Lake of Death
Tahimik na nakaupo sa ilalim ng isang tolda si Heneral Tuason. Malamig ang simoy ng hangin sa labas at payapa rin ang kanilang paligid. Sa itaas nasisilayan ni Tuason ang mga nagniningning na bituin. Kung wala lang ang mga naglalakihang tanque de guerra doon aakalain ni Tuason na nasa isang bakasyon siya.
Biglang nagnilay ang Heneral. Ilang taon narin siyang nasa serbisyo ngunit hanggang ngayon ay hindi parin niya mahanap ang kagalakan sa digmaan. Naalala niya ang mga panahong estudyante pa lamang sila sa academia. Sabik na sabik silang sumabak sa labanan noon. Ang kaniyang mga kaibigan ay hindi makapaghintay na makapagtapos at maging isang opisyal na sundalo sapagkat inukit ng academia sa kanilang mga isipan na ang pinakamagiting na serbisyong maaalay mo sa iyong bansa ay ang depensahan ito sa kaniyang katunggali. Lahat sila ay nasasabik na humawak ng baril sapagkat noon ay hindi pa nila alam ang tunay na bigat nito. Ngayon ay mag isa na lamang si Tuason. Ang kaniyang mga kaibigan at kamag aral ay namatay na sa digmaan o di kaya ay nalumpo at hindi na maaaring magserbisyo.
Kay tamis ng ideya ng isang digmaan para sa mga dila na hindi pa ito kailanman natikman. Akala nila'y napakagiting na lumaban sa harapan at ipagtanggol ang iyong bayan, ngunit hindi iyon ganoon kadali kung ang kalaban ay hindi lamang isang numero. Noong nasa academia pa sila Tuason, Hidalgo, Vidad, at Trujillo, nagpapalaluan sila kung sino ang makakatipon ng pinakamalaking bilang ng mga napaslang na kalaban sapagkat noon ang mga kalaban ay numero lamang para sa kanila. Ngunit ngayon nauunawaan na ni Tuason ang dahilan kung bakit itinuro sa kanila ng academia ang bagay na iyon. Sapagkat napakadali lamang pumaslang kung hindi tao ang iyong kalaban kundi isang numero. Numero na idadagdag mo sa iyong mahabang listahan.
Hindi akalain ni Tuason na ang pagkatuklas sa tunay na malagim na kalikasan ng digmaan ay magdudulot ng kahinaan sa kaniyang loob. Napagtanto niya na ang bilang na iyon ay hindi lamang isang simpleng numero. Bawat guhit sa kaniyang mahabang listahan ay pangalan ng isang ama, isang anak, isang kapatid, o isang kasintahan. Lahat sila ay mayroong buhay at kaniya kaniyang damdamin. Lahat ng bilang na iyon ay mayroong papel sa mundong ito ngunit sa isang iglap ang kanilang mga papel ay naagnas ng apoy at naging guhit. Ang mga pangalan ay naging numero na walang halaga sa mata ng iba liban na lamang sa mga mata ni Heneral Tuason.
Si Tuason ang mayroong pinakamahabang listahan, siya ang nakatipon ng pinakamalaking bilang ng napaslang. Siya rin ang mayroong pinakamabigat na konsensya. Madadagdagan pa ang listahan na iyon sa oras na magiba na ang saplad. Bagay na ilang araw nang gumagambala sa isipan ni Tuason.
Biglang nagambala ang kaniyang pagmumuni muni nang makarinig siya ng ingay sa di kalayuan. Hiyaw iyon ng kaniyang mga sundalo. Maya maya pa at nasundan ito ng magkakasunod na putok ng bala.
"Umaabante na sila, Heneral!" Sigaw ng kaniyang tinyente.
"Sundin niyo lang ang plano." Wika naman ni Tuason.
Kinuha niya ang kaniyang daksipat (telescope) at inaninag sa gitna ng dilim ang paabanteng hanay ng mga kalaban. Hindi bababa ang bilang nila sa tatlong daan. Gayunpaman, tiwala parin si Heneral Tuason na kaya nilang puksain ang mga kalaban. Sa ngayon kailangan muna nilang magpanggap na mahina ang kanilang depensa upang maisagawa nila ang kanilang tunay na pakay.
Habang tumatagal ay mas lalong nagiging malinaw kay Heneral Tuason na ang plano ni Ginoong Amil ay kapaki-pakinabang. Maaaring marahas ito ngunit hindi maitatanggi ng Heneral na mas malaki ang probabilidad na magwagi sila kapag sinunod nila ang plano ng Gobernadorcillo.
Nitong mga nakaraang araw nakatanggap siya ng mensahe na bumubuo ng pangkat ang mga kalaban sa likurang bahagi ng tuktok. Hindi ipinaalam ni Ginoong Amil ang tungkol doon sapagkat gusto niyang malaman kung sino ang espiya sa loob ng Tribunal. Pinaabangan ito ng Gobernadorcillo sa kanila at ipinag utos na huwag itong hahayaang makabalik sa Kapital. Kinabukasan, mayroon na namang bakanteng silya sa loob ng bulwagan ng pagpupulong.
BINABASA MO ANG
The Red Moonflower (Estrella Muerta Trilogy #3)
Historical FictionIn a town shadowed by age-old secrets, the Villahermosa family's long-standing rivalry has plunged the community into darkness. As vengeance and pride ignite a chain of events, ancient grudges and hidden sins come to light, pushing the town to the b...