Kabanata 4

137 4 0
                                    

HINDI makapaniwala si Laura na ang kasama pala niya ay isang Heneral na mataas ang ranggo. Sino bang makakahalata? Ni hindi nga siya nito madalas kausapin simula nang maging magkasama sila sa loob ng limang araw.

Wala pa ring emosyon ang mukha ni Gabriel, dahilan para mas lalong mahiya si Laura. "Tatlong araw bago ang unang araw ng klase. Nasa lamesa nakalagay ang papel ng mga dapat mong gawin." Saad nito saka tinuro ang bintana.

Sa tingin ni Laura, naroon sa may bintana ang lamesang tinutukoy nito. "Babalik ako mamayang gabi." Saad pa nito saka bumaba at umalis. Naistatwa siya sa kinatatayuan niya hanggang sa makaalis ang truck na lulan ni Gabriel.

Napatingin siya sa paligid. Walang ibang bahay dito, walang kapitbahay. Kitang-kita ang kapaligiran, kung saan nasa gitna ng talahiban ang bahay na tutuluyan niya. Base lamang sa mga naikukwento ni Celeste, may kalayuan ang mismong nayon ngunit ang lugar nito ay bahagi pa rin niyon.

Nagsimula siyang maglakad upang sumilip sa ibang bahagi ng bahay. Bukod sa beranda, nasa tapat niya ang pahabang upuan na nakadikit mismo sa pader ng bahay na gawa rin sa kawayan. Sa kabila bago ang pinto ng bahay nakapwesto ang maliit na pugon. Sa gilid ng pugon ay may mga iilang sangkap sa pagluluto at mga kahoy na panggatong.

Hindi nagtagal ay naisipan niyang pumasok na sa loob. Gawa rin sa kawayan ang pintuan. Tumambad sa kanya ang maliit ngunit malinis na espasyo. Ang sulok ay kinalalagyan ng maliit na aparador, hindi nalalayo rito ang maliit na kabinet (bedside cabinet) katabi ng isang kutson. Habang ang upuan at lamesa na nakaharap sa bintana.

Lumabas siyang muli para kumuha ng damit pamalit. Hindi niya muna ipapasok ang kaniyang mga gamit dahil magsisimula na siya sa paglinis. Blusa at mahabang palda pambahay. Pagkatapos no'n ay agad niyang sinimulan ang gawain.

Simula sa pagwawalis. Malinis ang kutson at kailangan lang lagyan ng punda at sapin. May nakuha naman siyang mga punda, sapin, at kumot sa loob ng aparador. Bagong laba ang mga ito kaya puting-puti ito at mabango. Saglit lamang ang paglilinis niya dahil mukhang bago pa siya dumating ay nalinis na ito.

Matapos ang ilang oras. Maayos na ang buong bahay. Nailagay na niya ang kanyang mga gamit kung saan ito nabibilang. Ang kailangan na lang niyang isipin ngayon ay ang tinutukoy ni Heneral Suarez na gagawin niya bago ang unang araw ng klase.

Nararamdaman niya ang pagkahilo at pagbigat ng ulo niya. Gusto na niyang magpahinga. Nang lumingon siya sa lamesa ay maraming nakalista ro'n na kailangan niyang magawa sa loob ng tatlong araw. Isa na rito ang pagpunta sa tanggapan ng Punong Madre ng Zamboanga, na siya ring punong-tagapamahala ng pundasyon.

Ibinalik niya ang papel nang dalawin ng antok. Napagod din siya sa byahe at ngayon lang siya magkakaroon ng mahaba-habang pahinga.

Naalimpungatan siya nang may kumatok sa pinto. Pagkamulat niya ng mata ay madilim na ang paligid. Mayroon namang lampara sa gilid ng kama para gawin niyang ilaw. Napagtanto niya na walang kuryente rito. Kahit naman na lumaki sa marangyang pamilya,  sanay naman siya sa kwarto na walang electric fan o aircon, at sa ilaw galing sa kisame. Maya-maya lang ay may narinig siyang sasakyan na papunta sa gawi ng bahay na tinutuluyan niya. Hindi nga siya nagkamali kung sino iyon. Bigla niyang naalala na sinabihan siya nito kanina na babalik siya ng gabi.

"May dala akong hapunan." Tinaas ni Gabriel ang bayong na dala niya. Naglakad ito sa kusina at inilapag iyon do'n. "Pinabibigay ng Timuay." Napailing na lang si Laura at nagtungo sa lamesa para tignan ang dinalang pagkain ng Heneral.

Dabbas o baunang metal na may apat na magkakapatong na lalagyan. Kanin at ulam na nahahawig sa ihaw (barbecue) na tinggal sa pangtuhog. Mayroon ding lutong gulay at hiniwang prutas. Nang makita na niya ang pagkain ay saka naman tumalikod ang Heneral at naglakad pababa.

Endless LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon