Daster (Incognito 3 Auditions)

20 7 0
                                    

Muli kong tinahak ang makipot na eskinita kung saan matatagpuan ang sarili kong impiyerno.
At kung saan matatagpuan ang itinuring kong Satanas.
Maingay ang makina sa tahian.
Nakaririndi. Nakabibingi.
Tuwing gagamitin na ni Lola ang kaniyang makina ay sesermonan muna ako.
Nasa wisyo niya na ang putaktihin muna ako ng mura bago siya gumawa ng bago niyang daster.
Nakakababa ng pagkatao. Araw-araw niyang ibinabato sa akin ang mundo. Noon.
Kaya mananahimik na lang ako sa gilid at hindi na muling kikibo.
"Wala kang silbi! Palamunin ka lang dito! Putangina mo! Matuto kang tumulong!" Tumayo siya sa kaniyang kinauupuan, naglakad ng paika-ika at saka ako hinila papalapit sa kaniya.
Sa isang iglap lamang ay hawak na niya ang kumpol ng aking buhok. Masakit. Mahapdi.
Malakas at marahas ang pagkakasabunot niya.
Tila ang mga kamay niya'y kasing lakas pa rin ng mga kamay niya noon.
"Bastarda! Hindi ka naman anak ng anak ko! Lumayas ka rito kung hindi ka marunong manahi! Ni hindi mo man lang ako matahian ng daster? Inutil!"
Bumakat ang ilang daliri niya sa akin mukha matapos ang pagkalakas lakas niyang pagkakasampal.
Ramdam kong nagtamo ako ng ilang marka sa mukha.
Muling namuo ang mga luhang lagi kong pinipigilan. Mga luhang pilit na kumakawala pero ayaw ding mawala.
Kapag napagod lamang siya sa kangangawa at sa pananakit ay doon lamang ako makararamdam na tinanggap muli ako ng mundo.
Pero ngayong umaga, nagdagdag siya ng bagahe sa pasan-pasan kong mundo. Bigla niya na lamang akong kinaladkad palabas ng bahay at saka niya binuhusan ng ihing galing sa kaniyang arinola.
Mapanghi. Sobrang panghi.
Saka niya ipinukpok sa akin ang kaniyang arinola.
Napapikit ako ng mariin.
Gusto ko mang magsalita ay hindi ko magawa.
Hindi ko kayang magsalita, at matagal na akong pinagbawalang magsalita.
Ni hindi ko kayang ibuka ang aking labi.
Kung totoong may sakit sa utak ang lola ko'y paniguradong malala na.
"Putangina! Putangina! Putangina!" patuloy niyang sigaw.
Ang mga mura niya'y waring naging tanging himig niya mula nang magkamalay ako sa mundo.
Tila ba ang mga murang iyon ang nagsilbing sumpa sa akin.
Matamang itinuon ko ang aking tainga sa bibig niyang nagsasalita.
Nakatitig lamang ako sa kawalan, pinagmamasdan ang bawat taong tumitingin sa akin.
Ang iba'y natatawa, ang iba'y nagtataka.
Pumasok na ako sa loob ng bahay.
Sa bahay na hindi ko alam kung dapat ko pa rin bang pasukin o kailangan ko na bang lumayas para kahit papaano nama'y may tumanggap sa akin sa labas.
Naroon si Lola sa kaniyang upuang tumba-tumba-- mahimbing muling natutulog.
Tahimik na muli, pero sa oras na muli siyang magising, haharapin ko na naman ang nagngangalit na apoy ng impiyerno.
Kinagabihan, natanaw ko si Lola sa bukana ng kaniyang silid. Matiim niyang pinagmamasdan ang liwanag ng buwan.
Ilang taon na ang nakakaraan mula nang huli akong pumasok sa silid na ito.
Mukhang nakalilimot na ang lola ko: hindi na ako ang palamunin niyang si Amanda.
Sa halip, ako na ngayon si Amanda Bueva, isang imbentor ng makabagong makina sa pananahi.
Tumitibay lalo ang ganitong pagkilala ko sa sarili ko lalo pa't napapalibutan ako ngayon ng mga makinang kadarating lang kaninang umaga, ang mga sinulid na nakahilera sa isang istante, ang mga ilaw na nakalagay sa bawat makina na nasa iba't ibang direksyon at mga karayom, pang-disenyo at mga gunting na may sari-saring hugis, laki at talim.
Gumising ako nang maaga, isang bagay agad ang napansin ko-- ang makina ni Lola na walang gumagamit. Kapag ganitong mga pasado alas siyete y media na ng umaga ay rinig na rinig na sa buong eskinita namin ang tunog ng kaniyang makina, pero ngayong umaga, wala ang matandang pumuputak.
*******
Pagbaba ko mula sa ikalawang palapag ng bahay, agad kong nakita ang aking lola na patuloy lamang sa paggamit sa mga makinang ginawa ko.
Pero sa aking pagkakaalam ay mali ang paggamit niya rito.
Ibinungad ko sa harapan niya ang isang papel at nakasulat dito ang mga katagang ibig kong sambitin "Lola, marunong na po akong manahi."
Napalingon siya sa akin, magsasalita na sana siya pero nagsimula muli ako sa pagsulat sa kabilang bahagi ng papel.
"Papakita ko po sa inyo, Lola ha? Sandali lamang ito," pagtitiyak ko habang unti-unting inilalapit kay Lola ang isang lamesa. At puwersahan ko siyang pinahiga rito.
"A-apo, anong g-ginagawa mo?" bakas sa mukha ni Lola ang matindi niyang kaba at takot.
Tila hindi niya magagap kung bakit at paano siya dumating sa puntong ito.
Isinaayos ko na ang lahat bago dumilim kanina.
Na-sanitize na lahat ng dapat i-sanitize.
Naibabad ko na rin sa disinfectant ang mga karayom at gunting na gagamitin ko.
Tumitig ako kay Lola at saka ko siya ngintian ng pagkatamis-tamis.
Hinawakan ko siya sa kaniyang pulsuhan.
Pilit siyang kumakawala mula sa mahigpit kong pagkakahawak, pero wala akong balak na paalpasin siya.
Ilang minuto pa ang lumipas at mukhang napagtanto na ni Lola ang dahilan kung bakit siya nasa puwesto niya ngayon, hindi para sa isang sakripisyo, ngunit bilang isang kaparusahan sa lahat ng ginawa sa akin: ang pagtatakwil niya sa akin bilang kabahagi ng pamilya, ang hindi niya pagpapa-aral sa akin nang kuhanin niya ako sa mga magulang ko at gawing isang busabos, ang palagiang pagtapak sa pagkatao ko at lalong-lalo na sa pag-tahi niya sa bibig ko noong labin-dalawang taong gulang ako nang tangkaing kong sumagot sa kaniya.
Ngayon ay sabay-sabay nang nagpapahiwatig ng kanilang pagsakdal ang andap ng mga matang nanlilisik, sa ilalim ng mga makina, sa madilim na sulok ng mga eskinita, sa ilalim ng hukay at sa mismong harapan niya.
Nang matagpuan ko na ang saksakan ay siyang saliw ng tunog ng maingay na makina.
Pagkaturok ko ng herenggilya sa katawan ni Lola ay siyang paglukob ng kamanhidan nito sa kabuuan ng pagkatao niya.
Kitang-kita ng mga mata ko ang pagngiwi niya. Ang impit niyang sigaw at nguy-ngoy ay tila naging musika bigla sa aking mga tainga.
Sinimulan ko na ang paggupit sa makunat niyang balat.
Dahan-dahan.
Unti-unti.
Palakas nang palakas ang kaniyang paghuhumiyaw.
Bagaman at namamanhid at ramdam na ramdam kong nais na ni Lola mawalan ng ulirat-- pinanatili ko ang pagka-mulagat ng kaniyang mga mata. Gusto kong makita, at maramdaman niya ang lahat ng sakit.
*BZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZZT*
Patuloy lamang sa pagtunog ang makina, at ang karayom na papalapit ay hudyat na hindi ko na muling maririnig ang tinig ni Lola.
*******
Tinitigan ko ang aking obra-- napakapayapa.
Pinagmasdan ko ang daster na nakasabit sa pader, maganda ang pagkakayari ko rito gamit ang balat ni Lola.

-Daster
sa panulat ni WishPenWithWings (amoysingetchronicles)

dedlaynTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon