Antok (Literary Outbreak S3 Volume 2: Lost Boys - Disqualified / Late)

18 7 0
                                    

Alas-tres na ng madaling araw ngunit gising pa rin siya, muli na naman niyang hinihintay ang pagdalaw ng antok.

Antok na magdadala sa kaniya sa paghimbing na kung saan hindi na siya magigising.

Madilim ang kuwarto para sa kaniya kahit bukas ang tatlong ilaw sa lahat ng dako ng silid.

Masikip ang kuwarto para sa kaniya kahit halos ang buong palapag ay kuwarto niya lang.

Ipinikit niya ang kaniyang mga mata, pinakikiramdaman ang paligid hanggang sa nakaramdam siya ng kalabit sa may kanang balikat. Hindi niya ito pinansin. Malamang isa na naman ito sa mga kakatwang nilalang na nakikisali sa pagpupulupot ng kadena sa kaniya. Kumalabit uli ito. Hindi niya pa rin pinansin. Isa pang kalabit at isa pa, at isa pa, at isa pa.

Nilingon niya ito, isang babae. Isang batang babae na kilala niya ang mga mata pero hindi niya matandaan ang pangalan. Kung may pangalan nga ba ito, hindi niya alam.

Ngumiti ito nang matamis sa kaniya, niyakap siya nang mahigpit na nagbigay kumportable sa kaniya. Umuusal ito ng mga salita, ngunit wala siyang naririnig. Kahit sa mismong panaginip, kung nanaginip nga ba siya'y wala pa rin siyang naririnig.

Maya-maya pa'y isa muling kalabit mula naman sa kaniyang kaliwa ang kaniyang naramdaman, napalingon siya rito, isang lalaking may hawak na lubid, isang banig ng pampatulog, baril, plastik, blade, granada at isang pares ng mga tainga. Tumango ito sa kaniya at inalok ang mga tangan. Matagal niya itong tinitigan. Ang nakangiting mukha ng lalaking may hawak ng mga bagay na makakatulong sa kaniya at ang mga bagay na ilang beses nang bumigo sa kaniya. Pero kung sabay-sabay, siguro...

Paulit-ulit na paghila sa laylayan ng shot niyang long sleeves ang nakapagpahinto sa kaniya. Napayuko siya para makita ito. 'Yung batang babae. Yumakap ulit ito sa kaniya. Sa pagkakataon ito, mas mahigpit. Parang walang balak bumitiw. Ang mga itim ng mata ng batang babae ang nagpalunod sa kaniya. Nangungusap ang mga ito. Nakikiusap.

"Kuya, ganyan po ba talaga nakakaenganyo sumama?"

"Kuya, paano na si Goddess? Paano na paniguradong malulungkot ang mama mo,"

"Kuya, bakit po ang selfish ninyo?"

Kitang-kita niya ang mabilis na pagbuka't  sara ng bibig ng paslit. Marami itong sinasabi. Pero hindi niya pa rin naririnig. Ang alam niya lang, nagtatanong ito. Maraming tanong. Tanong na walang sagot. Mga tanong na hindi niya na masasagot.

"Kuya Marcus, nangako ka pong hindi ka aalis 'di ba?"

Kasabay nito ang malakas na sabay-sabay na kalansing ng mga kadena na nakakabit sa bawat bahagi ng kaniyang katawan.

Bingi. Hindi niya alam kung saang bahagi ng oras na iyon siya nabingi. Walang nakakaalam. Walang ring nakarinig. Walang nakakita.

Pero isa lang ang sigurado, dumating na ang antok na hinihintay niya.

-Antok
sa panulat ni amoysingetchronicles

dedlaynTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon