Kabanata 11

110 4 0
                                    

TAIMTIM na nakaupo si Laura sa labas ng tanggapan ng Punong Madre. Hindi nagtagal ay pinapasok din siya. Hinalikan muna niya ang kamay ng Punong Madre tanda ng paggalang bago siya umupo.

"Hija, nakatanggap kami ng balita mula sa kumbento ng Cabanatuan." Panimula ng Punong Madre nang maupo sila. "Tamang-tama lang na inihatid ka rito ni Heneral Suarez."

Napangiti si Laura. "Tungkol po ba kay Celeste? Ano na raw po ang balita? Nang sa gano'n po ay makatawag at makapagpadala na ako ng liham-"

"Wala na siya, Sor Laura."

Natigilan si Laura sa pagsasalita nang putulin iyon ng Punong Madre. Napakurap pa siya ng tatlong beses sa pag-aakala na mali siya ng dinig. Magsasalita na sana siya nang unahan siya ng Punong Madre.

"Kahapon lamang namin nalaman ngunit napagdesisyunan kong hindi muna ito iparating sa Punong Madre ng Maynila sa pagnanais kong ikaw muna ang makaalam."

Sinubukang ngumiti ni Laura kahit pa nagbabadya na ang kanyang luha. "A-ano hong wala na siya? P-paano po ang nangyari? Hindi ho magandang biro iyan."

Napahinga nang malalim ang Punong Madre. "Bukod sa siya ay iyong kapatid na madre, alam kong siya rin ay iyong matalik na kaibigan. Sinabi sa amin na siya ay patay na nang makita ang mga kagamitan niya sa lugar ng pinangyarihan ng krimen sa kanilang lupain. Para makumpirma na siya nga iyon, may mga bahid dugo ang kanyang gamit. May mga rin piraso ng tadyang na nakita. Batay sa siyentipikong pagsusuri, kinumpirmadong ang tadyang na iyon ay tugma kay Celeste."

Kahit pa na nanginginig at tuloy-tuloy ang pagbagsak ng luha. Sinikap ni Laura na makapagsalita. "K-kung gano'n.. n-nasaan po ang b-bangkay ni Celeste?" Napalunok pa siya nang banggitin niya ang salitang 'bangkay' dahil hindi niya mawari ang nalalaman niya ngayon.

"Hindi pa nahahanap ngunit patuloy din ang imbistigasyon. Kahit pa na mabagal ang usad niyon. Dahil maging ang kanyang pamilya ay pinaslang din."

Napakuyom ang kamay ni Laura sa kanyang palda. Nararamdaman na niya ang panlalambot ng kanyang buong katawan. Hindi na niya kaya pang maglabas ng kahit anong salita. Nadudurog na ang kanyang damdamin.

Mula sa loob ng tanggapan, umaalingawngaw ang luha ng paghihinagpis ng isang postulanteng nawalan ng isang kapatid na madre at pinakamamahal niyang kaibigan.

Simula nang sunduin siya ni Gabriel ay wala siya sa sarili. Wala na siyang pakialam kung makita man nito na namumugto ang kanyang mata. Pakiramdam niya ay namamanhid ang kanyang puso.

Habang nasa bahay ay hindi rin siya agad nakakilos. Nagpalit na lamang siya ng damit at hinayang nakalugay ang kanyang buhok. Hindi na rin siyang nag-abalang mag-ayos pa ng mukha. Mula sa unahang gitna ng kanyang buhok ay nakapadiretso iyon gamit ang pilak na paynetang iniregalo sa kanya ni Celeste.

Napansin na lang niya na hindi rin pala siya nakapagdala ng balabal at kandila. Buti na lang ay inabutan siya ni Gabriel ng balabal na sa gulat pa niya ay hindi niya kinuha 'yon agad, kaya si Gabriel na lamang ang nagsuot niyon sa kanya. Binigyan din siya ni Gabriel ng kandila nang magsimulang umusad ang prusisyon.

Nakatulala lang siya sa kandilang hawak niya. Hindi pa rin maalis sa kanyang isipan na wala na si Celeste. Hindi niya matanggap. Parang kaninang umaga ay sinabi niya pa sa mga bata ang tungkol sa pagiging malapit nilang magkaibigan. Kung paano nila sabay na ipinangarap na maging madre kahit pa na mas nauna ng isang yugto ni Celeste.

Ngunit ngayon ay wala na siya.

Maya-maya lang ay si Gabriel na rin ang bumasag ng katahimikan. "Sinabi na ba ng Punong Madre ang tungkol kay Celeste?"

Paangat na napatingin si Laura kay Gabriel. Ang mapupungay na mata nito ay may namumuong luha. "Alam mo?"

Tinitigan muna siya nito sa mata. Napahinga na lang si Gabriel nang malalim bago dalawang beses na tumango. Napailing na lang siya at hinayaan muling tumulo ang kanyang mga luha.

Endless LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon