Inalarawan (Royal Rumble S3 Semi-Finals)

43 8 0
                                    

"Tingnan mo ito, hindi ba't parang may mali sa isang ito? Nakakaloko ang kaniyang hitsura," wika ng isang babae at itinuro sa kasama ang napansin.
"Ah, iyan pala. Akala ko ay ako lang ang ganiyan tumingin. Natakot tuloy akong magsalita kasi ayokong mapahiya. Buti na lamang at pareho tayo ng nasa isip."
Natawa ang dalawang nilalang sa kanilang naisip. Pero pigil ang kanilang tawa. Hindi sila puwedeng mag-ingay sa lugar na iyon.
Lahat sila ay napapansin ang mali kay Yna. Walang makakita ng tama. 
Nagmistulang katatawanan ng lahat ang atraksyong gawa ni Yna. Lantad na lantad ang malaking kaibahan niya kung maikukumpara sa mga karaniwang tao.
Mula sa kaniyang katawang puno ng mga letra at guhit, iba na siya.
Walang nais umintindi, walang nais makialam. Walang nais tumuklas sa kaniyang kakaibang katauhan. Matatayog ang mga pader na iniharang ng mga tao kay Yna. Walang sinuman ang may gustong maging katulad niya. At kahit sino'y walang nagbalak tumibag sa mga pader na iyon.
Lingid sa kanila, at maging sino pang makapansin sa kaniya, alam ni Yna na iba ang tingin at trato sa kaniya ng mga taong nasa paligid. Sa tingin pa lamang ng mga ito sa kaniya, alam ni Yna na mas gugustuhin pa ng mga itong tingnan lamang siya ng madalian, tumungo-tungo na parang may alam, ipag-iimbot ang ngiti, at kunwari ay may isinusulat ng mahalagang bagay tungkol sa karanasan nilang makita siya, ngunit  nagsayang lamang pala ng tinta.
Oo, alam niyang hindi sila nagpapahalata. Pero halata niya 'yon. Halata niya 'yon noon pa man.
Batid ni Yna na hindi siya basta-basta mauunawaan ng kahit sino dahil hindi para sa kaniya ang magpaliwanag. Lalo na sa mga ordinaryong nilalang na ang utak ay hindi maaaring maaarok ang nakatalaga sa kaniyang pamumuhay. Batid niya na kahit may karagdagan siyang kapangyarihan upang kumilos at magsalita, at magkusa na siyang buksan ang isipan ng mga naroroon sa pinakamalinaw at pinakamainam na pamamaraan, mas pipiliin pa rin ng karamihan ang tablan ng antok at katamaran, hanggang sa magsara ang isipang bibihirang nagbubukas at nakatatanggap ng makabuluhang kaalaman.
Si Yna ay hindi pangkaraniwan. Hindi. Walang karaniwan kay Yna. Pinili niyang tanggapin ito ng buong-buo. Minarapat niyang hayaan siyang maging aliwan sa gitna ng nagsisipag-dunung-dunungang mga tao.
Paano matatapos ang bulung-bulungan? Paano matatapos ang usap-usapan? Paano masisigurong ang mga tanong ay hindi na masusundan? Sa isip ni Yna, ang tanong ay hindi paano, dahil hindi ito masasagot nang may payak na katapusan. Marahil, ang maglilipanang katanungan ay 'bakit.' Bakit sa dina-dami ng "mapapalad" ay si Yna pa ang "sinawing" itadhana na maging ina ng labindalawang supling, na ngayo'y nakakalakad na't kasa-kasama niya.
'Yan pa lang, diyan pa lang, hindi na matatapos ang pagpuna sa kaniyang kaanyuhan... at sa kaniyang kahalagahan... kung mayroon man.
Kung tutuusin, paano siya magkakaroon ng hinuha na mapipili pa niya ang nakatadhana sa kaniyang buhay sa paglaki, kung ang naglikha sa kaniya - ang Maylikha mismo - ang nagsilbing daan, tulay, at bukal ng pagkatao niya ngayon, mula sa unang pagsanib ng makulay sa puti, hanggang sa siya at ang kanoyang supling ay umangat sa mga kulay at magkaroon ng sariling buhay. At kahit noon pa man, hindi niya na kinailangan pang kwestiyunin ang Maylikha.
Saglit na naputol ang paggunita ni Yna sa kaniyang nakaraan nang dumaan ang mga nilalang na may balabal na makapal, animo'y unipormeng kinakailangang ibalandra upang maunawaan ng ibang tao kung ano ang kanilang silbi sa lugar na iyon. Ang mga balabal na naturan ay nagsisilbi ring panlaban sa maghapong lamig, bagay na ikagagalak ng isang tulad ni Yna, dahil makasasama lang sa kaniya at sa kaniyang labindalawang supling ang malimit na naiinitan.
Sa gitna ng dagliang paggunita ng kahuli-huling pagtatagpo nila ng Maylikha, inurirat siya ng isa sa labin' dalawang batang nakapalibot sa kaniya ukol sa malaking tinapay na hawak niya.
"Inay, 'yan po ba 'yong tinatawag nilang pagkain na isinusubo sa bibig, gaya ng karaniwang ginagawa ng iba?"
"Kakainin na po ba natin 'yan?"
Walang ibang mababakas sa mata, mukha, at tinig ng batang nagtanong kung hindi musmos na ka-inosentehang wala talagang nalalaman pa. Saglit tuloy na natigilan si Yna, nag-aalala kung mauunawaan ba kaagad ng bata ang magiging payak na sagot niya sa tanong nito.
"Hindi, anak. Hindi natin ito isusubo sa ating bibig. At hindi tayo kakain. Hindi natin kailangang kumain, dahil hindi tayo nakararanas ng gutom, gaya ng mga taong nagdaraan."
Tunay na inosente ang bata, walang dudang tinanggap niya kaagad ang sinabi ng kaniyang ina. Walang pag-aatubili. Walang pag-aalinlangan. Kahit kaunti.
Ilan pang mga tanong ng kaniyang mga anak na kay hirap sagutin. Mga tanong na paulit-ulit, at paulit-ulit niya ring kailangang sagutin.
"Inay, bakit parang daan lang nang daan ang mga tao? May hihinto nga, at titingin pa sa atin, pero aalis din? At bakit parang hindi tayo nakalalayo? Parang naka-pirmi lang tayo dito palagi, ha, inay?"
Sa dami ng tanong ng anak, nagdalawang isip muli siya kung kaya niya bang ipaintindi dito ang mga kasagutan sa lahat ng tanong nito sa pamamagitan ng isang maikling tugon. Ngunit, minarapat pa rin ni Yna na sumagot sa pamamaraang nais niya.
"Anak, daan sila nang daan, galaw sila nang galaw, saglit lang silang titingin sa atin, pagkatapos ay lalakad na palayo dahil kailangan nilang kumilos nang kumilos. Walang katapusan. Walang kapaguran. Madalas, hindi nakukuntento. Kaya lakad sila nang lakad. Ang paningin ay kung saan-saan ibinabaling. Gano'n sila, anak."
"Tayo, anak? Bakit parang nakapirmi lang tayo dito palagi? Kasi, anak, espesyal tayo. Wala tayong katulad. Ibinubukod. Itinatangi. Nag-iisa."
Gaya ng naunang batang nagtanong tungkol sa pagkain, itong batang nagtanong sa kilos ng ibang tao ay mukhang agarang nakaunawa rin. Hindi na ito muling nagtanong pa.
At doon na napansin ni Yna na dumidilim na. Kumakaunti na ang mga taong dumaraan. Unti-unti na uling tatahimik.
Isang mahabang gabi na naman silang mamalagi dito.
At sa paglandas muli ng sikat ng araw sa kanilang puwesto'y mauulit lamang ang nangyari ngayong araw. Gano'n palagi. May daraan at may daraan. 
Sila ay pagmamasdan. Alam iyon ni Yna. Alam niyang sa gano'ng katotohanan lang mapatotoo ang lahat ng kaniyang nalalaman.
Labin' dalawang supling.
Espesyal.
Yna.
Ina.
Buhay. Habambuhay.
***
Sinikap ng guwardiya na maayos ang ilaw na nakatutok sa isang bahagi ng pader, hindi lang dahil kasama ito sa kaniyang trabaho, kung hindi dahil itinatangi niya ang partikular na lugar ito. Naging magkasing-liwanag ang mga mata niya at ang ilaw na kaniyang kinumpuni nang ganap na maayos na ito.
Nakahinga na siya nang maluwag. May rason na siyang ngumiti. Masaya na siya. Sapagkat maliwanag nang nakikita ang nasa pader kahit pa nasa 'di kalayuan. Kahit makailang ulit na niya itong ginawa noon, pakiramdam niya ay kailangan niyang tanggalin ang nakabara sa kaniyang lalamunan upang buong linaw, tatas, at galak niyang marinig ang sariling binabasa ang nakasulat sa paboritong niyang parte ng dingding.
*Eherrrm.*
"Inalarawan."

dedlaynTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon