[Kabanata 25]
TW: Mention of suicide. Readers discretion is advised.
Filipinas, 1897
NAKAHARAP si Damian sa tanawin na nakikita mula sa azotea ng Hacienda Rivera. Hindi niya alam paano haharap sa panauhin nila ngayon. Isang biglaang pagbisita mula sa isang babae na matagal nang ginagalang ng kanilang bayan.
Kakatapos lamang ng trahedyang nangyari sa kanyang mga kaibigan. Ang pagbabalak na iluklok siya sa pwesto bilang kapalit ng ama ni Carlota ay hindi na rin mangyayari dahil sa naging koneksyon niya sa mga Alcantara at kanilang mga propagandista.
Wala na si Lucas at Carlota. Nawawala si Loisa at Alonso. Nasasakdal din ngayon ang kanyang ama sa kasong hindi naman nito ginawa. Ngayon ay mag-isa siya sa mansyon. Hinihintay at iniisip kung anong kapalaran ang naghihintay sa kanya ngayon.
"Ako'y may pabor ngunit hindi ko alam kung ikaw ay papayag. Ito na lamang ang iyong pag-asa upang hindi ka rin pagdiskitahan pa ng pamahalaan." Tumabi sa kanya si Alejandrina.
Nangingibabaw ang dugong Kastila nito kung kaya't sa edad na labing-siyam na taong gulang ay natatangi rin ang tangkad nito. Halos malapit na ang tangkad niya kay Damian. Suot puti at mahabang bestida na sinusuot ng mga kababaihan sa Europa. Ang manggas nitong hanggang siko ay may malaking umbok (puffed) at mayroong puting laso sa ibabaw. Kita rin ang magandang hubog ng katawan. At higit sa lahat ang tindig nito na masasabi mong siya'y isa ngang apo at pamangkin ng dalawang Hari, at anak ng isang prinsesa.
"Cásate conmigo." (Marry me.)
Nanlaki ang mata ni Damian. Doon lamang niya nagawang tignan ang dalaga na diretso ang tingin sa kanya. "¿Perdón, Excelencia?" (Pardon, Your Grace?)
Sumandal si Alejandrina sa barikada ng azotea at pinag-krus ang mga braso. "Hindi ba't nais mong maluklok sa pwesto? Ngunit mapapadali lamang iyon kung maikakasal ka sa akin."
"Ito ba ay dahil Tiyo mo ngayon ang kasalukuyang Gobernador-Heneral na dumating sa Malacañang nitong nakaraang buwan?"
Tumango lamang si Alejandrina. Ang Tiyo niyang iyon ay kapatid ng kanyang ama na siyang kasalukuyang Duke ng Cataluna. Napapikit na lamang si Damian. Apektado na rin ang kanyang trabaho sa Audiencia. Napunta na rin sa alanganin ang binabalak niyang pagpasok sa hukbo.
"Nalaman ko rin na balak mong pumasok sa hukbo. Kaya kong itaas ang iyong ranggo kung aking gugustuhin at gawing Punong Hukom. Nasa alanganin din ang iyong ama ngayon at hindi siya nais tulungan ngayon Tiyo kong Hari maliban na lamang kung may mag-uugnay sa atin. Nasa aking puder din ang iyong nakababatang kapatid."
"Bakit mo ito ginagawa? Gayong hindi ko rin naman kakayaning kumapit sa kapangyarihang meron ka. Nais kong lumaban ng patas-"
"Porque... me gustas. Soy mucho. Muy profundamente también." (Because... I like you. So much. So deeply too.)
Hindi nakagalaw si Damian. Hindi niya inaasahan ang biglaang pagtatapat nito ng damdamin. Kanina ay hindi na nga siya makapaniwala sa mga inihahain nitong pabor.
Apat na taon lamang ang tanda niya kay Alejandrina. Nang una silang magkakilala nitong isang taon ay kahit papaano'y naging magkaibigan sila. Bagama't humahanga siya sa aking talino at kagalingan nito sa iba't-ibang bagay, at ang matatag nitong prinsipyo sa pamumuno ng isang babae ay kanya ring hinahangaan. Ngunit hindi sumagi sa kanyang isipan na baka isang araw ay magkaroon din siya ng malalim na nararamdaman para sa dalaga.
Kung tutuusin ay wala na sa kanyang isipan pa ang pagkakaroon ng kasintahan at pag-aasawa matapos itanggi ni Carlota ang kanyang nararamdaman dahil may napupusuan na itong iba. Kahit ganoon ay hindi naman siya nagkaroon ng paninigbuho dahil ang kanyang pagmamahal kay Carlota ay tunay at dalisay. Mas matimbang pa rin sa kanya ang pagpapahalaga niya sa kanilang pagkakaibigan.
BINABASA MO ANG
Endless Love
Historical FictionAfter pursuing her Nursing training abroad, Laura Rivera came back to the Philippines to set foot on her desire to become a nun. During her postulancy, she was appointed to fulfill her fellow nun's bow out duty-a school teacher to Subanen community...