Saynbord (PNY Battle Level Up Round 3)

21 8 0
                                    

Lulan ko ang amo kong edad niya mismo ang aming pinagsamahan.
Sinusuong ang hindi gumagalaw na pila dahil mukhang may construction na naman sa intersection.
Ga-tuldok lamang ang iniuusad ng puwesto ko sa loob ng limang minuto.  Naririnig ko na ang malulutong na mura ng mga kasabay ko sa daan at maging ng taong lulan ko. Ang mga isinisigaw ng utak nila'y isa lang at iyon ang "Late na ako! "
Nakahinto ang buong paligid.  Makapal ang pinagsamang usok at hamog sa himpapawid,  malalanghap din ang maitim na usok na ibibubuga ng mga kaklase kong balasubas. 

Napapikit ako saglit.  Dinama ang malakas na hampas sa manibela ko ng amo ko.
Malamang ay sinasabayan na naman ng ulo niya ang maalinsangang panahon.
Umaatungal ang buong sangkalsadahan, wang-wang, weewoo, at maging ang kantang 'Saan Ka Man Naroroon' ay maririnig.  Kung may kakayahan lang sana akong takpan ang taingang wala naman talaga ako, ay paniguradong noon ko pa ginawa.

Ibinaling ko na lamang ang atensyon ko sa itaas,  at napansin ko ang signboard doon.  Nakapinta ang 'Imagination Land', may drowing na katulad ng kalsadang kinalalagyan namin ngayon at may nakasulat na 'One ruler away'.
Umusad uli ako. Mula sa  halos ga-tuldok na progreso kanina ay naging ga-ruler na ang pag-usad.

Pagkahinto namin ay biglang nagbago ang paligid. Nag-iba ang kulay ng kalsada. Mula sa dumihing abong kulay ay napalitan ito ng iba't ibang kulay, gaya ng rainbow. Nawala ang mga kasabay ko.
Ako na lamang at ang amo ko ang nasa kinalalagyan namin ngayon.

Tumahimik ang buong paligid at tanging huni lamang ng ibong sa tingin ko'y yari sa tsokolate ang mauulinigan naming dalawa.  Napapaligiran din kami ng mga ulap na parang cotton candy.  "Welcome to Imagination Land,  Sir," anang crew na mistulang ulap sa nagbukas ng bintanang siyang amo ko.
Katulad ko'y manghang-mangha rin ito sa mga nakikita sa lugar na iyon. 
Maya-maya pa'y tinubuan ako ng pakpak.  Sapat ang laki no'n para makalipad ako.
Napapalakpak bigla ang amo ko.
Hindi alam kung saan ibabaling ang mga braso at napayakap siya sa akin katulad ng pagyakap niya sa mga gulong ko noon tuwing aalis ang Daddy niyang una kong naging amo, o tuwing magsisimba sila noon na nakikipag-unahan siyang pumasok sa loob at yayakapin na lamang ang pinto ko.

Umupo na siya sa loob at nagsimula akong paandarin at paliparin.

Napapahalakhak siya sa mga kumekendeng na bubuyog sa himpapawid na halos singlaki ng kamao at sa mga paru-parong umaakbay sa kanila.
Ang saliw ng musikang hatid ng simoy ng hangin at tawa ng amo ko ang masarap pakinggan nang muli't muli.

Pumunta kami sa mga punong namumunga ng mga cake at biskwit: ang mga paborito niyang pagkain na ngayon niya na lang muling ma-eenjoy kainin.
Napakakulay ng paligid.  At lalong nagpapaganda nito ang mga ngiti ng amo ko.

Nag-ikot-ikot pa kami at kung saan-saan nagpunta.
Unti-unti,  mula sa pagiging sasakyan ay nag-anyo na rin akong isang tao naka-kapa,  katulad ng suot ng amo ko.
Katulad ng i-drinowing niya noon sa may pintuan ko.
Kita ko ang malawak na ngiti ng amo ko, at umakbay siya sa akin.

Nakipagsayawan kami sa mga ulap na may kamay, paa at limang mga mata. Nakipagkantahan sa mga dahong may buntot ng isda.
Hanggang sa narating namin ang isang hardin.  Lahat ng tumutubong bulaklak ay pawang may mukha,  at nang makalapit kami ay alam kong tama ako ng hula.
Namumukadkad na ang mga pera.  Mga papel na pera na may mukha ng matataas na tao.
Ang perang pinaghihirapan ng amo ko. Bagay na dahilan kung bakit pumapasok ang amo ko,  dahilan kung bakit nabili ako,  at dahilan kung bakit may trapik.
Pinagmasdan ko ang amo kong nakamasid din sa mga namumulaklak na salapi.
"Halika na," akay niya sa akin. 
"Hindi ka kukuha?" maang na tanong ko. 
"Makakaipon din ako ng ganiyang kalaking halaga.  Tapos mapapaayos ko na rin ang kulay mo.  Magkakaroon ako ng mga bagay na nandito sa lugar na ito. " Isang ngiti ang isinukli ko sa kaniya at ganun din siya sa akin.
Sabay kaming naglakad palabas at paglabas namin sa likod na bahagi ng hardin ang pagbalik ng lahat sa dati. At muli akong nakakita ng isang signboard at may nakapintang "Real world resumes here".
Bumalik sa kulay dumihing abo ang kalsada.  Ang ingay, usok at gulo ng paligid at ako,  bilang isang sasakyan.
Umusad na ako at ang lahat ng mga kasunod ko.  Unti-unti nang lumuwag ang daloy ng trapiko, at narating na namin ang opisina ng amo ko.
At bago siya pumasok ay isang mahinang bulong mula sa amo ko ang narinig ko.
"Sapat na sigurong mag-enjoy sa traffic dahil kasama ko ang kotseng pinakatapat kong kaibigan pamula nang ipanganak ako. "

dedlaynTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon