Kabanata 28 Veritates et Mendacium

42 7 2
                                        

Truths and Lies

Sa isang liblib na lugar, sa Bayan ng Aragon, pansamantalang naninirahan sina Mang Angelo Soledad, ang asawa nito na si Maya Soledad, at ang kaniyang kapatid na si Elanor Soledad. Nang mapansin ni Mang Angelo ang mga umaaligid na espiya ni Binibining Amaia sa kanilang dating tahanan, hindi ito nagdalawang isip na lisanin ang lugar kung saan sila nanirahan ng kaytagal.

Gabi na ngunit nasa labas parin si Mang Angelo habang tinatanaw sa itaas ang bilugang buwan. Hindi niya mapigilang maisip si Juli na matagal ng nawalay sa kanila. Sa katunayan ay araw araw itong laman ng kaniyang isipan. Lagi niyang ipinagdarasal ang kaligtasan nito.

Tahimik sa lugar kung saan sila kasalukuyang naninirahan. Malayo ito sa sentro at malayo din sa ibang tao. Para kay Mang Angelo isa iyong perpektong paraiso.

Hawak hawak ni Mang Angelo ang huling liham na ipinadala sa kaniya ni Juli. Ilang beses na niyang binasa iyon, halos mamemorya na niya ang bawat salita. Sa gitna ng dilim bigla siyang nakakita ng isang alitaptap. Maya maya at dumami ito hanggang sa biglang lumiwanag kung saan siya pansamantalang nakaupo.

Namangha si Mang Angelo sa kaniyang natunghayan. Bihira lamang siya makakita ng ganoon karaming alitaptap. Hindi tuloy niya mapigilang magtanong kung mayroon ba itong kahulugan o sadyang nagkataon lamang. Sa huli ay nakapagpasya siya na pumasok na sa loob ng bahay.

Tinupi niya ang liham ni Juli at saka itinago ito sa isang kahon. Pagpasok niya sa kanilang silid, namataan niya doon ang kaniyang asawa na si Maya. Hindi pa ito natutulog kagaya ng inaakala niya. Nakaupo ito sa gilid ng kama habang naghahantay sa kaniya.

"Hindi tayo maaaring manatili na lamang ng ganito, Angelo." Wika niya.

Inilapag ni Mang Angelo ang kahon sa isang maliit na mesa. "Hindi kita maintindihan." Pagsisinungaling nito.

Alam ni Mang Angelo kung ano ang ibig sabihin ng kaniyang asawa. Matagal na itong nananahimik at dumating na nga ang araw na ikinababahala niya.

"Alam mo kung ano ang tinutukoy ko." Wika ng kaniyang asawa.

Naupo si Mang Angelo sa tabi ng kaniyang asawa at saka hinawakan ang mga kamay nito. "Maaari bang ipagpabukas na lamang natin ito? Pagod na ako at nais ko ng magpahinga." Wika niya.

Binawi ni Maya ang kaniyang mga kamay mula sa kaniyang asawa. Tinitigan niya ito sa mga mata na tila ba hindi siya makapaniwala sa mga pinagsasabi nito.

"Paano mo nagagawang matulog ng mahimbing gabi gabi habang nasa panganib ang iyong anak? Hinabaan ko ang aking pasensya sa iyo, Angelo, sapagkat alam kong hindi ito madali para sa iyo. Binigyan kita ng sapat na oras upang mag ipon ng lakas ng loob ngunit hanggang ngayon ay wala ka paring ginagawa." Giit ng ginang.

Umiwas ng tingin si Mang Angelo at tinalikuran ang kaniyang asawa. Mula sa maliit nilang bintana natatanaw niya ang mga alitaptap na nagkumpolan sa labas.

"Angelo, kailangan na nating magtungo sa San Diego upang iligtas si Juli." Pakiusap ni Maya.

Napayuko si Mang Angelo at ipinikit ang kaniyang mga mata. Kung mayroon mang luha na nanggagaling mula roon, hindi ito masilayan ni Maya sapagkat madilim ang kanilang silid.

"Nangako ako, Maya." Tipid niyang wika.

"Kanino?" Tanong ng kaniyang asawa.

"Sa lahat, sa diyos, sa aking sarili at sa aking kapatid. Nangako ako na hindi na ako kailanman babalik pa sa San Diego." Tugon niya.

"Kahit na nasa panganib ang buhay ng iyong anak?"

Tunay ngang humihikbi si Mang Angelo sapagkat nang iangat niya ang kaniyang ulo mula sa pagkakayuko, agad niyang pinunasan ang kaniyang mga luha gamit ang kaniyang sariling palad.

The Red Moonflower  (Estrella Muerta Trilogy #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon