Balabal (Catharsis III: Unveiling of the Last Man Standing Auditions)

21 10 0
                                    



Ngani-ngani mong kinatok nang dalawang beses ang bubungan ng dyip para matawag ang pansin ng drayber na parang tinatanggalan ng tainga tuwing may magsasabi ng "para" sa inyong mga pasahero.
Tumigil ang dyip sa tapat 9mismo ng bababaan mo.
Sa unang pagkakataon sa loob ng tatlong taong pagsakay sa dyip na ito, ay nakinig sa iyo ang drayber.
Tumingin ka sa mga pasahero, tulog ang iba, at ang iba nama'y mulagat ang mata pero walang ekspresyon ang mga namumutlang mukha. Sa  pagkakatanda mo ay kilala mo ang mga ito, siguro ay nakita mo na  sila dati ngunit hindi mo lang mapagtanto kung sino ang sino.

Dahil na rin siguro sa takot sa paraan ng pagpapatakbo ng kaskaserong tsuper, kaya minabuti mong hindi na lamang ito pansinin.
Maalinsangan sa loob ng dyip bagaman at malamig ang simoy ng hangin sa labas, dahil na rin siguro sa siksik na mga pasahero rito na akala mo ay sa Maynila lang mayroon. Nanlalagkit ka na dahil sa kakaibang atmosperang bumabalot sa dyip, kaya buti na lamang talaga at makabababa ka na.

Napatingin sa iyo ang drayber, at  ganoon ka rin sa kaniya.
At sa saglit lamang na pagtatagpo ng inyong mga mata ay nagkaroon agad ng kakaibang interaksyon ang mga ito na tila ba nagdulot ng pagkakabato-balani sa inyong dalawa.
"Ikaw pala iyan, 'Tol!" Bungad nito sa iyo at agad na bumaba ang drayber mula sa kaniyang kinauupuan at pumasok sa loob ng dyip.
"Kailan ka pa nakauwi? Hindi ka man lang nagpasabi para naman ay nasundo kita sa piyer." Napailing ka nang maupo ito sa tabi mo nang hindi man lang nagpasintabi nang halos maupuan nito ang katabi mong babae na walang kahit anumang naging reaksyon.

"Paano mo nalaman ang daan pabalik?" Inusisa ka niya, pero ngiti lamang ang itinutugon mo sa bawat tanong niya. Nagtataka ka ngayon kung bakit tila ba kailangan mo talagang ipaliwanag ang lahat sa kaniya.
"Tumirik po tayo. Baba na lang po kayo," sabi ng drayber na ayon sa pakilala niya sa iyo ay kuya mo, sa mga pasahero kahit na mukha namang kaya pang i-biyahe hanggang bayan ang naturang dyip.

Ngunit walang kahit isang kumilos sa mga pasahero. Tanging mga bangaw lamang at mayuming simoy ng hangin ang maririnig sa loob ng dyip.

Nagsimula nang mangatog ang tuhod mo, hindi ka sigurado kung takot ba ang nararamdaman mo o dala lamang ng gutom o 'di kaya nama'y dulot lang ng hangin.

Kanina mo pa nararamdaman ang lamig ng katawan ng mga katabi mo, pero ngayon, hindi na lamang lamig ang humahaplos sa iyong balat, nagsisimula na ring manuot sa iyong ilong ang masangsang na amoy ng mga nabubulok na laman.

Ang katahimikan, lamig, at sari-saring amoy, lahat sila ngayo'y tinatapik ka. Gumising ka. Bumaba ka. Pumata--

Ngunit bago ka pa man lamunin ng iyong imahinasyon, naisip mo kung bakit mo naging kuya ang drayber na ito, gayong hindi mo naman siya kapatid. Iisa lamang ang kapatid mo at babae ito. Sigurado ka rin na walang anak sa labas ang isa sa mga magulang mo. Sino nga ba ang lalaking ito?

Inisip mo ang lahat ng puwedeng maisip, ngunit wala ka na sa tamang pag-iisip. Pagod na ang utak at katawan para pilitin mo pang alamin ang katauhan ng drayber. 

Bumaba ang drayber at tinawag ka kaya sinundan mo ito, at sa huling pagkakataon ay napadako ang tingin mo sa mga kapuwa mo pasahero na naiwan sa dyip.
Nandoon pa rin sila, at kagaya nga ng inaasahan mo, mga walang buhay na ang mga yaon, at nagkalat ang lamang-loob sa sahig ng dyip na pinanggalingan mo. Kaya naman natutop mo ang iyong bibig, at nakalimutan mo na kung paano magsalita.

Ngayon, napagtagpi-tagpi mo na ang lahat, o baka rin hindi.

Kilalang mangingikil ng mga negosyanteng hilaw ang tiyuhin mo rito sa baryo.
At sa huli mong pagkakatanda ay Miguel ang ngalan ng tiyuhin mo.
At ang drayber na ito ay ang tiyuhin mo. Tama. Siya ang tiyuhin mong dahilan ng taon-taon na pag-uwi mo rito.

"Maganda naman ang pasilidad ng ospital doon sa may barrio para maalagaan ang Lola, bakit kailangang sa Maynila pa?"

Napailing ka na lamang sa mga itinuran ng tiyuhin (kuya) mo. At tinanguan mo na lamang lahat ng litanya niya bilang paggalang sa kaniya.
Sinipat-sipat mo ang mga gamit na naipundar (ng tatay mo) mo sa tatlong taon mong pagtatrabaho matapos mong makuha ang lisensya mo sa pagdo-doktor.
"Nandiyan pa rin iyang Minami na TV, ayaw papalitan ni Lola. Pinaghirapan mo raw iyan. E, paperweight na lang naman ang presyo niyan ngayon."

Lumipas nga ang halos labing-limang taon na wala silang nalalaman. O sadyang nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan sila noong mga panahong buhay pa ang taong totoong kausap nila.
Ang iyong ama.
Ang iyong ama na nagpakamatay bago ka pa makapagtapos sa hayskul.

Uminit ang sulok ng iyong mga mata.
Hindi na nakatiis ang mga luhang kanina mo pa pinipigilan pero ngayon ay ayaw na ring huminto sa pagtulo.

Napatingin sa iyo ang tiyuhin  mo. May pagtataka sa mga mata nito, waring nagtatanong kung ano ang nais ipahiwatig ng ekspresyon sa iyong mukha.

Hindi mo iyon maipaliwanag.
Nandito ka ngayon sa pawid na dapat ay bakasyunan mo, pero mukhang hindi mo naihanda ang iyong sarili na dito na matatapos ang taunan mong pagsakay ng dyip tuwing sasapit ang ika-dise kuwatro ng Oktubre, sa tuwing sasapit ang araw ng kamatayan ng ama mo.

Huminto ang paligid, parang sirang plakang namutawi sa tainga mo ang tinig ng iyong ama, ng iyong amang kamukhang- kamukha mo na ngayon.
"Katulad ng mga hayop na nagkakainan kahit kauri nila, ganoon ang tiyo mo, Anak. Iwaglit mo na sa iyong isipan ang pakikipaglaro sa apoy."
Ngunit bago pa man dumiretso sa iyong utak ang totoong nilalaman ng sinabi ng iyong ama, nailabas mo na ang lahat ng mga kagamitan mo.
Sa isang iglap ay nasa sahig na ang tiyuhin mo. Itinurok mo sa kaniya ang herenggilyang nakalimutan mong itapon kahapon. Nangunyapit siya sa sakit. Sumirit ang dugo sa may bandang kaliwa ng leeg niya.
Sumigaw siya nang sumigaw, pero wala kang pakialam. Narindi ka sa kaniyang ingay kaya naman ay isinunod mo ang dila niya. Hiniwa mo ito ng scalpel na para bang isang alagang isdang nauwi  sa hapag ninyo tuwing hindi mo nalulunasan ang sakit. Nakalimutan ba ng hayop na hindi ka doktor ng tao kun'di beterinaryo? Na hindi ikaw ang ama mo, at hinding-hindi kayo magiging magkapareho.

Ang tanging alam mo lang ngayon ay ang galit. Galit sa tiyo mo, sa buong pamilya ng ama mong yumao, na siyang mga taong tinanggalan mo ng bituka kanina sa dyip na sinakyan mo.

Galit ka, at walang makapipigil sa iyo.
Pinagmasdan mong muli ang tiyuhin mo, ang puno't dulo ng pagdudusa mong ito. Ang poot na kinimkim mo sa loob ng mahabang panahon ay maiwawaglit mo na ngayon. Sa wakas ay mabibigyang hustisya mo na rin ang ama mo. Hindi na lamang siya biktima ng kagaguhan ng lalaking nasa harap mo ngayon, ng lalaking umahas sa ina mo na hindi na rin natagpuan ang bangkay nitong nakaraang sampung taon. Matatapos mo na ito. Kaunting tiis na lang at mapapatay mo na silang lahat.

Napangiti ka nang maisip iyon at saka mo ginupit ang balat ng tiyuhin mo mula sa likuran hanggang sa harap na bahagi ng katawan nito, dahilan para maihinga na nito ang huli, at matapos ka sa misyon mo.
_______________

Walang pasintabing nanuot sa iyong litid, laman-loob at buto ang pumailanlang na lamig ng simoy ng bumubulong na hangin sa dinaraanan ng animang dyip na iyong sinasakyan.
  Sandali mong ipinikit ang iyong mga mata, at sa muling paglapat ng talukap mo sa ilalim na balat ng iyong mata ay ang pagtakas ng mga alaala nitong nakaraang dekada. At sa pagmulat muli ng mga ito ay ang pagkatanto na hindi mo dapat ibinabalabal ang balat ng tiyuhin mo.

-Balabal
sa panulat ni amoysingetchronicles

ika-14 ng Oktubre, 2016

dedlaynTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon