Nakatuon ang mga matang walang kahit anong nakikita sa kadilimang lumamon sa kaniyang kinalalagyan. Walang buhay, walang kahit ano sa malawak na kawalan.
Matayog ang mga binuong pangarap para sa sarili ni Mathias sa kaniyang malawak at magulong mundong kinasasadlakan.
Pilit na kumakawala ang pagiging demonyo niya at nakikipaglaban sa sariling Diablo ng lumikha na namamahay sa tinutuluyan niyang imahinasyon.
"Cool ka lang diyan, hindi pa ako gutom," pagpapakalma ng kasamang Diablo sa kaniya.
Napasapo na lamang siya sa noo, saka umiling ng maraming beses tanda ng pagkadismaya."Maligo ka na lang muna, aniya at itinaboy ito palayo.
"Nakakatamad, mamaya na," sagot naman ng huli.
Tumitig siya sa kambas ng perpektong mundo na iginuhit sa imahinasyon ng lumikha sa kaniya at sa Diablong kasama niya. Nababalutan ng puting kulay ang buong paligid, tila ipininta ng pinakamagaling na pintor ang araw, mga ulap, bahaghari, puno, mga bulaklak na sari-sari ang kulay at iba pang likas na yaman, isang perpektong kambas para sa isang paraiso.
Ang pagkadismaya niya ay napalitan ng kakarampot na pag-asa. Humiling siya ng kasipagan para sa Diyos na lumalang sa kaniya. Kasipagan para sa binatilyong tatlong araw nang hindi naliligo.
Paikot-ikot siya habang malakas na ipinapalakpak nang dahan-dahan ang mga kamay para makuha ang atensyon ng kasama. Asar na asar siya habang pinagmamasdan itong ngumangasab ng prinitong manok. Humawak ito sa tiyan at saka dumighay. Rumirehistro muli sa isipan ni Mathias ang alam niyang nalalapit na deadline na itinutudyo niyang gawan na ng paraan ng binatilyo.
"Gawin mo na kaya ngayon para masimulan mo na at deadline na bukas, " payo ni Mathias at saka inisa-isa ang mga naisip na tema at nakalkulang ideya habang tamad na tamad namang tumingin sa kan'ya ang diablong kasama niya sa kanlungan.
"P'wedeng isang ipis na hinuli ng makulit na bata at humihiling na paalpasin, pero sa halip na pakawalan ay tinanggalan muna ng mga pakpak," suhestiyon niya pero nakatunganga naman ito ngayon sa pagkaganda-gandang babae na naglalakad sa harapan nila. Humilata ang Diablo at muling sumilay sa babae.
Nagbago bigla ang lugar, maraming nagkalat na puso sa buong paligid. Nagsimula na itong managinip ng gising na lalong ikinaasar ni Mathias. Wala na naman itong pakialam sa iminumungkahi niya. Pinairal ang katamaran. Para siyang sinilabang papel na agad nagningas at hindi na napigil ang nadarama.
"Putangina! Bakit ang tamad mo!" bulyaw niya sa kasama.
"Bigyan mo ‘ko ng panahong makapag-isip," sagot ng huli.
"Wala sa sampung utos ng Diyos ang pagiging masipag, kaya manahimik ka diyan," sabi nito pabalik sa kaniya. Nagtangis ang bagang niya sa inasal nito.
Dalawang taon nang magsimula siyang lumitaw sa imahinasyon ng binatilyo. Kung anong pakay niya, hindi niya alam pero sa ngayo'y humihiling siyang makaalpas na sa kulungang walang takas, kahit walang bantay.
Dumilim ang buong paligid, nag-iba bigla ang lugar.
Naupo siya sa sulok at tinungko ang mga kamay, humalum-baba saka pinagmasdan ang mga tala sa karimlan. Liwanag ng bilog na bilog na buwan at mga bituin ang nagsisilbing liwanag ngayon sa mundo niya. Gustuhin mang makaalis sa hawla, hindi maari. Kahit ano’ng paraan ay papatusin niya, para lang maging malaya.
Isang bulalakaw ang namataan niyang pabulusok, 'di na nag-aksaya pa ng panahon. Walang anumang pangamba, takot at pag-aalinlangan, humiling siya."Gusto kong maging malaya. Hindi na muling maging parte ng imahinasyon ng isang tao."
Paglaya sa imahinasyong nagmistulang kulungan para sa kaniya.Maagang nagising ang binatilyong lumalang sa kambas na kanlungan niya. Nakayapak, pawisan ang mga pasmadong kamay at isinaksak ang bintilador sa saksakan dahilan para ma-kuryente ito ng sobrang lakas. Halos panawan ito ng ulirat dahil sa pangingisay, kasabay ang malakas na enerhiyang nagpakawala kay Mathias mula sa imahinasyon ng kaniyang lumikha at kasabay din nito ang pagkakakulong ng pagkatao ng binatilyo sa sariling imahinasyon.
Ang pagkakalaya mula sa imahinasyong ayaw na balikan pang muli ang tanda na natupad na ang hiling niya. Paglaya naman mula sa pangit na realidad ang ikinatuwa ng binatilyo.
Walang mapagsidlan ng galak si Mathias nang makalaya sa impiyernong pinanggalingan niya. Tinanaw niya ang lugar na kinaroroonan. Maaliwalas ang buong paligid dahil sa liwanag na nanggagaling sa ilaw ng silid. Ilaw, bintilador at isang saksakan lamang ang naroon, at ang mga mural na tanging kulay pula lamang ang tintang ginamit. Hindi siya nakaramdam ng kahit anong pagtataka, at lalo niyang ikinatuwa ang bagong tirahan.
Patuloy niyang pinagmasdan ang mga mural, ang kambas na kawangis ng kaniyang dating mundo. Bagamat kulay pula ang tintang gamit, hindi maipagkakailang ito ang naturang kambas ng kaniyang lumikha.
Tila napagod ang katawan ng binatilyo na ngayon ay sa kaniya na at saka siya humiga at nagsimulang matulog.
Tatlong lingo na ang nakakaraan magmula ng mapasok niya ang dimensyon ng mga tao. Pero hindi ito ang inaasahan niya.
Mas masahol pa ito sa imahinasyong pilit niyang nilayasan. Walang kasiguraduhan kung patuloy siyang mabubuhay dito.
Papaubos na ang pagkain, pasaid na ang tubig sa sobrang laking lalagyan. Hindi niya na kayang tumagal, lumalakad ang oras pero hindi siya sigurado sa araw at petsa. Kulob ang silid, walang anumang siwang.
Ang imahinasyong dati niyang tirahan ay talagang hanggang imahinasyon na lamang ng kaniyang lumikha. Kung paano nakulong ang binatilyo sa loob, hindi niya alam.
Bawat pag-ikot niya ng paningin sa lugar ay lalo siyang tinatakasan ng bait. Gaya ng pagkatuklas niya na ang kulay pulang tinta na ginamit para sa mga mural ay dugo.
Hindi niya na kayang tumagal, gaya ng sa imahinasyon gusto niya muling makaalpas. Walang takas sa matataas na pader, at wala na ring paraan para makabalik.
Wala ng silbi pa ang mga mata, maging ang gutom niya ay hindi niya na nakayanan. Ipinikit niya ang mga talukap ng mga matang pagod na pagod na sa nakikita.
Dahan-dahan. Dinukot ang mga mata. Malakas na hiyaw at pagnguyngoy habang pinapahirapan ang sarili.
Nakatuon ang mga matang walang kahit anong nakikita sa kadilimang lumamon sa kaniyang kinalalagyan. Walang buhay, walang kahit ano sa malawak na kawalan. Pilit kinalimutan kung paano huminga, hinanda ang sarili para sa huling paraan tungo sa kalayaan; ang humarap sa kamatayan.
BINABASA MO ANG
dedlayn
RandomCrammed Writing Contest Entries of amoysingetchronicles. Mga lahok na itinipa dalawang oras bago ang deadline. . . . AN: Ang mga akdang nasa koleksyong ito ay pawang walang kuwenta at hindi na dapat binabasa. Not Edited. Read at your own risk.