iyon inisip ni Amil na bunga siya ng isang kasalanan. Na hindi na dapat siya nabuhay sapagkat sa araw araw na nakikita siya ni Rowena, ipinapaalala lamang niya ang masamang kahapon ng ina.
Kabaliktaran ang nasa isip ni Rowena. Mahal na mahal niya ang anak na kahit pa ang masasamang alaala ay hinding hindi ito kayang tibagin.
Si Amil na lamang ang nagiisang dahilan kung bakit nagsusumikap si Rowena na mabuhay. Para sa kaniyang anak gagawin niya ang lahat. Hindi sapat ang salaping dala niya noong mag ibang bansa sila kung kaya't naisipan ni Rowena na magtayo ng negosyo upang mapaikot ito. Ilang beses na nalugi ang negosyo nila ngunit hindi parin bumigay si Rowena. Naghanap siya ng ibang trabaho upang matustusan ang kanilang pangangailangan.
Kalaunan nakatagpo ng isang mayamang lalaki si Rowena. Mayroon rin itong anak mula sa kaniyang yumaong asawa. Ikinasal sila at nanirahan sa iisang bubong. Naging maayos ang mga naunang buwan ngunit habang tumatagal ay lumalabas ang tunay na paguugali ng lalaki. Mapanakit ito at magaspang ang pananalita. Ang anak niyang lalaki na mas matanda kay Amil ng sampung taon ay ganoon din ang paguugali. Madalas niyang nahuhuling umiiyak ang kaniyang ina ng palihim. Alam rin niyang mayroon itong tinatagong mga pasa ngunit lingid sa kaniyang kaalaman na kabisado ng anak ang mga parte ng kaniyang katawan na mayroong pasa. Binibilang iyon ni Amil, sapagkat darating ang araw na ibabalik niya sa kaniyang ama-amahan ang mga pasang iyon.
Sa kabila ng pagmamalupit sa kaniya ng kaniyang ama-amahan mayroon parin siyang utang na loob dito.
Hindi na nagkaanak pa si Rowena sa kaniyang ikalawang asawa. Tiniis niya ang mga pananakit nito para sa kinabukasan ng kaniyang anak. Ang lalaki ang nagtutustos sa matrikula ni Amil. Pinag aral siya nito sa isang prestihiyosong unibersidad sa Russia. Doon siya nakapagtapos ng kursong Agham Pampulitika (Political Science).
Nang makapagtapos si Amil agad siyang naghanap ng trabaho upang makapagtayo siya ng sarili nilang bahay. Nais niyang ilayo si Rowena sa mapanakit niyang asawa. Labis na lamang ang pagkadismaya ni Amil ng tanggihan siya ng kaniyang Ina. Sinabi niya kay Amil na tanggap na niya ang kaniyang kapalaran. Na baka iyon na ang kabayaran ng lahat ng kaniyang kasalanan. Ilang daang buhay rin ang namatay ng dahil sa kaniya, tinalikuran niya ang kaniyang kaibigan na si Luna at kumampi sa mga Villahermosa ng dahil lamang sa kaniyang panibugho, ng dahil hindi siya kayang mahalin ng kapatid ni Luna na si Lucas. Kung hindi dahil sa kaniya hindi sana natunton nila Felicia ang pinagtataguan ng mga taga Barrio Kulimlim, hindi sana nahuli sina Lucas at Helio, hindi sana namatay doon ang binata kasama ang ilang daang mamamayan ng Barrio Kulimlim. Siguro hindi magiging malupit si Luna kung nabuhay lamang si Helio. Siguro ang maling desisyon ni Rowena ang naging puno't dulo ng lahat ng kasamaan ni Luna.
"At kung tunay ngang buhay si Felicia? Anong gagawin mo?" Walang emosyon ang boses ni Don Joaquin habang nakatitig sa nanggagalaiting binata.
"Papatayin ko siya." Nanginginig ang nakakuyom na kamao ni Amil habang binibigkas ang mga salitang iyon.
"Pagkatapos?" Tanong ulit ni Don Joaquin. Tila ba wala siyang pakialam kung mapatay nga ni Amil si Felicia.
Hindi nakasagot ang binata.
"Alam kong galit ka, Amil. Galit na galit, pero kailangan mong magisip ng mabuti, huwag mong hayaang lamunin ka ng iyong galit. Maniwala ka sa akin, marami akong kilalang nagpalamon sa kanilang galit, sa huli sarili lang rin nilang emosyon ang lumunod sa kanila. Bakit hindi tayo magsimula sa pinaka simpleng tanong, bakit gusto mong patayin si Felicia?" Kalmado na ngayon ang pananalita ni Joaquin. Walang patutunguhan ang kanilang usapin kung pareho silang nagtataasan ng boses.
BINABASA MO ANG
The Red Moonflower (Estrella Muerta Trilogy #3)
Historical FictionIn a town shadowed by age-old secrets, the Villahermosa family's long-standing rivalry has plunged the community into darkness. As vengeance and pride ignite a chain of events, ancient grudges and hidden sins come to light, pushing the town to the b...