[Kabanata 20]
Hindi agad nakasagot si Gabriel sa kabilang linya ngunit batid niyang naghihintay din ng sagot ang ginang dahil mukhang may kailangan itong malaman. Nakapikit lamang ang mata ng Doña at hinihiling na sana ay mapagbigyan siya lalo pa't malakas ang intuwisyon niya sa kanyang sapantaha.
"Ano pong kailangan ninyo? Isasangguni ko po ito kay Fidel."
"May kailangan akong malaman tungkol sa pagkatao ni Celeste."
Napahawak ang dulo ng daliri ni Gabriel sa kanyang pang-ibabang labi. Nararamdaman niya rin ang pagtataasan ng mga balihibo sa kanyang batok. Hindi niya alam paano nalaman ni Doña Alejandrina ang balilta na nangyari sa Cabanatuan, ganoong halos kakalabas lamang nito sa madla.
At hindi niya rin alam paano nito nalaman ang tungkol sa pananaliksik na ginagawa i Fidel.
"Gabriel, anak. Makinig kang mabuti sa akin dahil maraming hindi sinasabi sa'yo ang mga espiyang Alcantara. Sila ang pinakamatagal at pangunahing pamilyang espiya ng monarkiya ng Espanya at ng buong Europa. Batid ko ang katauhan ng bawat miyembrong espiya sa espionaheng binuo ng aking Tiyo, maging ang mga yumao ng mga espiya na binuo ng isa pang Haring Carlos noon. Si Haring Carlos na aking Tiyo ay may nawawalang apo, na nais niya sanang pamanahan ng trono at maging Reyna ng Espanya."
Tuluyan nang hindi nakapagsalita si Gabriel. Hindi niya malaman kung anong sasabihin dahil ngayon ay may nabubuo na siyang konklusyon dahil sa sinabi mismo ng ginang. Ngayon ay mas naiintindihan na niya ang totoong rason sa pagpunta ni Sebastian sa Inglatera.
Agad niyang kinuha ang isang wire recorder. Madali niyang sinaayos iyon, sinubukan niya ring ikonekta ang kable nito sa telepono na siyang hinihiling niyang sana gumana.
"Malakas ang aking kutob na si Celeste ang nawawalang apo ng aking Tiyo. Hindi ko alam kung nabanggit na sa inyo ni Sebastian, ngunit ibinigay sa kanya ni Aviana ang aking talaarawan at mga sulat na naiwan ko sa aming palasyo pagkatapos kong magbitiw sa aking trono. Napasakamay nila iyon dahil sa tulong ni Prinsipe Ernest."
"Malakas din ang aking pakiramdam na may kinalaman ang aking kapatid sa pagkamatay ni Celeste dahil sa pagiging gahaman niya sa kapangyarihan. Siguro ay may alam na siya rito. Pinapatay niya si Haring Carlos upang si Aviana sana ang magmana sa trono ng Espanya, marami na rin siyang pinapatay upang wala ng humadlang sa masama niyang balak. Ngunit hindi siya nagtagumpay dahil nakaligtas ang isa pang apo ni Haring Carlos na siyang binalak niya ring ipapapatay. Bukod doon, isang ilegítima si Aviana. Kung sakaling buksan niya ang usapan dito ay mabubunyag ang pagpatay niya sa mga dugong-bughaw. Kahit ang kasalukuyang monarko ay hindi makalaban sa kanya dahil sa mga pagbabanta niya."
"Ako rin ay mismong pinagbantaan ng sarili kong kapatid dahil marami na akong nalalaman. Totoong matibay ang karapatan ni Aviana sa trono ng Cataluña dahil pamangkin ko siya, at siya ang pinakamalapit sa linaje ni Haring Carlos, ngunit hindi ko nais na madamay siya sa kasamaan ng kanyang ina. Pinagbantaan niya rin akong idadamay niya si Damian, na siyang pinangakuan ko ng isang kasal bago ako bumalik ng Espanya, at isasangkot siya sa kahit anong malubhang krimen. Mas pinili kong manatili rito upang protektahan siya."
"Kung kaya't gumawa ako ng liham kung saan aking isinaad ang lihim na ito ng aking kapatid. Kung sino ang mga taong naiuugnay sa kanya at tumutulong sa kanyang mga asosasyon. Inilista ko rin ang mga Cosa Nostra na kinasasangkutan niya upang manatili sa kapangyarihan. Pati na rin ang espiyang grupo na kanyang binuo rito sa Las Filipinas."
"Matagal nang nasa panganib ang buhay ni Celeste dahil marami na siyang kinakalaban sa loob ng pamahalaan. Maging ang ilang ilegal na gawain ng mga politiko ay pinabagsak niya. Nalaman niya rin ang espiyang grupo na binuo ng aking kapatid at paano sila nakikipag-ugnayan sa Imperyong Hapon. Hindi ko alam, ngunit malakas ang aking pakiramdam na gagamitin nilang pagkakataon ang umusbong na digmaan upang mapabagsak ang lahat ng magtatangkang humarang sa kanyang mga nais. At higit sa lahat, pinapangalagaan niya ang aming pamilya na nasa dulo ng isang lalim. Kung mapatunayan ko ngang siya ang nawawalang tagapagmana ng Espanya, mapapanatag ang loob ng aking kapatid dahil nagtagumpay siyang mawala si Celeste sa kanyang landa."
BINABASA MO ANG
Endless Love
Historical FictionAfter pursuing her Nursing training abroad, Laura Rivera came back to the Philippines to set foot on her desire to become a nun. During her postulancy, she was appointed to fulfill her fellow nun's bow out duty-a school teacher to Subanen community...