MIKHAIL
Nasa tapat ng altar si Mikhail at nakatitig sa imahe ng maykapal sa kaniyang harapan. Hindi siya gaanong malapit sa diyos ngunit hindi ibig sabihin noon na wala na siyang pananampalataya. Mayroon naman ngunit hindi ganoon kalakas. Noong bata pa siya lagi siyang isinasama ng kaniyang ina sa simbahan ngunit noong lumaki na siya at magbinata may mga ibang bagay na kumuha sa kaniyang atensyon. May mga bagay na nagpabago sa kaniyang paniniwala, mga salita na pumukaw sa kaniya at nagbigay liwanag tungkol sa totoong takbo ng mundo.
Hindi ang pananampalataya sa diyos ang makapagliligtas sa atin kundi ang pananampalataya natin sa ating sarili. Aanhin mo naman ang sandamakmak na dasal at pananalig kung wala ka namang ginagawa upang iahon ang iyong sarili, nakadepende ka lamang sa mahiwagang espiritu, naghihintay na baguhin niya ang takbo ng iyong buhay. Isa iyon sa pagkakamali ng mga tao, masyado silang nagtitiwala sa kanilang pananampalataya hanggang umabot na sa punto na inaasa na lamang nila ang lahat sa biyaya ng diyos. Paano kung isang araw bigla na lamang tumigil sa pakikinig ang diyos? Paano kung bigla na lamang niyang isara ang pinto at hayaan tayong lahat na ayusin ang ating mga buhay gamit ang ating mga sariling kamay?
Kung ano anong bagay na ang tumatakbo sa isipan ni Mikhail nang bigla siyang magitla sa presensya ni Francesco na kanina pa pala nakatayo sa kaniyang likuran.
"Napaaga ka yata?" Tanong ng sakristan.
"Sa pagkakaalam ko walang masama sa pagiging maaga, sa pagiging huli mayroon." Saad ni Mikhail.
Napangisi si Francesco hindi dahil nagagalak siyang makasama si Mikhail kundi dahil alam niyang sa loob ng simbahan walang kapangyarihan ang binata laban sa kaniya. Maaari niya itong galitin at inisin hanggang sa gusto niya, hinding hindi siya maaaring gantihan ni Mikhail. Sa labas ng simbahan, doon siya dapat mangamba.
"Kung gayon umpisahan na natin ang iyong pagsasanay, marami ka pang kailangang matutunan." Wika ni Francesco.
Hindi iyon ang inaasahang pagsasanay ni Mikhail. Napakaraming ipinagawa sa kaniya si Francesco. Mga bagay na sa tingin niya ay hindi naman gawain ng isang tagapagsilbi ng altar. Nakangisi lamang si Francesco habang nahihirapan si Mikhail sa paglilipat ng mga naglalakihang kahon na hindi naman niya alam kung ano ang laman. Mabigat ito at maalikabok, mukhang walang gumagalaw ng mga iyon nitong mga nakaraang taon.
"Sigurado ka bang parte parin ito ng aking pagsasanay?" Inis na tanong ni Mikhail at binagsak sa sahig ang mabigat na kahon. Nagliparan ang mga alikabok sa paligid at napaatras naman si Francesco, ayaw niyang madumihan ang kaniyang puting kasuotan.
Pinagpagan ni Mikhail ang kaniyang maduming kamay saka pinunasan ang kaniyang pawis na pawis na noo. Kaunti nalang talaga at aabandunahin na niya ang trabahong iyon.
"Magingat ka sa iyong mga kilos Ginoong Mikhail, magigising mo ang mga pari sa kalapit na silid." Banta ni Francesco.
Hindi nakinig si Mikhail at sinadya pang ibagsak ang isang kahon. Wala siyang pakialam kung puntahan sila ng Kura-paruko ngayon at pagalitan siya. Mas mabuti na nga iyon upang bawiin nalamang nito ang tungkulin ng pagsisilbi sa altar bukas. Marami pa namang ibang binata sa San Diego na bukal sa pusong maglilingkod para sa simbahan. Hindi katulad niya na napipilitan lamang.
"Kapag ipinagpatuloy mo ang ganiyang paguugali, mapipilitan akong palitan ka, isang kahihiyan iyon para sa iyong pamilya." Saad ni Francesco.
Napahinto si Mikhail sa paglilipat ng mga kahon at naikuyom ang kaniyang kamao. Inuubos talaga ni Francesco ang kaniyang pasensya.
"Kung hindi mo kayang itikum ang iyong bibig mapipilitan din akong paduguin iyan dito sa loob ng simbahan, huwag kang magpakampante na nasa loob tayo ng iyong teritoryo, hindi ako natatakot na ipakita ang aking tunay na kulay dito." Giit ni Mikhail at pinanlisikan ng mata si Francesco.
BINABASA MO ANG
The Red Moonflower (Estrella Muerta Trilogy #3)
Ficción históricaIn a town shadowed by age-old secrets, the Villahermosa family's long-standing rivalry has plunged the community into darkness. As vengeance and pride ignite a chain of events, ancient grudges and hidden sins come to light, pushing the town to the b...