Si Ning, ang Bato

2 0 0
                                    

at ang iba pang Wala nang Kislap na mga Bituin sa Watawat ng Pilipinas

1. -Anihan-
Matagal na rin noong huling umuwi si Annie sa kanilang baryo. Gayunpaman, wala namang gaanong nabago sa katayuan ng lugar. Oo nga’t naging ganap na sibilisado na ang pamayanan, sementado na ang daan, at may mga magaganda na ring mga bahay na hindi naman pagmamay-ari ng mga tagaroon ngunit tigang pa rin ang lupa sa kaginhawaan, mahirap pa rin ang mga tao kabilang na ang pamilya ni Annie. Nanggaling siya sa pamilya ng mga magsasaka, mga maralita na tanging hangad noon ay matabang lupa, irigasyon, masaganang ani para sa buhay ng nag-iisang anak. Ngunit hindi na ngayon, sapagkat ang tanging hiling na lang nila ay makauwi na si Annie mula sa tuyot na bayan at maihimlay na ang kaniyang pagod at wala nang buhay na katawan sa tigang na lupa ng kaniyang bayang sinilangan.

2. -Si Bol-
Masarap ang simoy ng hangin nang umagang iyon. Masaya ang huni ng mga ibon, sumasayaw nang bahagya ang mga dahon, at maganda ang sikat ng araw para magsimula nang sumibol ang mga bulaklak at halaman sa paligid. Tuwing ganitong panahon ay abala si Ning sa pagdidilig sa mga halaman na inatas sa kaniya ng ama na abala naman sa paglilinis ng kanilang tirahan o ‘di kaya ay paghuhukay at pagsasaayos ng mga bagong pataba sa lupa. Matapos magdilig ay pinuntahan ni Ning ang kaniyang ama na pinapalibutan ng mga tao habang nagtatrabaho, tumigil ito saglit at tinanong siya kung anong problema, imbis na sumagot ay hinila ng paslit ang laylayan ng kamiseta ng ama saka bumulong.
“Tatay, ‘di ba katulad din po siya ni Inay?” anang bata sabay tingin sa bumababang ataul sa hukay.
“Hindi na rin siya gigising."
3. -Si Ning at ang Bato-
Mataas na ang sikat ng araw ngunit patuloy pa rin si Ning sa paghulma at pag-ukit sa batong ipinamana pa sa kaniya ng kaniyang unang kliyente. Ilang gabi na siyang walang sapat na tulog magmula nang simulan niya ang proyekto, kahit kumain ay hindi niya na rin maatupag dahil sa pagtutok sa naturang trabaho. Wala sa isip niya ang huminto sa ginagawa, pilit niyang hinahabol ang oras, kung gaano kabilis ang kamay ng orasan ay ganoon din ang paggalaw ng nangangalyo niya nang mga kamay, para man lamang ay may madatnan pa siya sa pagwawakas, pineperpekto niya ang bawat sulok ng kaniyang obra para sa unang taong nagpahalaga at sa talento niya ay humanga. Ilang oras pa ang nagdaan at natapos niya na ito sa wakas. Isang lapida para sa kaniyang amang natagpuan na lamang na nakabulagta sa may bangketa at may pakete ng bato sa bulsa.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 28, 2021 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

dedlaynTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon