Mosaik (Incognito 3 Round 1)

15 6 0
                                    

Magsisimula na ang subastahan, ngunit ang mga kuwento nila sa isa't isa ay tila ba walang katapusan. Ang mga bulungan tungkol sa nagdaang dekada ay walang pagal. Lalo na at ang mga bida sa kaganapang pinag-uusapan nila ay ang mga dugong bughaw.
Pinatay na ang lahat ng ilaw sa may bulwagan. Natahimik ang lahat. Ang dilim ay dumantay sa mga mukha ng mga mayayamang sabik sa masasaksihan.

Ilang saglit pa ay tumutok ang ilaw sa gitna ng entablado kung saan ako pirming nakatayo, katabi ng aking obra maestra.

"Mga giliw naming panauhin, salamat po sa inyong pagdalo. Ngayon, sisimulan na natin ang subastahan sa obra ni Leonardo Petrach. Ang presyo ay magsisimula sa tatlumpung libong dolyar."

******************

Ang karangyaaan ng pasilyong binabagtas ko ang nagpapamukha na ako'y walang kakayahang magsalita at lumaban sa anumang sasabihin ng mga maharlika.

Suot ko ang mahabang kulay abong tela na nagdidikta na ako'y isang hamak lamang na utusan. Tagapagsilbi. Alipin.

Sabay-sabay kaming pumasok sa loob ng bulwagan kung saan nakapuwesto ang hapag ng mga dugong bughaw, bitbit ang mga pagkain na inihanda namin para sa kanila.

Mga dugong bughaw na ngayon ay nakasuot ng mga magagarang kasuotan at kumakain ng masasarap na putahe habang ang kanilang nasasakupa'y ibinuburol na sa karukhaan.

Sa muling pagpasok ko sa hapag ng mga kataastaasan, walang makakapagsabi kung ako'y makakalabas pa ng nakatapak sa lupa.
Isa-isa na naming inilagay ang mga putaheng inihanda at ang mga kubyertos sa hapag, nang matabig ng isa sa mga kasamahan ko ang sisidlan na naglalaman ng alak at nabuhos sa magarbong bestida ng prinsesa.

Lahat kami'y napatigil sa pagkilos. Napansin kong nawalan ng kulay ang mukha ng kasamahan ko. Alam na namin ang kasunod nito. Paniguradong haharap muli kami sa palakol ni Kamatayan. Kung matutuluyan, mas maganda.

"Parusahan ang aliping iyan dahil sa kaniyang pambabastos sa prinsesa! Bitayin siya!"

Dumagundong ang boses ng hari. Halos mapatakip ako ng tainga dahil lakas no'n.

"At ang lahat ng mga aliping kasama niya ngayon ay ikulong!"

Sa ikaapatnapu't isang beses, muli ko na namang mararamdaman ang hagupit ng latigo at ang nakatutustang init.
Mistula kaming mga tuta na sumusunod sa mga kawal papunta sa ibabang bahagi ng kastilyo.

Kung maaari lamang umalpas. Kung sana'y diringgin ng maawaing langit ang aking dasal.

Malayo pa man kami sa mismong kulungan ay ramdam na namin ang matinding init. Init na lumulukob sa aming kabuuan. Nanunuot at tila ba sinusunog ang aming mga balat.
Kailangan kong kumbinsihin ang katawan kong wala itong nararamdaman.

Ipinikit ko ng mariin ang mga mata ko. At naulinigan ko na ang tunog ng kinuhang latigo.
Isa. Dalawa. Tatlo.

Sa bawat hagupit nila sa likod ko ay tripleng hiyaw at nguyngoy ang tugon ko. At ang mga tugong kong iyon ay mistulang musika sa mga tainga ng mga kawal.

Malalakas ang mga halakhak nila, parang mga demonyo. At ang kasiyahan ng mga demonyong ito ay ang marinig ang mga hiyaw at makita ang paghiwalay ng laman sa balat ng likod naming mga alipin.

Bawat kirot at hapdi ay nanunuot sa aking katawan Tanging mga impit na sigaw na lamang ang lumabas sa aking bibig.
Wala na akong lakas para humiyaw, basta ang alam ko lang ay makakaalis din ako sa impiyernong kinasasadlakan ko ngayon.
---------------------------
Bitbit ang aking kagamitan ay tinahak ko ang pasilyong matagal ko ring hindi nalakaran.
Sa mga oras dapat na ito ay hindi na magkanda-ugaga ang mga utusan, pero wala.
Wala ang mga demoniyong kawani ng hari. At wala rin ang nakatutuliling utos ng mga dugong bughaw.
Tahimik ang buong paligid.
Payapa.
----------------------------
Pumasok ako sa may bulwagan at sinalubong ako ng Hari at Reyna.

"Mabuti naman at pinaunlakan mo ang aking imbitasyon bagaman at magulo pa ang bansa dahil sa giyera," simula nito nang maupo kami sa hapag.

"Nalaman ko po kasing nais ninyong iguhit ko kayong mag-anak. Tama nga ba, mahal na Hari?" tanong ko rito at sumilay sa labi ko ang isang ngiti.

"Kung maaari sana'y sa isang sining na ginamitan ng balat na katulad sa ginawa mo noon at hindi basta pagguhit lamang." Anito.

"Gusto ko sanang simulan mo na ngayon." mahinahong sabi ng hari.
"Masusunod po, kamahalan."

Pumuwesto silang mag-anak sa isang mahabang kulay pulang upuan.
At ako nama'y lumapit na sa kanila.
"Hindi po ba puwedeng palabasin muna ang inyong kawan, mahal na Hari? Mahihirapan akong ibaling nang husto ang aking pag-iisip kung may kasama tayo sa loob."

"Kung iyan ang gusto mo."

"Magsilabas muna kayo," baling nito sa mga kawal.

At saka sila sunod-sunod na lumabas.
Ilang sandali pa ay nagpasya na akong magsimula. Inilabas ko ang aking mga gamit.

Ang kambas, pangguhit at matalas na espada.
Nakalimutan na nga siguro nila, hindi na ako ang aliping balot ng kulay abong tela noon.
Ako na ngayon si Leonardo Petrach, isang bihasang panday at kilalang mangguguhit.
At lalong titibay ang pagkilala ko sa sarili ko, matapos ito.

"Anong gagawin mo sa espada?" tanong ng mahal na Reyna.

Umiling lang ako at saka sinimulan silang iguhit.
Dahan-dahan. Unti-unti.
Ang mga maharlika'y hindi puwedeng biguin.

At nang matapos ko na, ay ang pagtayo ko para lapitan sila.

"Magiging maganda ba iyan, Leonardo?"
Inilapit ko ang espada ko at dinaplisan ang mukha ng hari na siyang kinaindak ng huli.
"Talipandas! Anong karapatan--"

At sa muli kong pag-alala sa nakalipas, iginuhit ko rin pala ang mga kawani ng hari na nagparusa sa amin noon at sila'y hindi na muling nasilayan ng mundo.
---------------------------

"Ang ating katawan ay nababalutan. Ang mga bumabalot sa atin ay siyang sumisimbolo sa mga pagkatao natin. At ang nakabalot sa ating iyon ang ginamit ko sa aking obra. Ang pinira-pirasong balat ng karangyaan."

Nagpalakpakan silang lahat. Hindi batid ang lihim sa mga binitawan kong salita.

"Kung magiging maganda ba o hindi, mahal na Hari? Sa palagay ko'y napagtanto mo na ang sagot sa iyong tanong."

-Mosaik
sa panulat ni WishPenWithWings (amoysingetchronicles)

dedlaynTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon