Chapter 6: Smiles
"Yumi, gumising ka na! Anong oras na? Kanina pa kita ginigising ah!"
Natataranta akong napadilat at napabangon mula sa mahimbing na tulog. Pero mabilis kong pinagsisihan 'yon nang lumabo nang husto ang paningin ko at parang gumalaw ang paligid.
Mariin kong pinikit muli 'yong mga mata ko dahil sa hilo.
"Mama naman," inda ko sabay hawak sa ulo gamit ang kanang kamay.
"Ba't ka kasi bigla-biglang bumabangon, aber?" sermon niya pa. Ramdam ko 'yong papalapit niyang yabag papunta sa 'kin. "Huwag kang pumikit kung nahihilo ka pala!"
Napangiwi ako dahil sa lakas ng boses niya. Ang aga-aga pa, siguradong marami pang natutulog. Nakakahiya sa mga kapitbahay!
Unti-unti akong dumilat nang mawala na ang naramdamang hilo kanina.
"May alarm naman po ako. Hindi pa nga tumutunog eh. Bakit mo po kasi ako ginigising?" magkasalubong na kilay kong tanong sa kaniya.
Huminto siya sa tapat ko at saka nagpameywang. Lalong kumunot 'yong noo niya nang tumuro sa pinto.
"Kasalanan ko ba kung himalang may napadpad na demonyo na naman dito?" nanggigigil niyang tanong pabalik ngunit sa mahinang tono.
Kinilabutan tuloy ako kung bakit niya binabaan ang boses niya na natural namang malakas. Hindi ko na rin naiwasan ang takot at panlalaki ng mga mata.
"Anong demonyo?" mahina kong tanong pabalik. Halos mautal-utal pa nga ako sa pagbigkas lang ng dalawang salita na 'yon.
Ang bilis pa ng tibok ng puso ko. Kinakabahan kung anong ibig niyang sabihin.
"Hindi 'ano', 'sino'," makahulugan at madiin niyang saad bago padabog na lumabas ng kwarto ko.
Nang mag-sink in sa 'kin ang gusto niyang sabihin, mabilis na bumalik ang pagsasalubong ng kilay ko. At sa napakalamig na umaga, nag-init ang ulo ko.
Kung kanina ay mabilis ang tibok ng puso ko, ngayon ay bumagal ito. Sabayan pa ng mabigat na paghinga dahil sa inis.
Dali-dali kong tinanggal 'yong nakataklob na kumot sa katawan ko at saka tumayo't lumakad. Bawat hakbang ko ata, rinig na rinig na sa napakalakas na paglapat ng paa ko sa sahig.
Pagkalabas ng kwarto, nakita ko kaagad ang morenong Satanas na nakaupo sa couch, suot-suot ang pantalon at puting shirt. Busy kung busy pa siya sa pagse-cellphone niya.
"Anong ginagawa mo rito?" nagtatangis-bagang kong tanong sa kaniya habang patuloy sa paglakad.
Nang iangat niya ang paningin, sinalubong ko iyon ng mga nanlilisik kong mata.
Huminto ko sa paglalakad nang ilang hakbang na lang ang layo namin sa isa't isa.
Ibinulsa niya muna ang cellphone niya bago niya ko binati nang nakangiti, "Good morning." Pero kahit anong gawin niya, mukha pa rin siyang mayabang na demonyo sa paningin ko.
"Walang maganda sa umaga kung ikaw ang unang makikita," pagtataray ko.
Nakita ko 'yong bahagyang pag-angat ng sulok ng labi niya bago siya tumayo.
Napatingala tuloy ako dahil sa tangkad niya. He's 6'2 and I'm only 5'5 in height.
Oo. Pwede siyang basketball player. Galing manloko eh! Tamang bola lang sabay fake love.
"Ikaw... ang maganda sa umaga," banat niya na nagpairap sa 'kin nang malala.
"Kilabutan ka naman sa sinasabi mo," I quickly retorted.
BINABASA MO ANG
Driven by the Star (Ford Cousins #1)
Fiksi UmumMayumi, a 25-year old respected lecturer in a university, finds out about her hot celebrity boyfriend's cheating incidents, Tres, through the most popular actor in the country whom she slaps in public, Veroxx, and as a consequence, the public punish...