UMAGA
Dali daling bumangon si Juli mula sa kaniyang kama at saka nagbabad sa tubig. Pagkatapos, agad rin siyang nagbihis at nag ayos ng buhok.
Pagkabukas niya sa pinto sinalubong agad siya ng sikat ng araw. Kaarawan ni Mikhail ngayon ngunit hindi iyon ang dahilan kung bakit maagang nagising si Juli. Nagtungo ito sa entrada ng Hacienda at naghintay doon. May mga ngiti sa kaniyang labi habang pinipisil ang kaniyang mga palad. Sa tuwing sumasapit ang ikahuling linggo ng buwan laging nakaabang si Juli sa entrada. Naghihintay ng liham mula sa Aragon, mula sa kaniyang ina at ama. Minsan sinusulatan rin siya ng kaniyang Tiya Elanor ngunit malimit lamang. Kaunting pangangamusta at mga bilin. Huwag daw magtitiwala kahit kanino at laging iingatan ang sarili.
Maalaga sa kaniya si Elanor kagaya ng pagaalaga sa kaniya ng kaniyang ina at ama. Maaaring dahil walang anak si Elanor kung kaya't kay Juli na lamang niya ibinubuntong ang kaniyang pagmamahal. Laging ipinagtataka ni Juli kung bakit hindi nakapag asawa ang kaniyang tiya. Ang laging sagot naman ng kaniyang ama ay dahil sakitin ito at nangangailangan ng espesyal na pangangalaga.
Halos mapalundag ang dalaga ng masilayan niya sa di kalayuan ang mensahero sakay ng kaniyang bisekleta. Sinalubong ito ng isang guwardiya sibil at nakita ni Juli na inabot ng mensahero ang kumpol ng mga liham.
Napakalaki ng ngiti ng dalaga. Isa isang tinignan ng guwardiya sibil ang mga liham at saka naglakad papasok sa Hacienda Villahermosa. Hindi na makapaghintay si Juli kung kaya't nagtatatakbo ito upang salubungin ang guwardiya sibil na may hawak ng mga liham.
"Maaari ko po bang kunin ang liham para sa akin?" Nakangiting tanong ni Juli.
Muling sinuri ng guwardiya sibil ang mga liham na para bang ito'y mga baraha. "Angelo Del Rosario, hindi ba?" Tanong ng guwardiya sibil. Kabisado na niya ang pangalan ng ama ng dalaga sapagkat madalas na itong hingiin ni Juli kapag dumarating na ang mga liham.
"Oh ito." Wika niya sabay abot kay Juli.
Akmang tatanggapin na ni Juli ang liham galing sa kaniyang ama ng biglang itaas ng guwardiya sibil ang kaniyang kamay dahilan upang hindi maabot ng dalaga ang liham. Naglaho ang mga ngiti ng dalaga.
"Sandali." Inilapit ng guwardiya sibil sa kaniyang mukha ang liham at saka napasingkit ang kaniyang mga mata upang mabasa ng mabuti ang mga letra.
"Hindi para sa iyo ang liham na ito, nakapangalan kay Don Joaquin ang liham ng iyong ama." Saad pa ng guwardiya sibil.
Napakunot naman ang noo ng dalaga. "B-baka mayroon pang ibang liham si Ama para sa akin, maaari niyo po bang tingnan?" Pagsusumamo ni Juli.
Sa ikatlong pagkakataon sinuri ng guwardiya sibil ang mga liham. "Liham mula kay Heneral Carpio para kay Binibining Rafaelita, liham mula kay Heneral Constantino para kay Rafaelita, liham mula kay Señor Cyrus para kay Don Joaquin, at iba pang liham na nakapangalan kay Don Joaquin. Pasensya ka na Binibini ngunit mukhang wala yatang liham para sa iyo ngayon." Wika ng guwardiya sibil na labis namang ikinalungkot ni Juli.
Hindi makapaniwala si Juli na hindi siya nagawang sulatan ng kaniyang ama. Ito ang kauna unahang pagkakataon na hindi siya nakatanggap ng sulat mula sa Aragon. Wala naman siyang maisip na dahilan kung bakit gustong makausap ni Mang Angelo si Don Joaquin. Hindi kaya pinapauwi na siya nito?
"B-baka po sa akin talaga ang liham na iyan, ipinangalan lamang ni Ama kay Don Joaquin sapagkat dito ako nanunuluyan." Wika ni Juli.
Napailing ang guwardiya sibil. "Binibini, ilang liham na ang natanggap mo mula sa iyong ama, lahat ng iyon ay nakapangalan sa iyo hindi kay Don Joaquin. Hindi ito pagkakamali, sinadya ng iyong ama na kay Don Joaquin ipangalan ang kaniyang liham sapagkat si Don Joaquin ang kaniyang kasulatan." Wika nito.
BINABASA MO ANG
The Red Moonflower (Estrella Muerta Trilogy #3)
أدب تاريخيIn a town shadowed by age-old secrets, the Villahermosa family's long-standing rivalry has plunged the community into darkness. As vengeance and pride ignite a chain of events, ancient grudges and hidden sins come to light, pushing the town to the b...