Bobo Tinta (Royal Rumble S3 Round 2)

60 11 0
                                    

Maingay, magulo, at maalinsangang paligid ang tagpuan sa muli kong pakikialam gamit ang tinta.
Sinipat-sipat ko ang piraso ng papel na iniabot sa akin. Mga larawan. Larawang pawang panaginip at iginuhit lamang.
PANUTO: BILUGAN ANG LARAWANG PANGARAP MO PARA SA PILIPINAS.
Tiningnan ko ang unang larawan.Mga taong nasa "STARTING LINE". Magogoyo ako ng sarili kong mata sa unang pagtingin, pero kung pagmamasdan ang daang tatahakin nila, mukhang papunta ito sa kawalan. Walang patutunguhan ang daan, puro simula at mukhang walang matatapos.
Hindi sapat ang panimula lamang para sa estado ng bayang ito. Hindi ito ang larawang gusto ko.
Pinagdikit ko ang mga palad ko. Sinimulan kong magdasal sa lahat ng kilalang santo, kaso naalala kong wala akong kilalang santo.
Muli kong sinimulan ang pagpili ng mas maayos na larawan. Dumako ang paningin ko sa obrang malayo sa katotohanan-- payapa, walang mahirap at masaya. Kaso hindi pa handa ang bansang ito para sa ganoon. Kahit sino ay hindi makikita ang hinaharap na katulad nito. Masyadong imposible. Habang buhay itong iguguhit at baka mailagay lang sa portfolio kapag nagkataon.
Inikot ko ang paningin ko sa paligid, tiningnan ang mga kasabay kong pumipili. Hanggang sa naabot ng aking mga mata ang napili ng aking katabi.
Larawan ng lugar na maraming kayamanan, at may isang taong nagmamay-ari sa lahat ng ito. Nakahiga sa isang kamang punong-puno ng pera.Wala naman sigurong magbabago kung nanakawin ko ang ideya niya. Mas maaga akong makapamimili, mas maaagang makauuwi, pero bago ko pa paniwalaan ang 'mas maaga' na iyon, kinalabit na ako ng konsenya ko.
Kailangan kong kilatisin ang bawat natitirang larawan na pagpipilian ko, na siyang ikinayamot ko. Mukhang walang kahahantungan ang tintang tangan ko hangga't hindi ko paninindigan ang kakarampot kong karapatan.
Hinarap ko muli ang papel, kasabay ng pag-umpog ko ng sarili kong ulo sa mesa. Itinaktak ko na ang anumang natitira at kinalalkal ko na ang dapat kalkalin na kaalaman. Dumugo ang noo ko pagkatapos kong gawin iyon, kasabay ng pagtulo ng dugo na sinapo ko gamit ang bimpo ay nakita ko ang sunod na larawan. Isang lugar na naliligo sa dugo, hindi ito ang pangarap ko para sa bayan ko. Hindi p'wedeng ito ang kahahantungan ng kinalalagyan ko.
Pinikit ko ang mga mata, hudyat na mukhang itutulog ko muna ito. Gumana ang imahinasyon ko sa pagtulog, anumang pipiliin ko sa mga larawang iyon, ang maaaring huhulma sa buong bansa sa loob ng maraming taon.
Naalimpungatan lang ako ng may maramdaman akong mahinang tapik sa balikat ko. Tapik ng isang ideya.
Tumitig ako sa kawalan, humahanap ng inspirasyon, pinuno ang utak ng kung ano-anong ganito't ganyan.
Itutuloy ko pa ba ito? Nilulumot na utak, sinasapot na imahinasyon at katamaran. Sabay-sabay na unos. Mukhang aalisin ko na muna dito ang aking karapatan. Hahayaan ko na lang ang iba. Hahayaan ko na lang silang magpasya. Lalabas na sana ako ng k'warto ng maisip kong, mali. Hindi ako p'wedeng tumakas sa pagpili. Mas madaling manahimik, mas ligtas na itago ang mga opinyon ko, mas kumportableng hindi mamili sa mga iyon. Pero hindi ako kuntento sa mga 'mas' na iyon.
Tumitig ako sa huling larawan. Ito siguro ang pangarap ko para sa bansang ito. Pangarap kong hindi ito manatiling nakaguhit lang. Ito na nga marahil ang pangarap ko para sa tinta ng pangmarkang hawak ko.

-Bobo Tinta
sa panulat ni amoysingetchronicles

(ika-30 ng Abril, 2016)

dedlaynTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon