Tsumambang mga Letra (PNY Battle Level Up Semi-Finals)

20 8 0
                                    

Para sa babaeng nais ko pa rin sanang maging kasangga habang buhay,

February 28, 2016

Isang natatanging bagay lang ang natatandaan ko sa napinakinggan nating sermon noong Recollection, iyon ay walang salitang 'nagkataon', at 'tsamba'.

Lahat daw ng bagay, itinakda. Pero sana mayroon na lang ganoon. Sana mayroon na lang tsamba at nagkataon. Mas ayos kasing sabihing nagkataon lang na masakit kaysa itinakda kang makasakit at ako yung kawawang itinakdang masaktan.

March 8, 2016 (Itinakda)

Hanggang ngayon, siyento porsyento sigurado akong naka-plano na ang mga buhay natin, at isa sa mga planong iyon ay ang biglaan pagbabago ng seating arrangement dahil sa kaingayan ng section natin. Nagkatabi. Nagkausap.
Parang bagong magkakakilala kahit noong mga panahong iyon ay walong taon na tayong schoolmates at classmates.
Isa ka sa pinakatahimik sa room. May pagkamasungit, at mukhang libro, teacher at cellphone lang ang trip kausap. Dahil isa akong nilalang na wala nang ginawa kung hindi manggulo ng mga lamang-lupa, sinimulan na kitang daldalin. Nalibot na natin ang buong kalawakan sa dami ng napag-usapan natin, pero kung anong topic talaga ang nagsimula ng pagkakaibigan natin?

Natatandaan mo pa ba? Palang iba kun'di ang Wattpad. Sulat lang nang sulat. Wala tayong ginawa noon kung hindi magsulat ng love story, mag-collaboration sa pag-iisip ng plot para sa mga kuwento ng kaklase natin at magsulat sa likod ng mga notebook. Masaya noon. Sobra. Nakakakita pa nga ako ng rainbow at unicorn.
Dumating ang unang unos, parang nag-signal no. 2 lang na bagyo pero maaraw. Pinag-awayan lang natin ang pagka-asar mo sa grammar at prinsipyo ko. Napunit lang ako nang very very light noon, pero walang nakahalata kasi masaya nga lang noon. Mayroon pa ngang leprechaun.

April 3, 2016 (Nagiging maayos na ulit. )

Hindi ko na maalala kung ilang love letters ang pinagsaluhan ng luha't uhog ko. Tuwing okasyon ba naman kasi may pakulo tayong dalawa. Daig pa natin ang mag-dyowang bahaw. Akala ko wala nang katapusan ang mga iyon.

May 30, 2016 (Ang angas natin dito, Bes. )

Lalong tumibay ang samahan nating dalawa noong sumunod na bakasyon. Sumubok tayong manggulo sa isa sa mga bigating patimpalak sa pagsulat. Nakakilala tayo ng mga bagong nilalang na matatawag na mga halimaw na nasa anyong tao. Masaya. Naramdaman ko noon na puwede pala nating masulyapan yung kakaibang mundo sa likod ng pluma at papel. Yung akala ko dull nang kulay ng mundo dahil sa usok, naging kulay blue at green na naman.

July 18, 2016

Dumating ang pasukan. Isang bagong nilalang ang sumalubong sa amin. Isang taong nakangiti at marunong nang humalakhak. Isang babaeng handa nang tumanggap ng iba pang kaibigan bukod sa akin. Sa mga unang yugto ng pagbabago mong iyon, wala pa ring makapaghiwalay sa atin. Halos magkapalit na nga ang mukha natin na alam kong hindi mo matatanggap. Hanggang sa naging kaibigan mona halos lahat.

Sa talino mo ba namang iyan at kakaibang charm, malamang na natakot lang talaga sila noon sa ikinulot mong buhok kaya hindi ka nila kinakaibigan. Tandang-tanda ko pa noon na sinabi mong,
"Kung hindi dahil sa iyo, hindi pa rin ako ganap na tao. Nagtatago pa rin siguro ako sa shell ko. "
Pero unti-unti, habang dumarami sila, habang nakikipagtawanan ka na sa kanila, gusto ko na lang manood sa isang gilid. Ang astig dahil sigurado akong ikaw naman ang nakakakita ngayon ng rainbow, unicorn at leprechaun.

August 6, 2016 (Dalawang araw na makalipas ang bertdey mo. Belated. )

Bago dumating ang kaarawan mo na sabi ko paghahandaan ko, nagkaroon tayo ng hindi pagkakaunawaan. Hindi ko na maalala ang dahilan pero hindi umabot ang pagbabati natin sa mismong araw ng birthday mo. Kung alam mo lang sana kung gaano kahirap tanggapin 'yung sinabing mong buti pa yung mga bago mong kaibigan naalala ka, at talagang hindi nasusukat ng tagal ng samahan ang pagkakaibigan.

Mabigat? Oo. Sobra. Mahirap kainin iyon, pero nilunok ko na yung katiting kong pride para ako ang maunang humingi ng pasensiya. Simula pa naman noon ganoon na talaga ang siste sa ating dalawa.

Hindi ka kasi marunong magsabi ng salitang 'sorry', kaya ako na lang. Gusto kong iligtas ang pagkakaibigan natin kaya gagawin ko ang dapat gawin.

October 28, 2016

Ilang buwan pa ang lumipas, naging isyu na rin ang palagian kong pagnanais na pangitiin ka. Isyu na pati ang katangahan ko at iba pa. Lalong lumalala. Alam kong marami kang problemasa bahay ninyo at paulit-ulit kong sinasabi sa iyong nandito lang ako, handang makinig, umagapay pero hindi ang makidrama sa iyo, dahil hindi ako puwedeng maging mahina kung mahina ka rin. Pero hindi mo siguro iyon naiintindihan, lalo kang lumalayo.

February 18, 2017

Akala ko noong recollection, okay na tayo. Tayo pa nga kasing dalawa ang nagpalitan ng mga sulat ng pangarap. Isang malupit na power hug pa ang ibinigay ko para sa iyo, sinabayan kita sa pag-iyak at inalo kita, namin ng mga kaibigan mo. Pero siyempre sabi nga nila, lahat ng akala, nakakamatay.

March 15, 2017 (Pasensiya ka na. ) Nilamon ka na rin ng sistema. Nagpalamon ka na rin sa paniniwalang isang label lang ang pagkakaibigan nating dalawa. Hindi naman kita mapipigilang isipin na sila 'yung mga nakakaintindi sa iyo, na sila 'yung mga taong makikiiyak at dadamay sa iyo. Pasensya na kung hindi ako mukhang tao, pero sigurado akong naiintindihan kita kahit parang tanga lang ako kausap. . . .

Ilang luha na kaya ang pumatak dahil sa pagkakaibigan nating sana na-tsambahan na lang? Bakit ang sakit isipin na itinakdang sa ganito humantong ang lahat? Pero gusto ko pa ring baguhin ang nakasaad na, dahil noon pa man hindi ako sumusunod sa batas.

Kahit buo na ang loob kong bumitaw, at kahit ikaw ay wala na ring balak kumapit, yung kamay ko, ayaw umalis. Patuloy pa ring nag-aabang, at naghihintay.

April 3, 2017

Naniniwala na talaga akong nasa mga kamay ang kalahati ng utak natin. At hindi tsamba ang lahat ng pangyayari, hindi nagkataon na nagkakilala tayong dalawa. Kung nakatadhanang mag-alok muli ang mga kamay ko, malamang nakatadhana rin ang muli mo itong tanggapin.

Ikaw pa rin ang gusto kong maging kasangga habang buhay, sana ikaw rin.

Nagmamahal,

Ang taong nakisingit lamang sa buhay mo.

dedlaynTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon