Kabanata 15

76 4 0
                                    

[Kabanata 15]

WALANG kahit anong ingay ang maririnig sa nakakabinging katahimikan kung hindi ang pitik ng ballpen na pinaiikot-ikot ni Celeste sa kanyang daliri. Nakalatag ang plano, mapa, dokumento, at mga piraso ng kawal ng ahedres kung saan ginagamit itong pang-marka sa mga lokasyong kailangan sa misyon.

"Anong plano ni Gabriel?" Tanong ni Celeste. Pirmi lamang itong nakaupo habang nakatitig sa mapa.

Napaisip naman si Fidel at inaalala ang plinano ni Gabriel bago ito lumisan ng Zamboanga. "Ang alam ko ay dadaong ang barko ni Aviana sa golpo ng Lingayen ngunit sa aking palagay ay hindi rin ligtas doon sapagkat ang sabi ay nanganganib na mapasakamay ito ng mga Hapon. Gayon din ang pagdaan sa katubigan ng kabikulan ay tiyak na hindi rin ligtas."

"Susunduin si Aviana ng isa sa ating mga tauhan. Maglalakbay sila patungo sa golpo ng Lingayen, pababa sa Subic. Ngunit nang huli kong makausap si Aviana ay nailatag niya ang isa sa mga posibleng daan kung sakaling hindi ligtas ang pangunahing ruta." Kinuha ni Fidel ang mapa at mga kawal ng ahedres.

Ipinatong niya ang isang kawal sa look ng Baler, "Madadaanan pa rin nila ang mga katubigan sa Bicol. Sa ngayon ay hindi na rin ligtas ang katubigan sa kanlurang bahagi ng bansa. Kung kaya't ang mga katubigan sa Tayabas ang isa sa ligtas na ruta sa ngayon. Pababa sa mga katubigan ng Tayabas hanggang sa Laguna." Inilagay niya ang isa sa kawal sa Pakil, lalakbayin nila ang kalupaan papuntang Pakil sa Laguna kung saan sila makakasakay ng bangka papuntang Maynila. Mula sa look ng Maynila ay madaraan nila ang rutang sinundan nila Laura." Inilagay niya ang tatlong kawal sa mga ilog ng Angat, Norzagaray, at Sta. Maria.

"Si Sebastian? Anong balita sa kanyang misyon sa Maynila?"

"Kasalukuyan siyang nagmamanman gaya ng napag-usapan. Magkikita rin sila ng ating isa pang espiya ngunit mas mauuna siyang magbalik ng Zamboanga."

Napasandal na lamang si Celeste, maging siya ay nahihirapan dahil iniisa-isa na ngayon ng mga Hapon ang mga probinsya matapos pasabugin ang kabihasnan na siyang malaking balakid sa pagsasagawa ng kanilang mga plano. Napatango siya. Kahit papaano ay medyo panatag siya tungkol sa pagdating ng Duquesa.

"Aking inaalala ang banwa. Ano mang oras ay maaari ring sagupain ang Zamboanga." Umayon naman si Fidel. "Ngunit... bago tayo magpatuloy. Paano pala iyon? Magpapakita ka na sa kanila? Ang alam ng lahat ay patay ka na. Nagsagawa pa sila noon ng ritwal para alalahanin ang iyong kamatayan."

Napailing na lang si Celeste. Hindi niya maiwasang sisihin ang sarili sa pagkalungkot ng mga taong minsan ng naging bahagi ng kanyang buhay. Lubos na napamahal sa kanya ang buong banwa kung kaya't hindi man niya gustuhing umalis ng araw na iyon, hindi naman talaga niya iiwan ang banwa, lalo na ang mga bata.

Sa mga sandaling iyon, muli niyang inalala kung paano niya sinimulan ang kanyang paghihiganti, ang nangyari ng gabing umalis siya ng banwa, at paano siya nalagay sa kamatayan na dahil sa kanyang totoong pagkatao...

Mula sa Banwa Suba, nakatira si Celeste sa isang tahanan na pinagtutuluyan ng mga gurong madre na nadedestino sa banwa upang magturo sa loob ng tatlong buwan. Isang gabi, may isa sa mga tauhan at espiya ni Gabriel ang nagbigay ng sulat sa kanya. Nang mabasa ang nilalaman ng sulat, nanginginig ang kanyang kamay nang mapag-alaman ang nilalaman ng sulat na mula sa espiya ng mga Alcantara sa Cabanatuan, ang probinsyang pinagmulan niya at ng kanyang pamilya.

Nang makita niya ang isang paso na nakapatong sa kanyang lamesa ay inihagis niya iyon saka sumigaw nang malakas. Napasabunot siya sa sarili at malakas na pinagsusuntok ang kawayang pader ng tahanan na isang suntok pa ay magigiba na. Hindi na niya alam ang kanyang mararamdaman, punong-puno na siya sa pang-aalipusta ni Don Basilio sa kanyang pamilya at sa tuluyang pangangamkam ng kanilang pamanang lupain.

Endless LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon