Tinapa (Writerly Nook January FlashFiction 2017 Wricon Entry)

25 9 0
                                    

Bumagsak ang malalaking patak ng ulan.  Bitbit ang timba na may lamang paninda sa kaniyang maliliit na braso, mabilis na sumilong si Botchok sa terminal ng dyip. Suot ang malaking damit na may ilang sulsi at bahagyang kapol ng grasa't pawis, na tinernohan ng may punit sa tagilirang basketball shorts.

"Teeeeeenapaaaaa!" malakas niyang sigaw na para bang nauubusan ng hininga. 

"O,  tinapa kayo d'yan,  Ma'am. Beinte pesos na lang po," aniya sa aleng may bitbit na bayong at halatang galing lang sa loob ng pamilihan.

Pumuwesto siya sa harapan ng matanda,  ngumiti siya *kaya lumabas ang kaniyang ngiping kuneho. Inilabas niya ang panindang ^kahit nakabalot na ng diyaryo ay nanunuot pa rin sa ilong ang amoy ng pinausukang isda. 

"Apat na piraso na lang po ito, 'Nang!  Bilhin n'yo na po nang makauwi na ako sa bahay namin," aniya kasabay ng malakas na atungal ng kaniyang tiyan.

"Ano bang klaseng tinapa iyan, Hi- Botchok, ikaw pala iyang bata ka!" anito sabay kurot sa pisngi niya.

"Bilhin ko na ang tatlo,  paniguradong masarap ito dahil base sa timpla ni Mencha."

Nag-abot ng dalawangdaan ang ale, at inabot ang kaka-supot pa lamang ni Botchok na tinapa. 

"Sa'yo na ang sukli," anang ale.

"Talaga po? Pero bakit po tatlo lang? Puwede namang lahat na po ito," usisa ni Botchok.

"Kaarawan mo, hindi ba? Idagdag mo na lamang iyan sa handa mo."

Isang malawak na ngiti ang iginanti ng paslit sa ale, at saka ito nagpasalamat.
Nang tumila nang kaunti ang ulan,  agad na umuwi si Botchok.

Bumili siya ng kandilang hugis '9'.
Inayos niya na ang hapag, at saka tinawag ang kaniyang mga kapatid.
Sinindihan niya ang kandilang hugis '9', sa harap ng litrato ng kaniyang ina na ngayon ang ika-siyam na linggo mula nang matagpuang nakabalot sa diyaryo sa pamilihan.

-Tinapa
sa panulat ni amoysingetchronicles

Enero, 2017

dedlaynTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon