Kabanata 24

31 5 0
                                    

AMIL

"Veritas nunquam perit." Pabulong na wika ni Amil habang nakatulala.

"Mayroon ka bang sinasabi, Amil?" Nagtatakang tanong ni Don Tiburcio.

"Wala." Tipid na tugon ng binata sabay iling.

Pansamantalang natahimik ang Don. Itinigil niya ang pagsusuri sa mga papeles sa mesa ni Amil at saglit na naupo. Nakapatong sa mesa ang namumutla at nanginginig na kamay ng binata at kanina pa iyon napapansin ni Don Tiburcio. Hindi na niya alam kung papaano niya matutulungan si Amil. Hindi ito nakikinig sa kaniyang mga payo.

"Nakausap ko si Manang Delya kahapon. Nabanggit niya sa akin na hindi ka raw kumakain ng maayos, mali, ang sabi niya hindi ka raw kumakain. Totoo ba?" Tanong ni Don Tiburcio.

"Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos." Wika ni Amil ng nakangiti at hindi nakatitig sa Don.

Nakunot naman ang noo ni Don Tiburcio.

"Nabanggit iyon ni Juli kagabi noong binasa niya para sa akin ang bibliya." Saad pa ng binata.

Tinitigan lamang siya ni Don Tiburcio ng mayroong matinding pag aalala. Sa isip isipan ng Don nahihibang na nga talaga si Amil. 'Kailangan niya ng tulong ng doktor.' Wika niya sa kaniyang isipan. 'O di kaya ay isang espiritista.' Bakas sa kaniyang pagmumukha ang kaniyang pagkaligalig.

"Amil, lahat na kami ay nag aalala para sa iyo. Kung mayroon kang kailangan huwag kang mahihiyang lumapit sa amin, handa kaming tumulong sa iyo. Hindi mo dapat dinidibdib ng mag isa ang iyong mga hinanakit." Wika ng Don.

"Lagi ka na lamang nagkukulong sa iyong silid. Wala kang ibang kinakausap maliban sa akin at kay Binibining Juli. Ang mga tao sa Hukuman ay gumagawa na ng iba ibang espekulasyon." Dagdag pa niya.

"Kagaya ng?" Kunot noong tanong ni Amil.

Napalunok naman si Don Tiburcio at tuwid na napaupo. Bakas sa kaniyang itsura na mayroon siyang matagal ng gustong sabihin sa Gobernadorcillo ngunit hindi siya makahanap ng tamang oras. Ngayon, ang pagkakataon na mismo ang nag presenta sa kaniyang harapan.

"Mayroong kumakalat na mga haka-haka o bulong-bulungan sa Plaza." Napahinga ito ng malalim.

Masigasig namang nakikinig sa kaniya si Amil. Halatang interesado ang binata sa kung ano man ang nais ibunyag ni Don Tiburcio sa kaniya.

"Una ay ang tungkol sa naudlot ninyong kasal ni Binibining Amaia. Walang nakatitiyak kung saan nagsimula ang bulong-bulungan ngunit mabilis itong kumalat sa buong Kapital. Tinanggihan raw ni Binibining Amaia ang iyong alok na kasal sapagkat ikaw raw ay isang eréhe." Wika ng Don.

"Isang kalapastanganan ang sumalungat sa pananampalatayang katoliko. Alam mo naman na magkapantay lamang ang kapangyarihan ng simbahan at ng pamahalaan. Maaari kang maitiwalag at mapatakwil ng simbahan."

"Nabanggit mo na ito ang una, ibig sabihin ay mayroon pang iba?" Tanong ni Amil.

"Hindi ko alam kung totoo ang mga ibinibintang nila sa iyo, Ginoong Amil. Gusto kong ipaglaban at linisin ang iyong pangalan ngunit papaano naman ako makasisiguro na karapat dapat kang ipagtanggol? Ikaw mismo ang humusga. Sabihin mo nga sa akin kung totoo ba ang kumakalat na bulong-bulungan. Ikaw raw ay nakita sa simbahan kasama si Binibining Juli. Mayroong nakakita sa inyo na nagtatalo at hindi lang iyon, mayroon silang kasuklam suklam na ipinaparatang laban sa iyo. Ayon sa nakasaksi, kinuwestiyon mo raw ang pananampalataya ng dalaga at tinawag na huwad ang ating Diyos at ang kaniyang mga mananampalataya bilang mga hangal. Sa kasamaang palad, pinagtitibay ng mga salitang iyong binitawan ang mga haka-haka tungkol sa naudlot ninyong kasal ni Binibining Amaia."

The Red Moonflower  (Estrella Muerta Trilogy #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon