[Kabanata 18]
NAPAYUKO si Leonardo nang may isang Hapones na babaril sana sa kanya. Madali siyang nagtago sa malaking bato. Kung lalabas siya ay wala rin naman siyang laban dahil wala siyang dala na kahit anong baril. Taranta siyang nagtago nang may malakas na pagsabog ang nangyari sa hilagang bahagi ng labanan.
Puno ng ingay ng palitan ng putok ng baril, pagsabog galing sa mga granada, at itim na usok na yumayakap sa buong paligid. Parang umuulan ng lupa sa tuwing natatamaan ang lupa sa sahig kapag malakas ang tama nito sa baril. Marami rin ang nagsisisigaw sa sakit na natatamo nila kung saan sila nabaril. At narito si Leonardo, ang natatanging sundalo na walang hawak na sandata bilang panlaban sa mga kaaway.
Kinausap siya ni Gabriel tungkol sa pagpasok niya sa militar bilang mediko, na kinakailangan niyang magsanay sa paghahawak at paggamit ng baril bilang pang-depensa lalo pa't sa gitna ng labanan siya manggagamot ng mga sugatan. Hindi rin imposible na maging siya mismo ay masugatan. Pinaalala sa kanya ni Gabriel na mayroon pa siyang apat na kapatid na naghihintay sa kanya kung kaya't kailangan niyang protektahan ang kanyang sarili.
Halos mag-iisang buwan na ang lumipas nang lumipat ang mga Rivera sa Zamboanga matapos ang pagkamatay ni Don Damian at Doña Alejandrina. Napagdesisyunan ni Leonardo na ituloy ang kanyang sinanay noon bilang mediko kasabay ng pagpasok sa militar.
Kasagsagan noon ng pagsasanay ay mas pinaigting niya ang kalakasan at katatagan ng kanyang katawan. Sa pagsasanay na iyon ay hindi niya tinangkang humawak ng baril kahit pa na ito ay obligatoryong gawin bilang bahagi ng isang hukbo.
"Alam kong alam mo ang pinagdadaanan ng aming pamilya, Heneral. Nandoon kayo ng gabing pinatay ang aming mga magulang at hanggang ngayon ay nandito ka. Malaki kang bahagi ng pamilyang ito, lalo na kay mama at papa. Hanggang ngayon ay malinaw ko paring naririnig ang tunog na nanggagaling sa pagkalabit ng gatilyo na kumitil sa buhay nila."
"Naiintindihan ko kung saan ka nanggagaling, Leonardo. Ngunit ito ang reyalidad na pinasok mo-"
"Kung naiintindihan mo akong tunay, hindi mo ipipilit ang iwaksi ang aking paniniwala. Alam ko ang maaaring mangyari simula nang tumapak ako sa tungkulin na ito. Narito ako upang magligtas ng buhay dahil hindi ko iyon nagawa sa sarili kong mga magulang. At hindi ako narito upang pumatay.. dahil sa sandatang tinutukoy mo ay ito ang kinahantungan nila. Kahit na kailangang pumatay ay hindi ko pa rin gagawin."
Mabigat na bumuntong hininga si Gabriel. "Naiintindihan kita , higit pa sa iniisip mo. Isa rin itong mabigat na dinadala ng aking konsensya sa tuwing naaalala ko ang inyong mga magulang na nabigo kaming iligtas. Alam ko ang nararamdaman mo dahil nawalan din ako ng magulang na siyang walang awang pinaslang sa aking mismong harapan. Ngunit ito ay utos bilang iyong Heneral. Sa pagsunod sa ating alituntunin bilang isang hukbo."
Hindi agad sumagot si Leonardo. Naiintindihan niya rin ang katwiran ni Gabriel. Kung tutuusin, walang-wala pa siya sa narating nito at mas lalong walang-wala pa siya sa antas ng ranggo nito para mangatwiran siyang suwayin ang alituntunin at batas ng hukbo. Ngunit kahit ganoon, kailangan niyang pangatawanan ang kanyang paninindigan at prinsipyo.
"Bilang isang pinuno, tungkulin mo ring ilahad ang iyong mga tenga at dinggin ang paniniwala ng iyong nasasakupan. Kung bakit ito ang kanilang pasya. Kung gaano kalalim ang kanilang dahilan. Dahil... hindi lamang ito umiikot sa personal na paniniwala, pananaw o damdamin, kung hindi sa pagtaguyod ng sangkatauhan. Kahit gaano pa kasama ang kalaban."
Inabot ni Leonardo ang riple kay Gabriel, "Kung hindi ka inuusig ng iyong konsensya sa pagpatay ng isang tao, wala akong magagawa roon, Heneral. Ngunit sana, huwag ninyo ipagkait sa akin ang aking pagtayo sa paniniwala na pilit kong pinagtibay upang maiahon ko ang sarili ko ngayon dito na makatulong nang hindi nababahiran ang aking mga palad ng dugong ako mismo ang lumatay."
BINABASA MO ANG
Endless Love
Historical FictionAfter pursuing her Nursing training abroad, Laura Rivera came back to the Philippines to set foot on her desire to become a nun. During her postulancy, she was appointed to fulfill her fellow nun's bow out duty-a school teacher to Subanen community...