Kabanata 5

172 4 0
                                    

"SU Excelencia podría llegar pronto, Señor." (Her Grace will be here soon.) Nagbigay galang ang tagapagsilbi kay Sebastian na naghihintay sa kamarote. Sumulyap siya sa kaniyang relo, mamayang gabi na ang byahe niya pabalik ng Pilipinas.

Narinig niya ang tunog ng bumukas na pintuan. Dahil nasa palasyo lamang siya, naka pang-bahay lamang ito. Puting blusa sa loob, asul na cardigan, mahaba at hapit na paldang hanggang lagpas tuhod ang haba, at walang takong na sapatos.

Agad na tumayo si Sebastian at nagbigay galang sa Duquesa. "Mabuti na lamang ay wala ang aking ina rito. Anong oras ang balik mo ng Pilipinas?" Dire-diretsong wika nito at sumenyas na maaari na silang umupo.

"Nasaan ba ang iyong ina?"

Umiling naman ang Duquesa. "May kinita siya pero hindi pa ako sigurado kung sino iyon." Turo niya sa porselanang tsarera. Pinagsalin ni Sebastian ang Condesa pati na rin ang baso niya. "Batid mo naman na hindi pa ako makakakilos ngayon dahil sa pagpapatapon sa amin sa Espanya. Kung hindi dahil sa tulong Hari at Reyna ng Britanya, mas lalo kaming mahihirapang makabalik. Maging ang pamilya ng Hari at Reyna ng Espanya ay ipinatapon naman sa Switzerland."

Si Duquesa Aviana Victorina Abrantes Ortiz, o mas kilala bilang Duquesa de Cataluña, ay anak ng panganay na kapatid ni Doña Alejandrina na si Señora Catalina Abrantes. Bilang pagpapakasal sa isang lalaki o babae na hindi nagmula sa Aristocrata, kailangan nitong magbitiw sa posisyon bilang Duquesa ng Ducadong estado ng isa sa mga probinsya ng Espanya. Sa angkan ni Doña Alejandrina, sila ang namumuno sa probinsya ng Cataluña.

Nang mabuntis si Catalina ng kanyang nobyo ay tinanggalan ito ng karapatan ng kanilang ama bilang tagapagna kaya naipasa ang katungkulan ay Alejandrina. Ilang taon lamang ang lumipas nang magbitiw sa pwesto si Alejandrina upang tuparin ang pangakong pagpapakasal nito kay Señor Damian Rivera. Dahil dito, napunta sa regencia ang estado ng Ducado sa ilalim ng pamumuno ni Catalina. Kahit isang Ilegítima ang anak nitong si Aviana, ay binigyan pa rin ito ni Alejandrina ng karapatan at iniakyat sa parliamento ang pagiging lehitimo nito bilang kanyang tagapagmana.

Nasa edad tatlumpu't dalawa na ang Duquesa. Ngayon siya na ang namumuno sa Cataluña ngunit isa rin sa mga pinunong ipinatapon ng Diktador. Wala pang asawa't anak. Ang mga posible niyang maging asawa ay matagal nang pinagpaplanuhan ng kanyang ina para siya ay magkaroon na ng tagapagmana. Ngunit para sa kanya, iba ang ihip ng tadhana.

Sumailalim sa diktadorya ang Espanya, hindi man gusto ni Aviana na umalis, ngunit pinagbantaan siya ng Diktador na sasakupin at papatayin nito ang kanilang nasasakupan. Kaya wala na siyang nagawa kung hindi ibigay ang nais nito.

"Sa oras na magbalik ako ng Pilipinas, kailangan ko pa rin ng agarang koneksyon sa'yo." Panimula ni Sebastian, "Nasa Zamboanga na si Laura, siya ang pumalit kay Celeste bilang guro sa banwa."

Tumango si Aviana, "Pakisabi na lang kanila Helga ang plano. Makipag-unayan ka lalo na kay Lauriana. Mas madali tayong makakakilos. Tumayo si Aviana para lumabas na ng kamatore. Akmang bubuksan na niya ang pinto nang makitang nagbago ang emosyon ni Sebastian at nanatili pa ring nakaupo.

Bumalik din ang tingin ni Sebastian dahil hindi pa rin umaalis si Aviana. "Deja a un lado tu relación personal y piensa en la misión. Piensa en su familia." (Sebastian, set aside your personal relationship and think of the mission. Think of her family.) Seryosong paalala niya bago tuluyang umalis.


MALAPIT nang mag-ala una ng hapon, tamang-tama lamang na natapos ang tanghalian nila Laura, Gabriel, Helga, at Fidel kasama ang Timuay. Matapos ang usapan tungkol sa pagbabalik ni Sebastian sa bansa, kinakausap na ng Timuay si Laura.

Endless LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon