Kabanata 22

80 4 0
                                    

[Kabanata 22]

Paris, 1939

PASADO alas-siyete na ng gabi nang matapos ang trabaho ng mga nurse ng Pitié-Salpêtrière Hospital. Natanaw na agad ni Gabriel si Laura na nakakapit sa braso ng isa pang nurse na kaibigan nito. Apat na kababaihan ang kasabay ni Laura, tumatawa pa ito habang naglalakad. Pare-parehas na naka-unipormeng pang-sundalo ang mga ito habang may Red Cross sa kaliwang braso.

Humakbang papalapit si Gabriel, nakatayo lamang habang hawak ang isang bag na naglalaman ng dalawang bote ng beer. Natigilan naman si Laura nang makita si Gabriel kaya natigilan din ang mga kasama nito. Napangiti si Laura, hindi rin nagtagal ay nagpaalam na ang mga kaibigan niya.

Madaling bumaba sa hagdang may tatlong hakbang bago makarating sa pangunahing pasukan si Laura. Nang makalapit kay Gabriel ay agad 'tong sumaludo. Nakipagpalit naman ng saludo si Gabriel bilang ito ay kapwa niya rin sundalo.

"General Suarez."

"Lieutenant Rivera."

Itinaas ni Gabriel ang bag na naglalaman ng beer kung kaya't pailing na mahinang natawa si Laura. Naupo sila sa hagdan, si Gabriel na ang naglabas ng dalawang beer at binuksan iyon.

Inabot niya kay Laura ang isa. "Dito ka pa talaga nag-ayang uminom." Wika ng dalaga at kinuha ang bote. Agad niyang nilaklak iyon, napangiwi pa siya dahil sa hatid na pait at init na dumadaloy pababa sa kanyang tiyan.

"Hindi ba't ikaw ang nagsabi na uminom tayo nito." Saad ng binata saka siimulang inumin iyon. Napatulala naman si Laura sa sarili niyang bote. Hindi niya akalain na siya pa talaga ang nag-aayang uminom. Hindi kaaya-aya at naangkop para sa isang binibini ang maging uhaw sa alak at sa isang lalaki pa mag-aaya.

Hindi naka-imik si Laura kaya mahinang natawa si Gabriel habang nailing pa saka ininom ang sariling serbesa. Nang marinig niya ang tawa ni Gabriel ay tumikhim siya at napaayos ng upo. Ayaw niyang ipahalata na siya ay nasindak sa sinabi ng Heneral.

"Siya nga pala, malapit ka ng magbalik muli ng Pilipinas." Pag-iiba ni Laura ng usapan. Hindi agad siya nilingon ng binata. Nang tumingin ito sa kanya ay pigil na pigil si Gabriel sa kanyang isip na matawa dahil kahit madilim na, kitang-kita ang pangangamatis ng pisngi ni Laura.

Tumango si Gabriel. "Sa linggo ang aking balik." Huwebes na ngayon. Nitong nakaraang linggo lang siya dumating ng Pransya upang kamustahin si Laura. Dapat ay ngayon ang balik niya ng Pilipinas ngunit pinili niyang manatili pa ng ilang araw upang makasama pa ang dalaga. Hindi rin niya maaaring pabayaan ang kanyang tungkulin sa Banwa Suba at fuerza.

"Anong gusto mong gawin sa mga nalalabing araw?"

"Ikaw. Kung saan mo gusto."

Noong nakaraang taon lamang sila nagkaharap ng dalaga. Matapos ang apat na taong pagtanaw rito mula sa malayo, si Laura ay sinabihan ng kanyang kapatid na si Lauriana na kilalanin ang anak ng kanyang ninong na siyang inatasan ng kanilang ama na magmanman at magbantay sa kanya sa Pransya. Dahil dito, si Gabriel ang naghahatid ng balita tungkol sa mga nangyayari kay Laura.

Madali lang silang nagkaintindihan dahil nasa iisang lugar lang naman ang kanilang pinapalibutan, sadyang hindi lang madalas makita si Gabriel dahil noong pitong taon ito ay doon na siya nanatili sa Banwa Suba. Anim na taon ang nakalipas ay kinuha siya ng kanyang ama upang pag-aralin sa Maynila, sa katwirang mas magiging maganda at mapapalawig ang kaalaman ni Gabriel dahil sa mga matatayog, mas epektibo, at mas maunlad na Unibersidad sa Maynila.

Naging magaan agad ang loob ni Laura dahil ito ay anak ng pinakamamahal niyang ninong, at si Gabriel din ay inaanak ng kanyang mga magulang. Malapit ang pamilya Suarez sa pamilya Rivera kung kaya't sila ay madaling mag-ugnay. Mailap man si Gabriel ay naging magaan agad ang kanyang loob sa dalaga. Ito ay may natatanging ganda at tangkad, mabait, mahusay, may sariling paninindigan at prinsipyo, may puso sa kapwa, at may matatamis na ngiti.

Endless LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon