Kabanata 14

73 4 0
                                    

[Kabanata 14]

KANYA-KANYANG pasan ang mga sundalo at ilang kalalakihan sa pagpasok ng mga pasyente sa mansyon ng mga Rivera. Kasalukuyan itong ginawang pagamutan dahil ang mga maliliit na ospital sa Santa Maria ay punuan na. Dahil malaki at nasa tatlong palapag naman ang mansyon, ang ilang pasilyo ng mansyon ay ginawang patient's ward.

Maraming bahid ng dugo sa porselanang sahig ng mansyon. Ang sala at kusina sa unang palapag ang pangunahing ginawang mga ward. Sa ikalawang palapag naman ang iba pang mga pasyente na sinisikap na asikasuhin ng ibang mga babaeng katulong ng mansyon. Halos lahat ng tauhan ng mansyon ay nagtulong-tulong para lamang maasikaso ang mga sugatan.

Si Doña Alejandrina ang nanguna sa pangangalaga o pag nu-nurse sa mga pasyente. Kasama niya si Louise, Lauriana, at Leonardo na mag-nurse ng mga pasyente. Si Louise at Lauriana ay nagsanay o nag-training din sa Amerika ng nursing noong habang sila ay nasa kolehiyo. Tumulong din si Anita at Manang Teodora sa paglalabas ng lahat na naimbak na gamot, kumot, unan na siyang pinaghandaan sanang ipamahagi sa mga ospital. Inilabas din ang ilang mga kagamitang pang-mediko tulad ng mga pang-opera. Samantalang ang mga lalaki ay binubuhat ang mga kamang bakal at kutson. Ngunit ngayon na mismo nagkaroon ng digmaan kung kaya't magagamit na ang lahat ng iyon sa mismong tahanan nila.

Kasalukuyang nasa sagupaan naman ang Gobernador ng Bulacan at umaaktong Alcalde ng Santa Maria na si Don Damian. Ilang araw na ang nakakalipas nang bombahin ng mga Hapones ang Clark Field, Iba, Maynila at ang Intramuros. Ngayon ay isa-isa namang sinasagupa ang mga katabing probinsya ng Maynila sa norte, at isa na rito ang Bulacan.

Napaghandaan naman na ng bayan kung sakali ngang makarating ng Pilipinas ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kahit pa nitong mga nakaraang buwan ay bali-balita na ang mga nagaganap na digmaan sa Europa at iilang war crimes bago pumasok ang taong 1940. Ngunit kahit napaghandaan ito, marami pa rin ang napinsala sa probinsya ng Bulacan. Marami ng binombang gusali, pamilihan, tahanan, at kahit mismo ang mga terminal.

Ang tahanan ng mga Rivera naman ay sinikap na patatagin at maging bulletproof ngunit kung sakaling bombahin ito, paniguradong hindi ito makakaligtas. May mga makakapal na sako ng buhangin din ang sinikap na ipalibot sa buong mansyon upang maging dagdag proteksyon.

Malakas ang mga palitan ng putok ng baril sa labas. Nagulat pa ang lahat nang may bombang sumabog isang kilometro lamang ang layo mula sa mansyon. Tumawag na rin si Lauriana ng dalawang doktor mula sa kalapit na ospital upang matulungan sila. Samantalang si Louise naman ang nakiusap sa kabilang bayan ng Santa Maria na kung maaari ay bigyan pa sila ng suplay dahil ano mang oras ay mauubos ang suplay nila mismo sa mansyon.

Agad na tumulong si Doña Alejandrina nang makita ang isang sugatan na sundalo na pilit ihiga sa kama. Kailangan niyang patigilin ang pagdurugo ng braso nito na ngayon ay malaki ang sugat. Namataan niya si Leonardo na may hawak na bandeha na mayroong benda.

Agad namang lumapit si Leonardo sa ina dahil narinig niya ang pagtawag nito. "Leo, anak. Pakikuha ako ng mga hiringgilya na may lamang morphine. Magmadali." Nagmadali naman si Leonardo sa utos ng ina kahit may isa pa siyang pasyente sana na lilinisan ng sugat at papalitan ng benda.

Kinagabihan, abala naman ang ibang kusinera sa pagluluto upang may maipakain sa kanilang mga nailikas. Mabuti na lamang ay mayroong meal plan na nagawa noon si Doña Alejandrina para sa mga pasyente na kasalukuyang naka-admit sa isang medical ward. Alas diyes na ng gabi, halos tulog na ang mga pasyente at nagpapahinga na ang mga tauhan. Ang pamilya Rivera ay nasa bahagi ng pinaglulutuan mismo sa kusina. Mayroong maliit na mesa ro'n kung saan nagsasalo-salo si Doña Alejandrina kasama ang kanyang mga anak.

Pinagsaluhan lamang nila kung ano ang niluto, at ngayon ay sabay-sabay din silang humihigop ng mainit na kape. Nakatabi rin sa isang gilid ang mga apron na ginamit nila kanina habang nagbabalik panaog sa mga pasyente. Ang mga puting apron na iyon ay natalsikan na ng dugo at nabahidan na rin ng dumi.

Endless LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon