Kabanata 16

75 4 0
                                    

[Kabanata 16]

LIGTAS na nakarating ng Laguna de Bay si Calista. Dito dadaan ang ikalawang sasakyang pandagat ni Aviana. Naka-barko itong pumasok ng Pilipinas habang bumabyahe sa may Tayabas. Ngayon ang araw na makakarating ito ng Laguna sakay ng maliit na balsa, kasama niya ang isa sa mga tauhan ng mga Alcantara.

Patuloy lang na nagmanman si Calista sa paligid habang naghihintay sa pagdating ng Duquesa. Nakasuot siya ng itim na talukbong upang hindi siya makilala ng kung sino man kung sakaling may mapadaan ngayon doon. May dala rin siyang balisong na maaari niyang gamitin kung sakaling may magtatangka sa kanya.

Ilang oras pang paghihintay ay napatayo siya nang matanaw ang isang bangkang papalapit sa gawi niya. Tila gumaan ang kanyang pakiramdam na narito na nga ang pag-asa nila. Hindi pa nagtagal ay dumaong na sa dalampasigan ng Laguna de Bay ang bangka ng Duquesa.

"Calista!" Sabik na tawag nito. Agad siyang inalalayan ng kasama nitong tauhan ng mga Alcantara. Ito ay kanilang espiya rito sa Laguna, na siyang pinagmulang bayan at lahi rin ng mga Alcantara. Nagyakapan ang dalawa, halos ilang taon din silang hindi nagkita.

Tinapik nang marahan ni Calista ang likod ni Aviana, "Sa wakas ay narito ka nang muli." Bumitaw siya sa kanilang pagkakayakap at hinawakan niya ang magkabilang balikat ng dalaga. "Batid kong naghihintay na sila Helga at Gabriel sa atin. Kailangan nating maligtas nang agaran ang pamilya ng iyong tiya."

Tumango naman si Aviana. "Wala na tayong panahon. Dapat makarating tayo ng Bulacan sa loob ng linggong ito.. kailangan nating pigilan ang mga plano ng aking ina lalo pa't nakikipagsabwatan siya sa mga Hapones."

Si Sebastian ang ipinadala ng mga Alcantara na makausap siya ng personal kahit pang alam nila na delikado ang bumyahe ng Europa. Nang mga panahon na iyon ay sabay-sabay na kumikilos si Calista at Celeste, si Gabriel ang madalas magmanman sa Bulacan noong nasa kumbento pa si Laura, at habang nakaantabay si Helga at Fidel sa Zamboanga nang maipadala si Laura ro'n bilang guro sa Banwa Suba.

Isiniwalat ni Aviana ang kanyang nalaman tungkol sa mga binabalak ng ina nang magsabi siya rito na ang kanyang gagawing tagapagmana ay isa sa kanyang mga pinsan na naninirahan sa Pilipinas bilang legal niyang tagapagmana. Siya ay nasa tatlumpu't taong gulang kaya't hinihikayat na siya ng kanyang ina na mag-asawa na para magkaanak at gawin itong tagapagmana.

Hindi nga nagtagal ay ipinagkasundo siya sa prinsipe na siyang ikalawang anak ng hari ng United Kingdom of Great Britain, nasa mabuting tagpo sila ng kanyang mapapangasawa ngunit hindi rin ninanais ng prinsipe ang kasunduang kasal lalo pa't ito ay nangangahulugan lamang at sa pagpapalakas ng alyansa ng Espanya at Britanya na nais ni Señora Catalina, na siyang kung tutuusin ay hindi nirerekomenda dahil sa kasalukuyang digmaang nagaganap. Nasa panig ng Allies ang Britanya habang ang Espanya ay neutral at hindi umanib nang tuluyan sa Axis ngunit nakikipagtulungan ito sa panig ng Axis at ng Nazi Germany.

Sinabi ni Aviana na kahit siya pa ay ipagkakasundo ay hindi magbabago ang kanyang pasya. Hindi naman siya magawang kontrolin at labanan ng ina dahil alam niyang mas mataas ang kanyang katungkulan sa sariling ina. Ngunit, ang akala niyang hindi paglaban sa kanya ng kanyang ina sa desisyon niya ay isang katahimikang kumikilos nang pamilihim, para itong ahas na mahinang bumubulong na ano man oras ay handa kang atakihan patalikod at lasunin ng nakakamatay nitong kamandag.

Natagalan ang pagdaong ni Aviana sa Laguna dahil tuluyan nang napasakamay ng mga Hapones ang Lingayen Gulf nitong ika-dalawampu't dalawa ng Disyembre. Nanganganib na rin ang ilang parte ng papuntang katimugan kung kaya't kailangan na rin nilang magmadali.

Lumipas ang ilang araw ay pinagpatuloy nila ang paglalakbay patungong Maynila upang doon simulan ang paglalakbay sa katubigan papunta sa mga ilog na kanilang daraanan papuntang Bulacan. Silang dalawa na lang ni Calista ang bumyahe, hindi naman na nila kailangan pa ng kasama dahil kakayanin naman nilang pareho na pumatay ng sinomang magtatangka sa kanilang buhay.

Endless LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon