Krim Stix (PNY Battle Level Up Round 2)

33 11 0
                                    

Sa labas ng establisyementong may nakadikit na kulay dilaw na mga papel na may nakalagay na 'Government property' prenteng nakasalampak sa pagkakaupo si Buknoy.
Tinatanaw niya ang sorbetesan ni Aling Kurdapya sa may kanto, ang mga tao, dyip, traysikel, motorsiklo, asong gala, pusang galisin, at kahit ang mismong mga ipis na nagdaraan.
Umalis kanina ang tiyahin niya, pumasok ito sa trabaho. Magdamag na naman siyang mag-isa.
Isa-isa niyang pinapangalanan ang mga nagdaraang ipis. Lima na ang dumaan, ngunit ang pinaka kakaiba sa mga ito ay ang pinangalanan niyang Jollypis. Kulay puti ito at may kulay kahel na mga pahalang na guhit.
Napatigil siya sa pangingilatis sa kaibigang ipis nang may biglang nangalabit sa kaniya.

"'Noy, sama ka sa karoling?" anang kaibigan ni Buknoy na tangan sa maliliit na kamay ang lupon ng mga pinitpit na tansan na nakatuhog sa paikot na alambre. Pinatunog-tunog pa ito at ipinalo-palo sa kamay.
"Wala akong gamit," kakamot-kamot sa ulong hayag ng bata.
"O, 'yan na si Tatoy, siya sa drums, ako sa kleng-kleng. Ikaw ang kakanta," pang-aasar nito kay Buknoy.

Sinimulan na nilang bagtasin ang kahabaan ng highway. Lahat ng bahay na nadaraanan nila ay inaawitan nila.
"Sa may bahay, ng aming bati. Meri krismas, nawawalati, ang pag-"
"Tawad!" malakas na sigaw ng isang ale sa loob ng bahay.
"Tenk yu, tenk yu! Ambabarat ninyo, tenk yu!" Ganting sigaw naman ng mga musmos na pinagdamutan ng kakarampot na barya.
Nagpatuloy sila sa pag-iikot sa kanilang lugar.
Tumigil sila sa tapat ng isang bahay.
Malaki ito, hindi tulad ng pangkaraniwan. Binubuo ng tatlong palapag, may terrace, may roof top, may mataas na kulay gintong yari sa bakal na gate at  kumpleto sa christmas lights at iba pang mga pampaskong dekorasyon.
Mayaman ang may-ari. Paniguradong  tiba-tiba sila kapag galante ang mga taong nakatira rito.
"Ayusin mo kasi kanta mo, Buknoy! Napapahiya tayo e," mapang-uyam na sabi ng batang si Nenok.
"Ang pasko ay sumapit, tayo ay -awit! Ng magagandang himig, dahil sa Diyos ay pag-ibig. Nang si-" Hindi  pa man sila nakakatapos sa pagkanta ay agad na lumabas ang isang babae. May dala-dala itong barya at saka sila binilang. Tatlo sila.
Nagngingitian sila, at nasa mga mata nila ang mga katagang 'Jackpot 'to!', 'YES!' at 'sana hindi barat'.
Iniabot sa kanila ang tumataginting na tatlong piso. Hindi sila nakaimik. Sapat nga naman ito para sa paghahati nilang tatlo.
Bagsak ang mga balikat. Baliktad na kurba ng mga labi. Halatang dismayado sila sa kalakaran.
Inalog-alog ni Buknoy ang plastik na sisidlan ng mga nakolekta nilang barya, holen, sitsirya, kendi, lollipop. May napansin siyang maliit na kulay puting gumagalaw sa loob, walang iba kundi ang kaniyang kaibigang si Jollypis.
Patuloy sila sa paglalakad, nang sandaling huminto si Tatoy.
"Last na itong tindahan ni Lola Mase. Uwi na tayo." Pareho namang tumango bilang pagsang-ayon ang dalawa.
"Pasko! Pasko! Pasko  na namang muli, ang pag-ibig naghahari."
Nang matapos nila ang kinakanta, marahang pumalakpak ang matanda. Iniabot sa kanila ang tig-dalawang krim stix.
Napangiwi sila pare-pareho.
"Tenk yu! Tenk yu! Ang babait ninyo, tenk yu!" Pahabol ni Buknoy habang papalayo sa tindahan ng matanda.
Umuwi na sila sa sariling mga tahanan matapos maghati-hati sa pinaghirapan ng halos dalawang oras.
Sampung piso, tatlong holen, limang sitsirya: dalawang kiss, dalawang rinbee, at isang onion rings, limang kendi na maxx at dalawang krim stix.
Sunod-sunod niyang nilantakan ang mga napag-karolingan, maliban sa krim stix.
Kinuha niya sa garapon si Jollypis, inilagay sa kaniyang balikat at saka niya kinagat ang palstik na pakete ng krim stix.
Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at sa ilang sandali pa'y nawala na siya sa reyalidad.

****************
Saliw sa himig ng mga ibong marikit ang binubulong ng hangin papuntang kanluran. Nangugusap ang mga puno at nagsisikawayan ang mga namumukadkad na bulaklak. Sinimulan niyang humakbang papalapit sa mga ito, lumanghap-langhap at umamoy-amoy hanggang sa siya'y makuntento.
Sinipat niya ang mga ito, lumabas ang bumbilya sa ma ulunan niya at naisip niya na kailangan ng mga bulaklak at puno na gumalaw-galaw.
Iminuwestra ang kaniyang mga kamay sa harap upang mapasunod ang mga halaman. Kasabay ng bawat indak niya ay isang mapanghalinang awitin at tila ba may mahika ang pagkanta niya dahil sa kasamang mga bula nito.
Mayamaya pa ay may biglang dumating na higanteng bubuyog na kulay kahel na may tatlong puting paikot na guhit sa may tiyan.
Nag-iba ng anyo si Jollypis. Mukhang hindi na ito magkakasiya sa lalagyanan ni Buknoy.
Ang nakapintang ngiti ni Jollypis sa may labi nito at ang pagkaliit-liit na pakpak nitong bumagay sa malaki nitong pangangatawan ang nagpasigla sa bata.

Sumabay ito sa pagsasayaw ni Buknoy.
Bigla itong tumigil.
Ilang sandaling katahimikan ang namayani sa buong hindi niya alam kung ano ang tawag.
"Apir tayo! Sumakit ang ulo ko, sumakit ang baywang ko. Sexbomb, sexbomb, sexbomb!" Ani bubuyog.
Ginaya ito ng mga nilalang at nagsikanta na rin.
"Spaghetting pababa, pababa nang pababa. Spaghetting pataas, patataas ng pataas."'
Sinabayan pa nila ito ng mga nakakatuwang pag-indak.
"Ayoko nang sumayaw. Nakakapagod," sabat ng isang gumamela.
Nakasimangot na ito sa kanila.
"Sige, maglaro na lang tayo. Taya!" Mabilis na sabi ni Buknoy sa kalarong bulaklak.
"Madaya!" Ayaw ko no'n! Gusto ko maglaro ng chinese garter!" Lumukso-lukso pa ito na parang kangaroo.
"E, kung magpatintero na lang kaya tayo?" Sabat ni Jollypis.
Nginitian naman ito ni Buknoy.
Nagpatong-patong sila ng mga kamay at ibinuwelo nila iyon mula sa ibaba, "Kampihan!" pataas, at saka nila ipinakita kung puti ba sila o itim.
Agad silang pumuwesto sa magkabilang poste.
Nagsimula na ang rambol. Takbo rito, takbo roon. Hapo man sa paglakad pa lang ang uugod-ugod na puno, tuloy lang ang laban. Mabibilis kumilos ang mga maliliit na lamang lupa at bulaklak.
Nakabantay sila nang maigi sa sari-sariling kampo. Pero nakaligtaan nilang may munting kaibigan na hindi na munti ngayon si Buknoy.
At dahil may pakpak, mabilis itong lumipad papalapit sa ka kampo ng kalaban at na naka-base sila at nanalo.

Naubos ang krimstix, bumalik sa dating anyo ang gubat na kuwarto ni Buknoy. Nasa sofa na ang tiyahin niya at malakas na itong humihilik.

Kinabukasan, nangaroling ulit sila, katulad kahapon, nakatanggap na naman sila ng krim stix mula kay Lola Mase.
Nang makauwi ay agad na kinuha ulit ni Buknoy si Jollypis sa garapon at ipinatong uli sa balikat niya. Tulad ng nakagawian, muli silang naglakbay sa iba't ibang dimensiyon.
Ika-labing walo ng Disyembre ay napadpad sila sa kailaliman ng dagat at nakipaglaro ng chinese garter sa mga pugita at dugong.
Ika-dalawampu't isa ng Disyembre, ipinatapon naman sila sa may Dapitan at nakipaglaro ng teks at pogs sa kasalukuyang nagsusulat noon  ng nobela na si Jose Rizal.
At nang bisperas na ng pasko, matapos ibigay ni Lola Mase ang isang buong pakete ng krim stix at lantakan nilang magkaibigan ang mga ito, naglakbay sila patungong kabundukan kung saan nila nakalaro ng tumbang preso ang nuno sa punso at ang tikbalang.
Pero sa mismong araw ng Pasko, sa hindi inaasahang tagpo sa higaan ni Buknoy.
Bilang naghumiyaw ang kaniyang tiyahin.
"Ipis! Ipis!" Binato nito ang munting kaibigan ni Buknoy.
Sapul. Todas.

Lumipas ang maraming taon. Malaki na si Buknoy.  Naging matagumpay siyang negosyante. Laging abala si Buknoy kahit malapit na ang Pasko. Hindi na siya nagbibilang ng mga kotse, asong gala, at ipis na nagdaraan. Ayaw niyang nakakarinig ng tunog ng kleng kleng at drums na gawa sa lata ng Lactum.
Hindi na siya tumikim pa ng krim stix matapos mamaalam ang huwarang kaibigan.
Lagi siyang abala sa pagkukuwenta. Kaya hindi niya na muling naramdaman ang kasiyahan tuwing Pasko katulad noon.
Nang yumaman, nagpatayo siya ng bahay na tulad ng kinakarolingan nila. Doon tumira ang kanoyang asawa at mga anak.
Sa kanilang bahay, panay trabaho, pera at mga numero ang nais niyang pag-usapan.
Wala siyang ibang bukambibig.
Hanggang sa lumaki na rin ang kaniyang mga anak. Maagang yumao ang kaniyang butihing maybahay  kaya nang makatapos at naging inhinyero ang dalawa niyang anak na lalaki ay naiwan na ulit siyang mag-isa. Mag-isa sa walang hanggang kawalan.
Sa labas ng establisiyementong may nakadikit na kulay dilaw na mga papel na may nakalagay na 'SOLD' prenteng nakaupo si Buknoy.

Tinititigan niya ang mga ipis na naglalakad. Ang mga ipis na tila kumakaway sa kaniya, pinangalanan niya muli ang mga ito.
At muli siyang nahinto sa isang kakaibang ipis. Sa ipis na kulay puti ay may mga kulay kahel na guhit pahalang. Bigla siyang napatalon sa tuwa. Napasayaw pa siya na parang nagbalik siya sa pagkabata.
Agad niya itong ibinulsa at ika-ikang nilakad ang daan patungong tindahan at bumili ng isang krim stix.
Napangiti ang matanda sa mga alaala.
Umuwi siya sa bahay niya at inilagay sa balikat ng bagong tuklas na kaibigan.
Kinagat niya ang plastik ng krim stix at sa paglapat ng lasa nito sa kaniyang dila ay ang muling pagbabalik niya sa nakaraan.

"Pa, nandito na kami."

Ngunit walang narinig ang matandang nagmistulang musmos na dahan-dahan nang tumatawid sa may bahagharing gawa sa makukulay na krim stix at naglalaro ng piko kasama ang apo ni Jollypis.

dedlaynTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon