El Fin (Pocky Rangers Finals)

23 10 0
                                    

"Nakakita ako ng isang kabayong matulin kung tumakbo, maging ng mga punong sumasayaw sa ihip ng hangin. Kumakanta pa ako noon habang pinagmamasdan ang paligid; sa malawak na papawirin, agaw atensyon ang nagsusumigaw na mga kulay ng isang bagay. May pula, kahel, dilaw, luntian, lila, at asul. Isang bahaghari." Masayang kuwento ni Pendong sa mga kaibigan, ngunit ni isa man sa kanila ay walang ngumiti. Alam nilang hindi sila makakakita ng gano'n. Sa mundong kinaroroonan nila ay kailanman hindi na muling magkakaroon ng mga ikinuwento ni Pendong.

Matatayog ang mga pader na nakahambalang sa sinag ng araw.
Ang dilim ay nakalatag sa mga gusali, lumagom sa buong paligid, dumantay sa mga mukha ng mga taong matagal nang uhaw sa luha ng kalangitan.
Tuyot. Maalinsangan. Mabaho.
Hindi na mahulugang karayom ang laksa-laksang mga tao.
Nakaabang sa maliit na butas, naghihintay sa kung ano man ang mahuhulog mula sa siwang.

Wala nang silbi ang pera.
Sa isang iglap, naubos ang lahat.

Ubos na ang pagkain, at said na said maging ang tubig. Ang tanging paraan na lamang para mabuhay ay makipagtulakan, makipag-unahan, makipag-patayan at ang kumain ng kapuwa-tao.

Sa walang muwang na isipan ni Pendong ay walang silbi na ang lahat, ang pamilya, pagmamahal at kung ano pa man.
At kung mayroon mang may kabuluhan para sa kaniya ay kinakailangang alisin ang mga nagtatayugang mga gusali, maging ang mga taong gutom sa harapan niya. At sa likuran nila'y ang buhay ni Pendong, ang mga mural.

Gamit ang dugo ng mga yumaong nakaabot noong nakaraang dalawang dekada, iniukit sa mga pader ang mundong dapat ay tinatamasa pa rin nila.
*********************
Nakatingala sa pagkalawak-lawak na kulay itim na papawirin na may maliit na butas ang bawat isa.
Maya maya pa ay nakaramdam ng basa ang isa. Isang patak ng tubig!
"May tubig!" sigaw ng matandang hawak ang pisngi at nilalasap ang sunod-sunod na patak ng tubig sa kaniyang mukha.
Nagkagulo ang mga tao. Nagsimula na silang magtulakan, magbalyahan at magsakitan.
May naapakan ngunit wala ni isa mang pumansin. Wala nang may pakialam. Ang nais lamang nilang lahat ay mabuhay.
Tumigil ang patak. Huminto ang mga tao. Dumanak na naman ang dugo.
Ilang minuto pa ay mayroon nang nagsimulang humila sa isa sa mga patay.
Inihiwalay nito ang kamay ng bangkay mula sa katawan, saka kumagat, ngumuya at lumunok.
Nakisalo na ang iba. Pare-parehong itinawid ang gutom sa iisang kagat.
Tila ba may malawakang giyera na nagaganap sa buong mundo. Maraming namamatay.

Giyerang walang katapusan, hindi teritoryo ang labanan, walang mga bansang magtutulungan.
Ang matataas na pader nga'y walang nagbabantay pero walang pa ring makakatakas.

Lumipas ang ilang minuto na parang habang buhay. Walang kumikibo, lahat ay kapos na sa paghinga. Paubos na rin pala ang hangin, mamamatay na silang lahat.
Maging ang oras ay wala nang may alam.
Kung pang ilan na ba itong yugto, kung kaarawan na ba nila'y walang makakapagsabi.
Literal na tigang na lupa na ang kanilang kinasasadlakan.
Mulagat ang mga mata, wari'y wala na sa mga katinuan.
Paulit-ulit sinasambit ang mga katagang "Mama, ale, palimos po," kahit alam nilang walang magbibigay ng limos. Dahil lahat ay salat at lahat ay maaaring humarap sa palakol ni Kamatayan anumang oras.

Inabuso nila ang mundo, at marahil ay walang balak umiyak ang langit para bigyan sila ng importansya.

Tapos na ang pagsisilbi nito sa kanila: sa mga taong walang habas na tumapos maging sa buhay niya.
Wala nang silbi ang kahit ano sa may kalupaan.
Ang mga tao'y naroon, hindi dahil may layunin sa pagiging naroroon, kung hindi dahil iyon na lang ang maaari.
"Nay, karapatan po nating mabuhay, hindi po ba?" tanong ng isang bata sa kaniyang ina na may bitbit na sanggol at buntis pa.
"Wala na tayong karapatan, maliban sa mamatay," tugon nito sa anak.

Ang mga daing ay walang halaga, tila mga patak ng ulan sa bitak na lupa na hindi na malalasap kailaman. Ang panahon ay ibinuburol na ng karukhaan.
Kung may puno lang sana, kung may malinis lang sanang ilog. Kung sana'y may mga hayop pa. Kung sana'y natuto silang gamitin sa wasto ang lahat.... Sana.

Kaniya-kaniyang pikit ng mga mata, sabay-sabay na naghintay sa nalalapit na pakikipagkamay kay Kamatayan.

Habang si Pendong naman ay nakatuon pa rin ang mga mata sa mga mural, ngunit biglang nalipat ang atensiyon niya sa nahulog mula sa itaas.
Isang botelyang may lamang tubig. Agad niya itong pinulot at tumakbo.
Binuksan, saka uminom ng tubig. Ngunit wala pa sa kalahati ang naiinom niya'y nakaabang na ang lahat.
Pumulas siya ng takbo. Sumiksik siya sa kung saan man puwedeng sumiksik, pero lahat ay hinahabol siya.
At sa musmos niyang isipan ay tumindig na siya at tinanggap ng bukal sa loob na haharapin niya na ang kaniyang katapusan.
"Tubig! Pahinging tubig!" sinundan iyon ng maraming yabag na papalapit sa kaniya.
Napahindik si Pendong. Ang basag na boses ng mga tao ay naghatid sa kaniya ng lagim. Kung tatakbo siya ulit, kung ipagpapatuloy niya ang kaniyang paglayo, wala ng magiging kabuluhan. Kinurap-kurap niya ang kaniyang mga matang hilam na sa luha, saka siya ngumiti. Iniabot niya ang botelya sa isa, at saka niya nalanghap ang usok na unti-unti nang lumulukob sa kabuuan ng lugar. Wala na siyang muling narinig. Naramdaman niya na lamang ang paglapat ng kaniyang katawan sa isa pang katawan. At pagkaraan ng ilang sandali, hindi niya na naramdaman ang kalupitan ng tadhana sa kapayapaang biglang kumandong sa kaniya.

***************
"Kailangan ba talaga nating gawin ito?" tanong ng isa. Halata sa boses nito ang pag-aalinlangan. Nakasilip siya sa butas; sa mundong hindi na muling babalik sa dati gaya ng sa kuwento ni Pendong.
"Naghirap na sila ng sobrang tagal. Sapat na iyon para wakasan ang pighati nilang lahat," sagot naman ng huli.
Tapos na ang pagmamasid ng mga taong nakapuntang Marte, oras na ng paghuhukom.

Inihanda na ang kemikal, inihulog sa may butas, at nang natagpuan na nito ang lupa ay agad na kumalat ang amoy sa sangkatauhan. Nakalalasong amoy na sapat para tumapos sa lahat ng may buhay sa mundong ibabaw.

-El Fin
sa panulat ni amoysingetchronicles

dedlaynTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon