Chapter 21

47 3 0
                                    

"B-Brix! Ano'ng ginagawa mo rito?"

"Nakasalubong ko si Heidi kanina na nag-aalala. Nagpasama siya rito sa bahay mo dahil akala niya ay kung napaano kana dahil hindi mo man lang daw sinasagot ang tawag niya," anito habang palapit sa kanya. Inilapag nito ang mangkok sa center table.

"Kainin mo na 'yan habang mainit pa. Nilagyan ko 'yan ng nilagang itlog. Ubusin mo, ha? Para lumakas-lakas ka naman at pagpawisan ka. Pumayat ka na nga noong huli tayong magkita." Nabobosesan niya ang pagiging seryoso nito at ang himig ng pag-aalala sa boses nito.

"S-salamat." Nahihiyang sinulyapan ni Becky ang
binata bago naiilang na sinubukang ayusin ang buhok na siguradong mukhang pugad na ng ibon sa gulo.

"Nakatulog kasi ako. Ilang araw na kasi akong puyat kaya siguro sumama ang pakiramdam ko." Hinigop niya ang sabaw pagkatapos niyang hipan.

Naupo si Brix sa single-seater sofa. "Nasaan na ang boyfriend mong si Hanz? Hindi ba dapat siya ang nag-aalaga sa yo? How come na wala siya rito para alagaan at bantayan ka?"

"Busy siya, saka hindi naman na ako bata. I can handle myself. Bukas ay okay naman na ako siguro." Tangi niyang sagot bago itinuon ang atensyon sa kinakain. Wala na siyang pakialam kung inisip pa rin ba ng binata na boyfriend niya si Hanz. Mas gusto pa nga niya iyon para naman hindi siya magmukhang kawawa. Ang lagay ay may Brenda na ito na ubod nang seksi at puti na kung makapulupot sa kanya at tinalo pa ang ahas, pagkatapos siya ay nganga? Lugi naman siya, kahit pa hindi naman nito alam iyon. Ayaw niyang magmukhang kawawa at tawanan na naman nito.

Ilang sandali pa ay naubos na niya ang kinakain. Tatayo sana siya nang pigilan siya ni Brix. "Ako na. Magpahinga ka na lang. Inumin mo na rin ang gamot mo. Ako na rin ang magliligpit, kaunti lang naman 'yan."

Sinundan niya ng tingin ang binata at napabuntong-
hininga. Hindi ito maganda para sa 'yo, Becky. Lalo kang mai-in love kay Brix kung ganyan siya ka-sweet at kaalaga sa 'yo, sa loob-loob niya.

Ilang sandali pa ay narinig na niya ang tunog ng paglagaslas ng tubig. Mukhang hinuhugasan na ni Brix ang pinagkainan niya. Kusang kumilos ang mga paa niya patungo sa kusina. Pinanood niya ito sa ginagawa. Nakatagilid ito at tila hindi nararamdaman ang kanyang presensiya.

Napangiti si Becky habang pinagmamasdan ang binata. Ngayon niya napatunayan kung gaano ka-macho ang isang lalaking marunong gumawa ng gawaing-bahay; dahil habang naghuhugas ng pinggan si Brix ay napakaguwapo ng tingin niya rito.

Nang matapos ay maayos nitong itinabi sa mga tamang lagayan ang ginamit bago ipinahid ang basang kamay sa suot na shorts. Nagulat pa siya nang itaas ng binata ang laylayan ng suot na T-shirt at ipinampunas pa sa mukha. Nasilayan tuloy niya ang flat nitong tiyan at mumunting abs na may naglalandas pang balahibo mula sa pusod pababa sa garter ng shorts nito. Natukso tuloy siyang silipin kung hanggang saan aabot iyon.

"Bakit bumangon ka, Becky? May gusto ka pa bang
kainin? Nagugutom ka pa ba? Sabi ko naman sayo na magpahinga ka na lang diyan." Napakislot si Becky nang lumapit si Brix sa kanya. Dumukwang pa ito at itinapat ang mukha sa mukha niya.

"W-wala. Hindi ka pa ba uuwi? Kaya ko naman ang sarili ko.'' Nag-init ang buong mukha niya pero alam niyang hindi na iyon dahil sa sinat lang. Lalo siyang nataranta nang lumapat ang kamay nito patungo sa kanyang noo at leg. Sandaling-sandali lamang iyon pero halos manigas na siya.

Ngumiti ang binata. "Mukhang umeepekto na ang
gamot na iniinom mo. Hindi kana gaanong mainit. Pinagpapawisan kana rin."

"U-umuwi kana. Alam kong busy ka rin at may mga gagawin ka pa. Kaya ko na 'to." Umiwas agad siya. Kung alam lang nito ang dahilan kung bakit siya pinagpapawisan ay baka tumalilis ito palayo sa kanya o di kaya'y pagtawanan na naman siya kagaya ng dati nitong ginagawa.

My Chubby RomanceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon